Suicidal Kontrabida

64 2 0
                                    

NAPATAYO si Rebecca mula sa pagkakaupo sa hospital corridor nang makita ang nagmamadaling pagpasok ni Je-o sa salaming pinto. Bago nila naagapan si Almira sa tangkang pagpapatiwakal nang harap-harapan, nagmukhang parang war zone muna ang loob ng kanyang tindahan. At umiiyak itong nakiusap pa muna na lubayan niya si Je-o. Na ito daw ang para rito at wala nang iba. At kung sa iba nauwi, magpapakamatay na lang daw. Na siya nga'ng ginawa nito nang walang pagdadalawang-isip. Itinaon pa mandin na nasa Calanasan naman si Je-o para maging resourse speaker ng symposium tungkol sa ipinagbabawal na gamot sa isang hayskul doon. Ang naturang bayan ay sakop din ng Apayao. At base na rin sa paalam nito bago umalis, inaabot ito ng kulang-kulang limang oras na biyahe diumano papunta sa pinakasentro nu'n.

Ang ganda ng paalaman nila pagkatapos babalik na lang na trahedya pa ang dinatnan. Sa tingin niya, hindi na kuwestiyonable ang tindi ng damdamin ni Almira sa lalake sukat na pagpapakamatayan pa nga.

At doon siya hindi mapakali. Kahit naman assured siya na mahal siya ni Je-o, may takot at agam-agam na nabuo nang wala sa oras sa dibdib niya.

"Si Almira? Okey na ba siya?" agad nitong tanong paglapit sa kanya. Kitang-kita sa mukha nito ang pag-aalala. Nang tawagan niya ito matapos nilang mapilit si Almira na isugod sa ospital, wala pang dalawang oras na nakarating sa pinuntahan. At kunting oras lang, bumalik na rin. Mukha tuloy haggard ang dating.

"Oo. Nasa private room. Na-sedate kaya tulog siya," sagot niya naman na nagpatiuna nang magtungo sa silid ni Almira.

Pagpasok nila doon, agad ang paglapit ni Je-o sa natutulog na dalaga. Ginagap pa ang kamay nito saka iyon mabining hinalikan.

Alam niyang kailangan niyang umunawa pero sa nakita niya, tila sinuntok ang dibdib niya roon. Napanguso siya. Ngani-nganing pag-aalisin ang mga nakasaksak sa bruhang natutulog sa kama para matuluyan na. At hindi niya itatanggi na nagseselos siya. Boyfriend niya kaya ang tinamaan ng kulog at hindi man lang nakuhang magdalawang-isip sa inaasta roon! Ang sarap kutusan.

Bago pa siya makagawa ng eksena, walang lingon-likod na tumalikod na lang siya. Pumunta siya sa nurse station at doon na nagbilin. Mayamaya pa, nagkukukot ang loob na lulan na siya ng tricycle at nagpahatid sa kanyang tindahan.

Pagpasok doon, tila siya talunan na napasalampak ng upo sa harap ng kaha.

Lapit kaagad si Benjie. "O, ano na ang balita doon sa lukaret na iyon? Natuluyan na ba?"

Ngumiwi siya. "Asa ka pa. 'Ayon, binabantayan na ng dahilan ng ipinagpapakamatay!" Napapasinghal siya sa ginawang pagsagot.

"Eh, bakit mo iniwan doon? Paano kung bigla na lang mag-request ng pari at magpapakasal sila nang wala sa oras ni Papa J?" nandidilat ang mga mata'ng saad naman ng bakla.

Ngumuso siya ulit. "'Di magpakasal. Pakialam ko ba. Ang dali lang namang kalasan ako ng kumag na iyon. At least ako, wala pang isang buwan na boyfriend ko siya, iyong babaeng iyon, for life na yatang umaasa sa alindog ng lalakeng iyon. Di ibigay ang gusto. Madali na lang kalimutan ang lahat-lahat sa amin."

Pero sa sinabi niya, ramdam niya ang biglang pagngangawa ng kanyang puso. Siyempre, hindi naman kataka-taka iyon dahil sentensiya ang kanyang sinabi. In fact, gusto niya rin sabayan iyon ng paglulupasay sa sahig.

"What?!" Nabilaukan pa sa sariling laway si Benjie. Napaubo muna nang ilang sandali bago siya nakuhang harapin. "Gaga," irap nito. "Umayos ka nga, ha? Boyfriend mo iyon. Boyfriend mo!" madiing sinabi. "At hindi komo may isang babae roon na naglalaway na noon hanggang ngayon, isusuko mo na agad? Ipaglaban mo, gaga. Hangga't officially on kayo, may karapatan kang maghabol sa kanya!"

"Ang kaso nga, mukhang iba ang dating sa akin ng sitwasyon, eh. Kita mo, mamamatay na at lahat, nakiusap pa rin ang lukaret na iyon na layuan ko si Je-o at hayaan na lang sa kanya. Hindi naman bato ang puso ko para hindi ko din maunawaan iyon. Sa aming dalawa, ako yata ang matino'ng mag-isip. Pero maloloka rin yata ako kung sa aga pa lang na ito, natatakot na ako. Feeling ko, anumang sandali, kailangan ko nang layuan ang lalakeng iyon. Na baka kung magtagal-tagal pa kami pagkatapos bandang huli ay mawawala rin sa akin, ano ang magiging dating nu'n sa akin? Iniisip ko pa nga lang, gusto ko nang huwag na lang magmahal nang tuluyan, eh. Gugurang kung gugurang." Naipukpok pa niya ang isang nakakuyom na kamay sa mesa. Kasunod ng paghawak niya sa noo. Bigla siyang napatayo nang hindi mapakali sa inuupuan.

"'Di ba ikaw naman ang mahal nu'n at hindi si Almira?"

"Nandoon na ako. Iyon ang sinasabi niya, eh. At kailangan ko siyang paniwalaan. Pero hindi maikakailang mas nauna'ng nag-stake ng claim ang bruha'ng iyon. Beside, sa tingin mo, bagay ako sa kanya? Sa balat pa lang, talo na ako sa kakinisan. 'Yong mukha, biniyak yata kay Hayden Kho. Ang guwapo-guwapo. Nakaka-insecure. Amoy-mayaman siya. Astang mayaman pa. Ako, kung di kakarir nang bongga, sa kangkungan kami pinulot na magkakapatid. O, di mas mabuting ibigay na lang dahil sila ang totoong magkabagay." Gusto niyang magrebelde sa katotohanang iyon. Lumalabas kasi ang insecurities niya sa katawan.

"Ano iyon? Parang laruan lang na ipinahiram sa iyo kaya isasauli mo na? Ah, hindi yata ako papayag. Ang babaw, eh."

"Huwag ka'ng makikisawsaw kasi, utang na loob. Isipin mo ito, hindi siya nanligaw nang maayos. Basta na lang ora-oradang umeksena siya sa buhay ko. At bigla, nagpapahayag ng damdamin. In fact, ngayong naisip ko ito, hindi ko maiwasang isipin din na hindi rin yata tamang basta na lang din ako bumigay at naniwala na lang din at sukat. Ngayon tuloy, kaydali lang na mabuo ang agam-agam sa dibdib ko. Paano kung naglalaro lang nga? Paano kung dahil sa kagustuhan ko'ng pagbigyan ang nararamdaman ko, hindi ko na inisip ang mga bagay-bagay na maaaring maging konsekuwensiya nu'n. Sabi nga ng matatanda, buntot ko, hila ko. Baka end of the world ang kakahantungan ng buhay ko. Kaya habang mas maaga pa, putulin ko na lang anumang ugnayan mayroon kami." Shit, ang sakit talaga!

Ngingiwi-ngiwi na lang na napangalumbaba ang bakla. Lalo pa nang tumunog ang cellphone niya at buong giting niyang pinatay iyon nang makitang si Je-o ang tumatawag.

Kinagabihan tuloy, dumating si Je-o sa kanila pero madilim ang mukha. Si Leila ang nagpatuloy sa lalake. Ito na rin sandali ang nakipag-usap habang siya nama'y nananainga sa itaas. Pero nang mapansing mukhang tatawagin na siya nito, dagli siyang sumuot sa ilalim ng kumot at umastang tulog na tulog na kahit nang silipin siya ni Leila.

Nang matantiyang bumaba na ito, napababa siya ulit sa kanyang kama at minsan pa'ng nanainga sa siwang ng pinto ng kanyang kuwarto.

Nagpaalam na lang ang lalake nang sabihin ni Leila na tulog na tulog na siya.

Pero hindi rin siya nakatiis. Walang kilatis na bahagya niyang hinawi ang kurtina at sinilip ang papalabas na lalake sa bakuran. At nang mawala ito sa kanyang paningin, sunod-sunod na buntong-hininga ang pinakawalan niya.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon