In-love Na Senglot

67 1 0
                                    

NANG dumating si Je-o matapos ang apat na araw na gaya ng paalam nito, hindi niya ito hinarap. Ini-lock niya lahat ang pinto ng kusina pati na ang bintana kahit naiinitan siya sa loob. Inilulusot niya sa munting bintana na parang counter na rin ang lahat ng putahe at kakailanganin ni Benjie.

Hanggang ngayon, asar na asar siya sa muling panunugod ng impaktitang babae na iyon. Kung hindi pa kay Egimar, malamang ay nakuha niya iyong sabunutan noon right in front of Je-o’s mother. Imagine, ang lakas ng loob na sumugod ang babaeng iyon kasama ang magiging biyenan nito. Nagkataon lang naman na mas marunong umintindi sa sitwasyon ang matandang babae kaysa rito. Noong nagmartsa na palayo ang bruhang iyon, ito na rin ang nagpaumanhin sa kanila sa ginawi nito. Kung bakit kasi ang ganda na nga, sampu-sampera naman ang insecurities nito sa katawan. Nag-aasal-bata pa.

Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit buong giting naman na itinatanggi ni Je-o na wala itong nobya gayong maliwanag pa sa sikat ng araw sa muli niyang pagkarinig na ito ang magiging asawa daw. Wala naman pagtanggi sa panig ng matandang babae nang sabihin ng magandang bruha iyon kaya naisip niyang pinapasakay lang siya ng lalake. Tamang iwasan na lang niya ito. Ayaw niyang mapabilang sa mga casualties ng paglalaro nito sa mga babae.

Ang hindi lang niya maiwasan ay ang naging damdamin niya sa realisasyong iyon. Naghahapdi sa pakiramdam ang nasa ribcage niya. Tuloy kahit nang magsasara na sila nang gabing iyon, kay haba ang ngusong nagdadabog pa siya habang inilalagay ang doble-panara sa main door.

“Hoy, ano ka ba? Hindi pa end of the world kahit hindi na maging kayo ni Papa J. Hindi siya worth it na pag-aksayahan mo pa ng panahon. Manloloko naman. At least, magpasalamat ka na lang na hindi pa naging kayo. Nandiyan na naman si Egimar. Ang kuwento niya, wala pa daw siyang asawa. Kung tama ang basa ko sa naging kilos niya, malamang ay may gusto pa rin siya sa iyo. Kung hindi naman ay hindi na rin niya aaminin sa akin na gusto ka raw uling ligawan,” ani Benjie na pinapanuod siya.

“Walanghiya’ng iyon kasi. Makuha ba naman ako’ng paasahin. At ako naman si tanga, nagpadala sa pamboboladas niya. Gusto ko tuloy mahiya sa sarili ko roon. Nakuha ko’ng huwag muna makpipagrelasyon at nambasted ng kung sino-sino. Pagkatapos, kunting karinyo lang mula sa kanya, napaamo ako. Hinalikan pa ako ng walanghiya. Dalawang beses. Isipin mo nga. Kung hindi ba naman nasisiraan na ako ng bait!” Parang gusto niyang gayahin ang asta ng bruhang maganda nang padabog siyang umupo sa harap ng mesa malapit dito. Nakanguso siya nang bongga with matching kunot-noo. Pati mata ay naniningkit sa pagkainis. Dalawang nakatikom na kamao ang sumalo sa magkabilang pisngi niya nang padabog din siyang mangalumbaba patukod sa ibabaw ng mesa.

Kumekendeng na lumapit si Benjie sa freezer. Pagbalik nito palapit sa kanya, apat na Red Horse kaagad ang inilapag nito sa harapan niya.

“Hayan, maglasing ka. Kumapit ka nga lang nang husto sa mesa at baka totoong may kunting sipa iyan mula sa kabayo, sa bumbunan ng pulis na iyon ka pulutin. Char! "

Inirapan niya ito. Pero sa pagkakunsumi, bigla niyang sinambilat na nga ang isa at ipinasak ang takip nu’n sa nakapakong bottle opener na nasa isang gilid ng kaha. Walang pagdadalawang-isip na tinungga iyon para lang masamid nang sunod-sunod.

Parang bruhang nagtatawa ang kaibigan niya na agad namang nanagtag sa likuran niya. Lalo lang lumakas ang loob niya kaya hindi na rin niya iyon tinigilan. Tuluyan siyang nalasing nang maitumba ang dalawang bote.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon