🎤Chapter Five🎤

315 28 9
                                    

HINDI MATIGIL sa pag-iyak si Roni. Kanina pa niya paulit-ulit na pinakikinggan ang CD na ibinigay sa kanya ni Tom bago ito umalis noon. Ewan kung may premonisyon na ang lalaki sa sasapitin nito. Tanda pa niya ang bilin nito pagkatapos iabot sa kanya ang CD...

"That song is very precious to me. I want only you to have it."

"A-ako lang?" Lalo siyang na-touch. Ang buong akala niya ay ire-record ng banda nito ang kanta at pagkakakitaan na katulad ng ibang mga naisulat na ni Tom. Talentadong songwriter din pala ito. Nalaman lang niya iyon nang mag-research siya sa Internet tungkol sa Polaris. "Pero hindi ba sayang ito kung akin lang?"

"It's a gift," paliwanag ni Tom. "May gift ba na ipinapakita lang sa pinagbigyan tapos babawiin at gagamitin ng nagbigay?" Nagbiro pa ito. "You're the first woman who made me feel like this. Kaya gusto kong alayan ka ng kanta na iyo lang. Maybe later, when we're married, I can record the song. But then, maybe not. Basta. Depende. As of now, I want you to keep the song a secret. Puwede ba?"

"Oo naman."

"Promise me that. Please."

"Promise." Itinaas pa ni Roni ang kanyang kamay.

"Huwag mong ibibigay kahit kanino ang kopya, ha."

"Promise na nga, eh."

"Thank you. Kailangan kong umalis muna pero babalik ako. Wait for me, okay?"

Tumango siya.

"Promise?"

"Ang kuliiit!"

Tumawa si Tom. Hinagkan pa siya nito sa noo bago nagpaalam na...

Makulay ang tingin ni Roni sa mundo nang umagang umalis si Tom. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay may masisilip siyang kaligayahang naghihintay sa kanya.

Huwag masyadong umasa. Posible naman na binobola lang siya ni Tom, na lahat ng mga babaeng napagti-tripan nito ay sinasabihan nito ng ganoon. Puwedeng inalayan din ng kanta. Gayunman, hindi rin naman siguro masama na hayaan niya ang sarili na matuwa at mahimas ang ego sa ideyang minsan sa buhay niya ay nakadaupang-palad niya ang isang katulad ni Tom. Aba, ilang babae ba ang makapagmamalaki na nakasama ang isang sikat na bokalistang katulad ni Tom? Marami siyang kinuhang litrato, mga patunay na hindi siya nag-iimbento lang kapag ikinuwento niya ang mga nangyari sa mga kakilala niya.

Nandoon din noon sa wakas ang pag-asa na baka sa wakas ay tinamaan na siya ng suwerte at nakilala na niya ang lalaking itinalaga para sa kanya. Malay ba niya na napakasaglit lang ng kaligayahang ipapadama sa kanya. Iglap din iyong binawi ng nakagigimbal na balitang dumating sa resort. Ang aksidente sa highway.

Burned beyond recognition. Nabasa ni Roni ang description na iyon ng sinapit ni Tom sa broadsheet na araw-araw na idine-deliver sa resort. Kung hindi pa raw sa mga ID na nasa wallet ng biktima ay hindi ito makikilala. Ni hindi na pala kinailangan pang magsuot ng disguise ni Tom, na ginawa nito bago umalis ng resort dahil wala na talagang makakakilala rito. Wig na may kulay at balbas ang laman ng disguise kit ni Alwynn, ang may-ari ng Harley. Pinagtawanan pa nga ni Tom ang taste ng kabanda. Nakapanlulumo at nakakabaha ng luha ang sinapit ng lalaki.

Nagtalo pa ang kalooban ni Roni kung dadalo sa lamay o sa memorial service para kay Tom. Sa dakong huli ay naisip niya na baka mapagkamalan siyang kasama sa mga tagahanga ng banda na nababaliw sa lalaki. Hindi siya tagahanga. Naniniwala siya na kahit paano ay nagkaroon sila ng koneksiyon ni Tom.

Hindi na siya dumalo. Nag-alay na lang siya ng maraming panalangin para sa lalaki. At tuwing maririnig niya ang tinig ni Tom na inaawit ang mga katagang ipinapatungkol diumano nito sa kanya ay ganoon na lang ang panghihinayang niya na hindi man lang sila nagkaroon ng pag-asa ng lalaki na umusbong ang pagtitinginan.

A Song for RoniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon