Lambingan Sa Ilalim Ng Bituin

69 2 0
                                    

NANG hapong iyon, nagpaalam siya kay Benjie na pumunta muna sa sementeryo. Dadalaw siya sa puntod ng mga magulang. Kahit okey na ang pakiramdam niya matapos makausap ang kapatid at mabigyang sulosyon ang kinakaharap na problema, parang kulang pa rin iyon kung hindi siya makakapunta sa mga magulang. Ngunguyngoy siya talaga roon at magsusumbong.

Pagkarating, nilinis niya sandali ang paligid ng nitso ng mga magulang. Nang maayos-ayos na, sinindihan naman niya ang kandila bago itinirik sa pagitan ng magkatabing nitso. Kinuha ang itinabi niyang mga bulaklak at ipinatong din iyon doon. Umusal siya ng kunting panalangin saka na siya nag-emote.

“’Nay, ‘Tay, nauna nang mag-asawa si Henry. Nakabuntis kasi kung kailan nasa kasagsagan pa mandin ng pag-aaral. Iniuwi iyong si Leila. Sayang nga, eh, kasi pati iyon, dapat nga graduating na nga. Kaso, hindi na talaga nakapaghintay. Ayon, nagkabuntisan na. At itong pagkunat ko’ng ito, parang nawalan ng kabuluhan kahit na papaano dahil hindi ko rin natupad na mapagtapos muna si Henry bago nag-asawa,” litanya niya habang nakaupo nang pasalampak. Hindi mainit doon dahil nayuyungyungan ng nakayukong puno ng talisay ang parteng iyon ng sementeryo.

“Tuloy, natatakot ako na baka makaisip din ang bunso natin. Kababae pa naman iyon. Harinawa’ng huwag gagaya sa kuya niya dahil hindi ko alam ang gagawin ko roon pagkatapos.” Huminga siya ng malalim kasabay ng pagtingala nang bahagya. “Sa mga ganitong pagkakataon, I wish to God na sana nandito pa rin kayo. Alam niyo, may nagugustuhan din ako. Iyon lang, ayaw ko namang pansinin. Baka dahil doon, lalo lang magkagulo-gulo ang sitwasyon at mawala ako sa linya para ituloy ang nais ninyo sa aming magkakapatid. Sakaling mangyari iyon, hindi kakayanin ng konsensiya ko. Kaya siguro, isasakripisyo ko na lang kung ano ang meron ako, basta maging maayos lamang ang buhay ng dalawang kapatid ko. At sa nalalapit na hinaharap, ang apo ninyo.” Doon na siya minsan pang napaiyak. Pero ano nga pa ba ang dapat niyang asahan? Iyon siguro marahil ang sadyang maging papel niya sa buhay. Pero tanggap naman niya. Ganoon niya kamahal ang dalawang kapatid.

Tamang sisinghot-singhot siya nang biglang may nag-abot ng panyo mula sa kanyang likuran. Sa pagkagulat niya, muntik na siyang mabilaukan sa sariling plema. Pero napasinghap pa rin siya nang mabistahan kung sino ang pangahas na umeksena sa kanyang pag-e-emote.

Si Je-o.

Nagmamadali tuloy siyang napatayo kaya inalalayan siya kaagad ng lalake. Iwinaksi niya ang kamay nito saka siya lumaktaw sa likod ng nitso at ginamit na panangga ang konkretong krus.

“Anong ginagawa mo rito? At paano mo nalamang nandito ako?” sunod-sunod na tanong niya. Namimilog ang kanyang mga mata nang maisip na baka nadinig nito ang mga huling pangungusap na sinasabi niya kanina.

Pero hindi siya nito pinansin na sa nitso naman nakatingin ngayon. Partikular na sa lapida’ng kinasusulatan ng pangalan ng kanyang mga magulang.

“Ipagpaumanhin na po ninyo na bigla ako’ng sumulpot dito at pansamantalang babasagin ang pananahimik niyo. Ako po si Je-o Reynald Caridaoan. Nais ko po sanang hingin ang pagpayag niyo para maligawan ko po ang anak niyo. Ang masama lang, talaga nga po yatang ayaw sa akin kasi parati niya ako’ng iniiwasan kahit obvious naman na gusto po ako.”

Sa sinabi nitong iyon, lalong nanlaki ang kanyang mga mata. Pinunasan ng kamay ang mukha saka ito hinarap.

“’Uy, ha? Foul iyan. At kailan pa kita nagustuhan, aber? Okey ka lang?” tanggi niya habang nag-iinit na ang magkabilang pisngi. Ramdam niya ang pagragasaan na naman ng emosyon sa dibdib niya. Kahit may gumigiting pawis na sa noo at magkabilang pisngi ng lalake, parang ang bango-bango pa rin nito. Clean na clean. And goodness, unfair talaga ang kaguwapuhan. Hindi talaga puwedeng maitabi sa kanya. Alam niyang nang mga sandaling iyon, gitata na siya sa pawis. Lalo na at katatapos pa niyang umiyak. At sinisikap pa niyang huwag tuluyang lumabas ang plema na nais umeksena sa labas ng kanyang ilong sa pagsinghot-singhot.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon