🎤Chapter Eight🎤

317 26 8
                                    

KANINA pa panay ang click ni Borj ng camera. May inarkila na silang Ad Agency na mamamahala sa mga patalastas na ilalabas sa mga magazines at pati sa iba't ibang Web sites sa Internet. Kaibigan daw ni Borj ang may-ari ng ahensiya kaya ang laki ng discount na ibinigay kay Roni. Dumating kanina iyong photographer para kumuha ng larawan ng magagandang tanawin pati na ng facilities ng resort. Nakaalis na ang photographer at inaasahan ni Roni na ganoon din ang gagawin ni Borj. Imbes ay dinaig pa nito ang photographer sa dami ng kinukuhang pictures.

"Para saan ba 'yan?" Bubuntot-buntot siya kay Borj.

"For reference," sagot nito na nakatutok pa rin ang pansin sa ginagawa. "Saka paglilibang na rin. Hobby ko ang photography. Kaso dati, walang masyadong pera kaya di ako makabili ng magandang camera. No'ng may pera na, walang naman akong oras."

"Mabuti't may oras ka na ngayon. Sabi ni Tom, Busy raw ang middle name mo." Kakatwang hindi siya nahihirapang makipag-usap sa isang taong nakatalikod. Nagpapasalamat pa nga siya at nakatalikod si Borj. Nasa kanya ang lahat ng pagkakataon para pagmasdan ang katawan nito. Kahit backview ng lalaki ay macho. Nakatambad sa kanya ang malapad na likod, ang matitigas na mga kalamnan sa braso at balikat na nagkikislutan sa bawat kilos nito, ang pang-upo na...

Napahiya sa sarili si Roni. Napapikit siya. Ang init-init ng kanyang mga pisngi. Ano't umaasta siya na parang babaeng hayok? Pinagpapawisan siya ng malamig. Nasisiraan na yata siya ng bait.

"I think that would do. Nakunan ko na ang lahat ng magagandang tanawin." Eksaktong noon bumaling sa kanya si Borj. "Are you okay?" tanong nito.

Agad na dumilat si Roni at sandaling hindi nakahinga. Malapit lang sa kinatatayuan niya ang lalaki kaya kitang-kita niya ang mukha nito. Kanina pa naman niya nakikita ang lalaki kaya hindi niya maintindihan kung bakit sa pagbaling nito sa kanya ay naagawan pa ng hangin ang kanyang mga baga.

She was just... overwhelming. Natotorete ang lahat ng pandama niya dahil kay Borj. Ang kanyang mga mata ay nagpipista sa hitsura nito. Ang ilong niya ay natutuksong singhutin nang husto ang nakalalangong amoy nito. Ang kanyang mga kamay ay nananabik na masayaran ang katawan nito. Ang mga tainga naman niya ay nagpipista sa tunog ng boses nito na ewan kung bakit tila kumikiliti sa buong pagkatao niya. Kung hindi iyon senyales na nanganganib nang bumigay ang kanyang katinuan, hindi alam ni Roni kung anong sakit ang dumapo sa kanya.

"O-oo naman. Medyo napagod lang siguro," pag-iimbento niya ng dahilan.

"You've been out in the sun way too long. Baka ma-heat stroke ka. Come." Hinawakan siya ni Borj sa siko para igiya papunta sa gazebo na nasa isang bahagi ng resort.

Nanganganib nga yata siyang ma-heat stroke. Pero hindi dahil sa init ng araw. Nang sumayad ang palad ni Borj sa kanyang balat ay nabulabog at naglundagan ang lahat ng nerve endings niya. Humiyaw pa ng "more" ang mga iyon.

Kung may hika lang siya ay iisipin ni Roni na inaatake siya. Ang hirap huminga. Nakakainis na nangyayari iyon sa kanya dahil lang sa kasamang lalaki. Nang marating nila ang gazebo ay buong pasasalamat siyang umupo. Kanina pa nanganganib na bumigay ang mga tuhod niyang nasobrahan sa pangangalog. Pangangalog na nag-ibayo nang tabihan siya ni Borj.

"You've done well with the resort," sabi nito.

Nakakainis talaga. Kaswal na kaswal ang himig nito, halata tuloy na siya lang ang tinatablan ng kung ano-ano.

"Well ba ang tawag do'n? Nagmumuntikan na ngang malugi, eh."

"Ang punto, hindi nalugi. And considering the circumstances, okay pa rin iyon. But I bet your heart is not into running a resort."

"Actually, ganoon na nga." Hindi na nagkaila si Roni. "Mas gusto ko na maging career woman. Iyong pumapasok sa Makati na naka-power suit, lulan ng red na Porsche, may bitbit na attache case. Para akong gaga."

A Song for RoniTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon