Si Je-o Kasi...

69 2 0
                                    

NAISUNOD ni Rebecca ang tingin sa papaalis na grupo ni Je-o. Pabalik na ang mga ito sa police station pero may dalawang nag-paiwan sa police outpost.

“Nakupo. Mabali na ang leeg natin diyan sa pagtanaw kay Papa J,” ngingisi-ngising umentra na naman si Benjie. “Nakakatulo-laway, ‘no?”

Kanina, hindi niya malaman kung magpasalamat siya o kaya sakalin at pagbabatukin ang talipandas na bakla sa naunsiyaming paghalik sana sa kanya ni Je-o. Umeksena ba naman nang gayon na lamang. May kasama pang tatlo’ng bakla na magkakaiba ang level ng kulay ng balat at buhok. ‘Yong isa, maitim pero blonde ang buhok; iyong ikalawa, morena at pinagtripang kulayan naman ng light brown ang buhok at ang ikatlo, mahilig yatang kumutkot ng glutathione kaya medyo may kaputian at brown ang buhok naman. Nang mabungaran nga nila paglabas ng CR, kapit-bisig pa ang mga iyon nang ayon sa order ng kulay kaya parang do-re-mi sa music score.

Napapaingos siyang bumaling dito. “Bakit nga pala bigla ka’ng umeksena dito? Uutang ka ulit?”

Istilo na nito iyon kapag ganoong may bisita. Kinukulang kasi ng pera dahil hindi naman talaga malakas ang hatak ng parlor nito. Sa pagkakataong iyon, may tatlong bunganga’ng pinakakain ng halu-halo. Pina-serve-an niya ito kanina pa. Libre na naman gaya na ng dati.

“No. Hindi ngayon. Kaya nagawi ang tatlong iyan dito ay dahil, finally, nagbayad na ng utang nang bonggang-bongga, ateng. At ngayon, bigla ko’ng naisip na isusyo sa iyo. Ano sa tingin mo kung bukod sa mga ice products mo, mag-karinderya na din tayo? ‘Andami ka’ng parukyano kaya hindi malayong dito na din sila magsikainan kung tinatamad nang magluto o kaya uuwi sa kani-kanilang bahay kapag kainan na. Kahit lunch at dinner lang tayo.”

Biglang nabuhay ang interes niya. “Sure ka? Naisip ko na din iyan dati. Lalo kapag tag-ulan at kunti lang ang mga tumatangkilik ng Ice Queen Nook. Iyon ang dahilan kaya may mga pansit nang nadagdag sa menu nitong nakalipas na buwan. Ang kaso, solo’ng katawan pa lang ako. Hindi ko kayang gawin lahat. At hindi pa puwedeng basta na lang ako kukuha ng mga kasama rito lalo at may pinag-aaral pa ako.”

“So, gora tayo sa karinderya idea? Tayo-tayo na lang ang tatao para menos-gastos.”

Tumango siya. “Magkano ang isususyo mo?”

Sinabi nito. “Kaya ligwak na sa operasyon ang parlor ko simula next week. Karirin ko na lang dito para araw-araw ma-sight ko din ang alindog ni Papa J.” At humagikgik ito nang pilya.

Napaismid siya. “Sinasabi ko na nga ba.” Inambaan niya ito ng suntok. “O, siya, iyong-iyo na. Pero, Benjie, ha, paalalahanan na kita. Hangga’t maari, pagdating sa business, huwag mo’ng haluan ng kalokohan. Alam ko ang kiwal ng bituka mo. Hindi keri ng powers natin iyon.”

“Oo na. Ito naman,” nakangiwing sagot nito. Mukhang na-offend.

“Pasensiya na roon. Pero iyon nga, mas mabuti na iyong nagkakaliwanagan tayo sa una pa lang.”

“Naiintindihan ko naman ang rason mo talaga. Kaya huwag mo nang isipin iyon. Gusto ko lang din makaipon na. Mahirap talagang gumurang nang walang datung, ‘no?”

“Mabuti naman kung ganoon. Nagkakaintindihan tayo .”

“At saka gusto ko ding mabigyan ka ng tsansa na magka-lovelife naman. Para ano’t mag-bestfriend tayo kung hindi kita matutulungan doon?”

“Eww!” Nilakihan niya ito ng mga mata. “Kaya pala may sinasabi kang gurang-gurang diyan, ha? Gusto ko na tuloy magduda sa anyo ko. Tatlo na kayong nagpamukha sa akin iyan.”

“Ineng, iyan ang dahilan kaya may bahay-bata ka. Gamitin mo. Hindi ka kagaya ko na bakla na walang katakot-takot na magburo dahil wala naman ako’ng itlog. Nag-i-imagine lang kaya nakukuhang magpadilig. Gets?”

“Hay naku. Utang na loob, tumigil ka muna. Huwag mo’ng ipaisip masyado sa akin iyan lalo na sa mga panahong ito. Naipangako ko na noon sa puntod ng mga magulang ko na kahit ano’ng mangyari, kailangang makatapos muna ang mga kapatid ko sa pag-aaral at magkaroon ng magandang buhay bago ko harapin ang sarili ko.”

Pero nang gabing iyon, tamang kalalapat lang ang likuran niya sa higaan nang tuksong pumuslit sa isipan niya si Je-o at ang pinag-usapan nila ni Benjie. Kailangan niyang aminin na may punto ang bakla. Pero kailangan niyang isakripisyo muna ang sariling kaligayahan. Kaya basted-basted muna ng manliligaw.

Pero itong si Je-o…

Napakurap-kurap siya sa gitna ng dilim kasabay ng kanyang buntong-hininga. Ano ba ang mayroon sa lalaking iyon at nagkakainteres pa yata siya rito? Kung hindi naman, hindi ito dapat sumusulpot ngayon sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung ano ang magiging papel nito sa mga darating na araw sa buhay niya. Pero sa agang iyon, may mga ipinaparamdam ito sa kanya na kahit minsan ay hindi iyon nagawa ng kahit na sinong manliligaw niya.

Kakatwa.

May excitement.

At parang pinagtri-tripan ng pulso niya ng kaiga-igayang kaba.

It’s all brand new, sabi ng isang kanta.

Aah…mukhang nasa panganib ang alindog niya. Hindi niya ito kailangang isipin at pagtuunan ng pansin. Wala siyang kaplano-planong isama ito sa istorya ng buhay niya. Hindi niya ito kilala. Paano nga kung may asawa na ito?

Nahawakan niya ang mukha sa isiping iyon. At agad na naisubsob bigla sa unan nang maramdaman ang pangingilabot nang maalalang sinabi niya pala doon sa CR na kailangan siya nitong pakasalan!

No way, Jose. Erase. Erase. Makapal ang mukha niya din minsan pero kahit kailan, wala siyang balak maging kabit. Kaya kailangan niyang iwasan ito. Kailangang-kailangan.


❤️❤️❤️Mapanindigan naman kaya? Abangan❤️❤️❤️

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon