🎤Chapter One🎤

1.1K 34 9
                                    

Love is like a song. Kung minsan maganda, kung minsan pangit. Kung minsan hit, kung minsan gaya ng hopia na 'di mabili...😆

                                              borj_roni





NAPAHALUKIPKIP si Ronalisa, o Roni, nang humampas sa kanya ang malakas na hangin. Nakatayo siya sa tabing-dagat, pinapanood ang mga alon. Hindi iyon ang tamang panahon para sa ganoong gawain, sa totoo lang. Hindi nakakaaliw ang tanawin. Animo galit ang mga alon at handang sakmalin ang ano man o sino mang maabot ng mga iyon. Malakas ang ihip ng hangin na tumatangay sa laylayan ng kanyang bestida. Libreng boso ang sinusuwerteng mapapagawi malapit sa kinaroroonan niya.

Pero walang paki si Roni. Kunsabagay, may mga pagkakataon talaga na nawawalan siya ng paki sa buong mundo, mga pagkakataong hindi niya mapagpilian kung matutulala lang ba siya o iiyak hanggang sa masaid ang kanyang mga luha.

"Roni, ano't patayo-tayo ka rito? Hindi mo ba nakikita ang langit?" Kalabit na may kasamang talak ang ginawa ni Nana Medel. "Aabutan ka ng ulan, para ka pang estatwa diyan." Kung gaano katagal  nang namamasukan sa resort ang matandang babae, hindi na alam ni Roni. Basta nandoon na si Nana Medel nang mabili ng mommy niya ang resort. Kasama raw sa mga kondisyones ng nagbebenta ng resort ang pananatili ng matanda sa resort.

Pinatungan din siya ng balabal ni Nana Medel. "Magkakasakit ka sa ginagawa mong 'yan, eh." Pumalatak ang matanda. "Hala, tayo na doon. Mabuti't wala tayong bisita, kung hindi, baka napagkamalan ka pang luka-luka. Nakow, lalo tayong mawawalan ng parokyano."

Iyon ang isa sa malaking problema ni Roni. Kakarampot ang kita ng Sea Breeze Resort. Maganda naman sana ang lokasyon niyon, malinis ang guest houses, at mababait ang staff. Kaso, mula nang gawin ang diversion road ay hindi na masyadong nadadaanan ang bayan nila. Kulang siguro iyon sa advertisement o sa mga pakulo o kung ano pa mang hindi mawari ni Roni kung ano.

Kung noon nangyari iyon baka ikinatuwa pa niya. Hindi kasi niya gustong magtrabaho sa resort pagka-graduate niya ng kolehiyo. Pinagbigyan lang niya sandali ang mommy niya pagkatapos ay nagpaalam siya rito, nagpumilit, na hayaan din naman siyang subukang abutin ang kanyang pangarap. At iyon ay ang maging bahagi ng corporate world. Ini-imagine ni Roni noong nag-aaral pa siya na magiging woman executive siya. Iyong pumapasok sa opisinang nasa tuktok ng mataas na gusali, may bitbit na briefcase, naka-power suit at nagkukumahog dahil maraming naghahanap sa kanya.

Imbes ay pag-imbentaryo ng mga sabon, shampoo at toilet paper ang pinagkakaabalahan niya sa halip na mahahalagang dokumento. At hindi matayog na gusali ang inaakyat niya kundi ang burol sa likurang bahagi ng resort. Doon siya nangunguha ng mga ligaw na bulaklak na ginagawa nilang floral arrangement para sa maliit na kainan ng resort.

Her dissatisfaction with what she was doing was very evident. Kaya pagkatapos nilang magtalo ng mommy niya ay pumayag na rin ito na maghanap siya ng mapapasukan sa business district sa Kamaynilaan.

Sinolo ng mommy niya ang pamamahala sa resort at kahit pa nang magkasakit ay inilihim ang bagay na iyon sa kanya.

Malala na ang cancer ng ina nang madiskubre sa isang routine checkup. Hindi na ito sumailalim sa matindi at magastos na gamutan. Limang buwan pagkatapos na ma-diagnose ay iniwan na siya ng kanyang ina.

Ngayong wala na ang mommy niya ay saka nawari ni Roni kung gaano pala siya ka-dependent sa ina.

"Makukurot kita sa singit, bata ka." Tumalak na naman si Nana Medel. "Hindi mo kinain iyong almusal na dinala ko. Hindi ka rin daw nananghalian. Nagpapakamatay ka ba? Aba'y sabihin mo lang. Hahambalusin na lang kita ng bakawan at nang mapadali na."

"Gagawin mo, Nana? Aba, sige." Sobrang-depressed nga siguro siya dahil pumayag siya.

"Ako ba'y talagang ginagalit mo, ha, Roni?" Singhal ni Nana Medel.

A Song for RoniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon