[Prologo]
Nakakunot noong pilit na iminulat ni Estrelya ang kaniyang mga mata. Bagaman nais pang matulog ay pinilit niyang gisingin ang kaniyang diwa. Wala sa sariling iniwan ang malambot na kama at hinawi ang kurtinang sa bintana'y tumatabing.
Kamay ay ginawang panangga sa sinag ng araw na sa kanyang mukha'y tumatama. Dumungaw sa bintana't pinagmasdan ang mga binibini't ginoong bihis na bihis at handa ng pumasok sa eskuwela.
Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan.
"Kailan ko kaya mararanasan ang maging isang normal na mag-aaral? Ang magkaroon ng maraming kaibigan? At ang maging abala sa buhay?", tanong ni Estrelya sa kaniyang sarili kahit batid niya ng ito'y imposibleng mangyari.
Gumuhit ang kalungkutan sa mukha ni Estrelya, siya'y unti-unting nawawalan ng pag-asang masumpungan ang mundo sa labas ng kaniyang hawla.
Bintana'y nais na sanang iwan ngunit pansin niya'y naagaw sa isang magarang kalesa. Ito'y huminto sa isang malaking bahay na katabi lamang ng kanilang tahanan. Ang kalungkutang kanina'y nakaukit sa kaniyang mukha ay napalitan ng pagtataka.
Nagmamadaling nagtungo sa terasa ng kaniyang silid upang makita ang lulan ng magarang kalesa. Sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ng kaba at pananabik si Estrelya.
Unang bumaba sa kalesa ang isang ginang na mayroong magarang kasuotan. Mga alahas sa kaniyang katawan ay kumikinang na tila ba isang ginto.
Mahinhin nitong ikinaway ang kakaiba niyang pamaypay na mayroong kamangha-manghang disenyo. Sa pagpapalagay ni Estrelya ay balahibo ito ng isang paboreal na nagmula pa sa Europa. Puno ng eleganteng pumasok ito sa malaking bahay habang ang mga kasambahay nito ay abala sa paghahakot ng mga bagahe.
Naghintay pa ng ilang minuto si Estrelya na mayroong bumaba sa kalesa ngunit tanging bagahe na lamang ang natira. Nakaramdam ng pagkadismaya at nilisan na lamang ang terasa. Siya'y mayroong inaasahan ngunit talagang sa panaginip niya lamang masusumpungan.
Sa pagkakataong nilisan ni Estrelya ang terasa ay dumating ang isang kalesa, lulan nito'y isang linyang kay Estrelya'y nakatadhana.
~isangdaangestrelya
BINABASA MO ANG
Isang daang Estrelya [COMPLETED]
Short StoryDalawang linya'y pagtatagpuin, damdami'y susubukin. Lapis ay kakampay, pupunuin ng buhay at kulay. Pag-iibigan ng buwan at bitui'y iguguhit at magniningning sa madilim na langit. Ngunit hanggang saan ang kayang iguhit ng pasmadong kapalaran? Mapupun...