GUSTO nang manuntok ni Borj. Dahil sa biglaang pagkamatay ni CJ ay nagkaloko-loko ang schedule ng Polaris. Hindi pa naman biro ang pagbuo niya ng schedule na iyon. Maraming taong kailangang kausapin, brasuhin para umayon sa gusto niya. Bawat segundo ay pera ang katumbas kaya ayaw niyang maaksaya ng kahit isang sandali. Para sa katulad niya na dati ay kailangan pang magkumahog para sa singkong duling ay napakalaking bagay na huwag aksayahin ang pagkakataong magkapera.
Kahit halos malunod ka na sa pera? Gaano karami ang kailangan mo? Ang mommy nila ni Tom, na namatay noong sampung taong gulang siya at walo naman si Tom, ang na-imagine niya na nagsasabi niyon. Kung anumang konsensiya kasi na mayroon siya ay ang ina ang nagtanim sa kanyang isip.
Ulirang ina si Mrs. Kristine Jimenez. Sa sobrang pagkauliran ay halos patayin na nito ang sarili sa pagtatrabaho mabuhay lang sila ng kanyang kapatid. Ang daddy niya ay wala na siyang balita kung nasaan. Wala na rin siyang paki kahit pa naging bato na ito. Iniwan sila ng ama noong bata pa sila ni Tom at dahil dito kaya hirap na hirap sila.
Kayod-kalabaw ang mommy niya. Nagtatrabaho ang ina sa isang government agency sa umaga at nagluluto ng kung anu-anong kakanin sa gabi at itinitinda nito sa mga kaopisina. Suwerte na ang makatulog ang ina nang dalawang oras kada araw.
Tumutulong si Borj hanggang kaya niya. Nagtinda siya ng diyaryo, nagkargador sa palengke, at kung anu-ano pa. And then just like that, their mother died. Nagka-pneumonia at hindi na gumaling, siguro ay dahil sa mahinang-mahina ang resistensiya ng ina.
Isang kaibigan ng kanilang ina ang nagkawanggawang kumupkop sa kanila, pinatira lang sila sa bahay nito at iyon na iyon. Bahala sila kung may madadatnan silang pagkain, na kadalasan ay wala. But at least, they had a place to stay. Sa bisa ng mga scholarship kaya siya naka-graduate pero bago pa man makapagtapos ng kolehiyo ay marami na siyang pinagkakitaan. Nagbenta siya ng insurance, household products, lahat ng puwedeng itinda ay itinitinda niya.
Pinatulan din niya ang nausong networking at may angking talino nga yata talaga siya sa paghawak ng pera kaya bago pa magkagulo-gulo ang kompanyang nagpasimuno ng networking ay kumita na siya ng malaking halaga. Dahil doon ay nagawa niyang pag-aralin ang kapatid. Naka-graduate si Tom ng high school, pagkatapos ay kumuha ito ng certificate course sa Web Designing. Ang gusto sana niya ay ituloy iyon ng kapatid sa isang diploma course pero ayaw na ni Tom.
Napalago ni Borj ang kanyang mga kinita at dumating ang punto na kinaya na niyang bumili ng kahit maliit na bahay lang. Eksakto sa pagbukod nila ay namatay naman sa stroke ang kaibigan ng mommy nila na nagpatira sa kanila sa bahay nito. Siya ang sumagot sa gastos ng palibing. Munting paraan niya iyon ng pagtanaw ng utang-na-loob sa kaibigan ng ina.
His brother Tom, well, he was a dreamer. Sa kanilang dalawa ay siya ang mas praktikal, mas buo ang loob. Mahirap maging lampa kung sa murang edad ay napilitan siyang kumilos na parang mama na.
Kasalanan din siguro niya. Masyado niyang pinrotektahan si Tom. Payat kasi ang kapatid niya noon, mahiyain, uhugin at mahina. Malingat lang siya ay binu-bully na si Tom. Kahit turuan niyang lumaban ay hindi nito magawa, imbes ay umiiyak na lang.
Pero may talento ang kanyang kapatid. Noong bata pa ay sumali ito sa isang songwriting contest at nanalo ng first prize. Nang lumaki ay napabarkada ito sa mga kabataang mahilig magbanda. Backup singer lang ang kanyang kapatid noong una pero dahil maganda ang boses, nang umalis ang lead vocalist ay si Tom ang ipinalit.
Hindi masyadong pinapansin ni Borj ang banda. Ipinagpalagay niya na pagsasawaan din iyon ni Tom, o di kaya ay lilipas din ang hilig ng mga kabarkada ng kapatid. Hanggang sa manalo sa patimpalak ang grupo.
Nanood siya ng grand finals at noon siya nagsimulang makaamoy ng pera. The band had potential. Kung mahahasa ang mga miyembro niyon, maipa-package nang maayos, at mapipili ang mga kanta at venue na pagtatanghalan ay puwedeng sumikat ang banda.
BINABASA MO ANG
A Song for Roni
RomanceHindi makapaniwala si Roni nang makilala si Tom. Miyembro kasi ng isang sikat na banda ang lalaki. Lalong hindi siya makapaniwala nang gawan siya ng kanta ni Tom at sinabi pang balang-araw ay pakakasalan siya. Kaya ganoon na lang ang pagkagimbal ni...