Welcoming The Baby

86 3 0
                                    

LIMANG buwan ang matuling lumipas…

“Ate, diyos ko po, dali na. Lalabas na yata ang baby!” tarantang sigaw ni Henry. Hindi malaman kung paano ang gagawing pagtulong kay Leila na halos maiyak-iyak na sa nadaramang sakit ng tiyan.

Siya nama’y kararating lang galing sa Apayao State College para mag-inquire. Doon na niya kasi naisip ipagpatuloy ang pag-aaral lalo pa ngayon na naipasa niya ang pagsusulit para maging full-time scholar ng provincial government. Ayaw niya sana, ang kaso, talagang halos itinulak na siya ni Je-o para sumubok. Hindi siya nito tinigilan hanggang sa kahit napipilitan lang, umu-oo na rin siya. Iyon ay nang matapos ang masinsinan ding pag-uusap nila ni Benjie at silang magkakapatid sa magiging sitwasyon nilang lahat.

Kaya ang naging pasya nila, titigil muna sa pag-aaral si Henry at ito ang magiging katu-katulong muna ni Benjie sa tindahan nila. Lalake naman daw kaya kahit late na itong makatapos, hindi iyon magiging problema. Hindi kagaya niyang tumatanda nang talaga kaya kailangan na niyang magmadali.

Pabor na rin iyon sa kapatid niya para nga naman masamahan si Leila sa pag-aasikaso ng maging baby ng mga ito pagkapanganak.

Si Leng naman, kumuha na ng summer courses para kunting-kunti lang din ang bubunuin pagdating ng ikatlong taon nito sa nursing. Hindi naman siya nag-aalala dahil sa ilang taon na rin niyang pagtitinda, ito lang ang nakuhanan niya noon ng college fund palibhasa bunso. Umeepekto na iyon ngayon matapos niyang ayusin ang problema sa activation ng naturang insurance noong isang buwan lang.

“Oo na. Oo na!” naisigaw rin niya na hindi na nag-abalang magsuot pa ng kahit ano’ng sapin sa paa na tumakbo na palabas ng bakuran. Ang problema lang, wala ni isang nagsilisaw na traysikel palibhasa katanghaliang-tapat at malamang nagpunta ang mga ito para kumain.

Sa isa pang pagtawag ng kapatid niya, walang isip-isip na tumalilis na siya ng takbo papuntang police station. Sampung metro pa lang ang layo niya, sumisigaw na siya.

“Saklolo. Saklolo!” Pati litid niya’y nagsilabasan na. ‘Tulungan niyo kami!”

Sa ginawa niya, parang hantik na naglabasan ang mga nasa station. Alerto. Pero nang makita siyang hindi na yata alam kung paano huminga, hinawakan siya ng isa at halos payugyog pa siyang tinanong.

“Ano ba’ng problema, miss? Sabihin mo na at natatae ako,” anito.

Tinabig niya tuloy. “Nasaan ba si Je-o? I mean, ang chief ninyo. Emergency, please.”

Pero hindi na siya nag-abalang maghintay. Nang makita ang pintong may nakasulat na CHIEF OF POLICE, iyon ang agad niyang dinaluhong ng takbo at hindi na kumatok. Para lang magulat sa nadatnan.

Si Almira, nandoon na naman at nakayakap sa boyfriend niya!

Napatda siya sa nasaksihan. Maging ang mga ito ay gulat na gulat na napatingin sa kanya. Pero nang makahuma siya, bigla niyang kinabig ang pinto at pabalibag na isinara. Dali-dali siyang lumabas at walang babalang sinambilat ang isang napatanga’ng pulis malapit sa complaint desk.

“Kahit forever kang libre ng halu-halo sa tindahan ko basta kunin mo ngayon din ang mobile car niyo at i-drive iyon. Manganganak ang hipag ko at wala kaming alam na pansakyan para madala kaaagad sa ospital, please,” pakiusap niya. Pero napaiyak na siya. Hindi ito ang tamang pagkakataon para harapin ang sariling problema pero nandoon na iyon at walang habas na naipamukha sa kanya. Ang mga walanghiya!

Noon sumulpot si Je-o, kasunod si Almira. “Ano’ng nangyari?”

Pero hindi niya ito pinansin na nagpatiuna nang sumakay sa mobile car na nasa driveway lang. Hindi pa niya napupunasan ang nahulog na luha sa kanyang pisngi nang lumulan doon mismo si Je-o at tila pa rin nababaghang binuhay ang makina.

“Rebecca…”

“Umalis na tayo. Kailangang madala na kaagad si Leila sa ospital. Manganganak na siya,” parang walang emosyong saad niya. Pero sa loob-loob ay gusto na niyang sapukin ito. Kaya pala hindi pansin ang paggibik niya kanina kahit para nang sa megaphone ang lakas ng boses niya, may pinagkakaabalahan ang kumag! Tanghaling-tanghaling tapat pa right there on that blasted station. Hindi na lang dinala sa tinutuluyan nito para tinuluyan na lang ang buwisit na babaeng iyon. Kung maka-timing…

Pagdating nila sa bahay, parang nawawala na sa sarili si Henry na napatakbo kaagad sa mobile car at pumasok sa likod. Pero nang maalalang naiwan nito si Leila, muntik na namang matisod na bumalik ng bahay at pinagtulungan nilang ilulan ang hirap na hirap nang buntis. Sinambilat niya kaagad ang nakahanda nang gamit ni Leila sa gilid ng hagdan na noong isang buwan pa naka-ready dahil sa antisipasyon ng panganganak nito. At minsan pa, hindi na niya ulit naalalang magsuot ng sapin sa paa na tuluyan nang lumulan ng sasakyan.

Sa gitna ng pagkataranta nilang magkapatid, ini-on ni Je-o ang wangwang. Nakatulong naman iyon para ma-clear ang daan kaya ilang sandali pa, nakarating sila kaagad ng ospital.

Maliksing nagsikilos naman ang mga emergency attendant dahil di pa man sila nakababa, may stretcher nang hila-hila ng mga ito. Pinagtulungan ng mga itong ibaba si Leila. Kamukat-mukat nila, naisugod na ito sa delivery room.

Sa nerbiyos naman ni Henry, pinaiwan niya ito sa labas kasama ang salawahang boyfriend niya at siya ang pumasok sa delivery room para bigyan ng lakas ng loob si Leila. Encouragement dito, encouragement doon. At iyong sigaw ni Leila nang pagkalakas-lakas na halos nagpawala ng mga dugong dumadaloy sa mga daliri niya sa higpit ng hawak nito roon, sinundan na iyon ng iyak ng sanggol mayamaya.

Kapwang sa lumabas na sanggol na hawak-hawak ng isang doktor nabaling ang atensiyon nila ni Leila. Kakawag-kawag ang paa at mga kamay sa gitna ng dugo’ng nakakulapol pa rito.

Lalake ang panganay ni Henry.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon