[Chapter 9]
Apat na sulok ng silid ang muli sa aki'y nagkubli. Isang linggong limitado ang paghinga, mga salita't paggalaw.
Bilang kaparusaha'y tasado ang lahat ng bagay pagdating sa akin. Mas lalong humigpit si ama at siya'y hindi ko masisi. Ang kahilingan kong maging malaya't makapag-aral sa isang Unibersidad ay hindi ipinagkaloob ni ama. Tanging si Ate Tanya ang lagi kong nakakausap dahilan siya ang kinuha ni ama upang aki'y maging maestra.
Samantala, si Nanay Lumeng naman ay malimit na lamang makapunta ng bayan. Maliban na lamang kung siya'y magtutungo sa kaniyang pamilya't may mahalagang pupuntahan.
"Estrelya, tayo na't magsimula" wika ni Ate Tanya na siyang kadarating lamang.
Si Ate Tanya'y nagtapos na sa kursong Edukasyon nitong nakaraang tatlong buwan lamang. Siya'y nasa proseso ng pagsisiyasat para sa nalalapit na pagsusulit. Ilang buwan na lamang ay magaganap na ang pagsusulit ng mga nag-aasam na maging lisensyadong guro.
"Binasa mo ba ang iniwan kong makasaysayang aklat?" Tanong ni Ate Tanya habang inaayos ang kaniyang kagamitan sa aking talahanayan.
Madalas kaming mag-aral ni Ate Tanya sa aking silid dahilan ayukong makita si ama habang nasa gitna kami ng pag-aaral. Alam kong wala akong karapatang magtampo dahilan mayroon din naman akong kasalanan, ngunit iwan ko ba't hindi ko maiwasan.
"Ang paunang pahina lamang ang aking binasa. Kagabi'y masama ang aking pakiramdam" malumanay kong tugon.
"Nauunawaan ko Estrelya, ngunit isang linggo na tayong hindi nakakausad sa ating aralin. Sa aking palaga'y hindi ako magaling bilang iyong maestra" buntong-hiningang wika ni Ate Tanya.
"Paumanhin Ate Tanya. Mahusay kang magturo, sadyang ako'y wala sa kondisyon upang mag-aral" Mga daliri'y pinaglaruan na lamang habang ito'y nakapatong sa kandungan.
"Hangad kong matapos natin ngayong araw ang aralin. Madali natin itong matatapos, makiisa ka lamang Estrelya" pangungumbinsing wika ni Ate Tanya.
Lumipas lamang ang limang oras ay agad na natapos ang aming klase. Nagsimulang kumagat ang dilim at ang maliwanag na buwa'y muling nagningning.
"Binibining Estrelya, handa na po ang hapunan" wika ni Mina na siyang bago naming kasambahay.
Si Mina ay labing-anim na taong gulang pa lamang at anak ng isa naming soltera. Siya'y may katamtamang tangkad, kayumangging kulay, abot balikat na buhok at katamtamang laki ng katawan. Ito rin ay nagtatangi ng gandang kakaiba.
"Susunod na lamang ako" tipid kong tugon sa kaniya.
Bago nilisan ang aking silid ay pinagkamasdan ko munang maigi ang aking talahanayang puno ng mga kagamitang pangguhit. Nais kong muling ikampay ang lapis, ngunit ang puso't isip ko'y hindi nakikiayon.
Narating ko ang kusina't ang pagkain sa hapag ay handa na. Tanging upuan ko na lamang ang bakante at hindi maipagkakailang ako na lamang ang hinihintay nina ama at ina.
Nakakabinging katahimikan ang bumalot sa hapag at tanging paghinga at kalanseng lamang ng mga kubyertos ang maririnig.
"Ako'y kinausap ni Ginoong Fidel, nais ka raw niyang bisitahin" Pagbasag ni ama sa nangingibabaw na katahimikan.
"Ano po ang inyong naging tugon?" Puno ng galang tanong ko kay ama.
"Ako'y pumayag dahilan siya'y iyong kababata. Bukas na bukas ay matutungo siya sa ating tahanan kung kaya't maghanda ka" simpleng wika, ngunit salitang may pag-uutos.
"Ngunit mayroon po kaming aralin ni Ate Tanya na dapat simulan" pagbibigay ko ng dahilan upang baguhin ang pasya ni ama.
"Si Tanya'y akin ng nakausap at ayon sa kaniya'y ayos lamang."
Ang pag-asang baguhin ang kaniyang pasiya'y tuluyan nang gumuho. Ayukong kausapin si Ginoong Fidel, ayukong harapin ang kahit sinong hindi manlang hinihintay ang aking pagsang-ayon.
"Ama, hindi ko po nais na makausap o makaharap si Ginoong Fidel."
Hindi ko na napigilan ang aking sarili't tuluyang lumabas sa aking bibig ang lahat ng nasa aking isip.
"Ano naman ang iyong dahilan? Kayo'y ba'y may hindi pagkakaunawaan?" Mungkahi ni ama.
"Wala naman po ama. Ngunit sana po'y tinanong ninyo ako at hinintay ang aking kasagutan. Pakiramdam ko'y tinatanggalan ninyo ako karapatang magpasya" Kagat-labing sagot ko kay ama na siguradong ikakagalit niya.
Puso'y biglang tumalon ng bitawan ni ama ang hawak niyang kubyertos at nagdulot ng malakas na ingay. Si ina nama'y natigil at hinawakan ang kamay kong nanginginig.
Ang ipahayag ba ang aking damdami'y paglabag sa alintuntunin ni ama? Ako ba'y gumawa muli ng kasalanang habang-buhay niyang papatawan ng kaparusahan?
"Ang iyong pag-uugali'y hindi na tama Estrelya! Tila ba hindi ka isang Mercado kung umasta!" Namumula na sa galit ang mukha ni ama dahilan sa walang preno kong pagsagot sa kaniya.
"Tama ka ama. Ako'y hindi isang Mercado sapagkat ang tunay na Mercado'y malayang nagagawa ang kaniyang layunin, malayang nakalalabas upang tumulong sa mga nangangailangan. Ako'y hindi isang Mercado dahilan ako'y nakakulong lamang sa apat na sulok ng aking silid!"
Mga salitang nais bitawa'y nagawa, ngunit kasunod nito'y nakakabinging tunog ng palad ni ama na dumapo sa aking pisngi.
"Edwardo!" Ang tanging salitang aking narinig na nagmumula sa aking inang patuloy na lumuluha.
Mga pisngi'y namanhid at ang tenga'y nabingi. Ito ang unang pagkakataong kami'y nagtalo't pinagbuhatan ng kamay ni ama.
Mga paa'y automatikong humakbang patungo sa silid na pinagmulan. Ang silid na tanging nakauunawa sa lumbay na aking nararamdaman at na siyang saksi ng lahat.
Humahagulhol na isinubsob ang mukha sa malambot na unan. Nais ko lamang ang maging malaya, ngunit bakit kailangang ako'y dumanas ng labis na paghihirap?
Paghinga'y bumagal at ang pagtibok ng puso'y pumitik lamang. Paninging unti-unting nilalamon ng dilim habang ang orasa'y pumipintig.
* * *
Malamig na ihip ng hangin ang sa aking diwa'y gumising. Hindi ko namalayang ako'y nakatulog sa labis na pagtangis.
Katawa'y ibinalot sa makapal na kumot at muling ipinikit ang mga mata. Pinipilit ang sariling muling kainin ng dilim, ngunit isang simponya ang nagpagising sa aking diwa.
Sinulyapan ang orasang ang mga kama'y nasa numero ng sampu. Saan magmumula ang isang musika sa ganitong oras? Walang saping paa'y iniapak sa malamig na sahig. Musika'y sinundan hanggang sa aking terasa'y makarating.
Ihip ng hangi'y inililipad ang hanggang baywang kong buhok at ang kasuotan kong kulay puti. Malilikot na mata'y inilibot sa paligid hanggang sa isang bulto ng katawan ang aking naaninag.
Ang musikang aking naririnig ay nagmumula sa kalapit-bahay. Ang bahay na katabi lamang ng aming tahanan ay mayroon ring terasa katulad ng aking silid. Kung mapagmamasdan mula sa ibaba'y ilang metro lamang ang pagitan ng dalawa. Akala ko ba'y walang naninirahan sa malaking bahay na ito?
Habang iniisip ko ang mga pangyayari'y sumagi sa aking isipan ang isang magarang kalesa na minsa'y nakita kong isang Donya ang lulan.
Mga mata'y muling dumapo sa kabilang terasa at ang musikang naririnig ay nagpatuloy. Bultong naaaninag ay gumalaw at tindig ng isang ginoo ang hugis na nakikita.
Kasabay ng paghawi ng mga ulap na tumatabing sa maliwanag na buwa'y tuluyang nasulyapan ang ginoong sa dies oras ng gabi'y pinupuno ng simponya ang kalangitan.
"Buena noches! (Magandang gabi!) Nagising ka ba ng aking musika mi querido Señora Estrelya?"
Wika ng isang ginoong nagsisilbing liwanag sa madilim kong kalangitan.~serenadety
BINABASA MO ANG
Isang daang Estrelya [COMPLETED]
Короткий рассказDalawang linya'y pagtatagpuin, damdami'y susubukin. Lapis ay kakampay, pupunuin ng buhay at kulay. Pag-iibigan ng buwan at bitui'y iguguhit at magniningning sa madilim na langit. Ngunit hanggang saan ang kayang iguhit ng pasmadong kapalaran? Mapupun...