[Chapter 7]
Dapit-hapon nang tahakin ng aming kalesa ang daan patungo sa lupain ng aming pamilya. Sumisilip na rin sa buong kalangitan ang kalahating buwan at ang nag-iisang bituin na ilang metro lamang ang pagitan. Ang malamig na ihip ng hangi'y humahaplos sa aking katawang nababalot lamang ng isang pulang bestido.
"Nasiyahan ka ba sa ating pamamasyal Estrelya?"
Tanging pagtango na lamang ang aking naging tugon sa katanungan ni Nanay Lumeng. Ako'y wala sa kondisyon upang sumagot ng anumang katanungan. Pakiramdam ko'y nanghihina ang buo kong katawan.
"Batid kong napagod ka sa pag-iikot natin sa bayan. Hayaan mo ang iyong sarili't umidlip kahit saglit"
Maingat na ipinatong ni Nanay Lumeng ang aking ulo sa kaniyang balikat at hinaplos ang aking buhok. Kaginhawaan naman ang aking natamasa dahilan sa haplos niyang tila ako'y ginayuma upang ang mga mata'y isara't hilahin sa mahimbing na pagkakatulog.
* * *
Musikang nagmumula sa orkestra'y nanghahalina. Mga binibini, ginoo, senior, señora, don at donya'y abala sa walang hanggang pag-uusap tungkol sa kanilang mga negosyo, pangangalakal, kayaman at iba't ibang bagay na sumasalamin sa karangyaang kanilang tinatamasa. Mga kasuotang iba't ibang kulay, disenyo at uri na nagmula pa sa Europa.
Mga soltera'y hindi mapigil sa pagbibigay ng mga inumin at pagkain. Maingat na kumikilos upang hindi makabasag ng mga kagamita't makagawa ng anumang ingay.
"Ang gabing ito'y para sa iyo Estrelya. Bakit narito ka sa iyong silid at sa mga panauhi'y patuloy lamang na nagmamasid?" Wika ni ina at ako'y dinaluhan dito sa aking terasa.
Pinagmasdan ko ang mga panauhing sa hardi'y nagsasaya. Anong karapatan nilang ngumiti habang ako na siyang may kaarawa'y hindi manlang nakararamdam ng saya?
"Estrelya, ang pagdiriwang ito'y inihanda namin ng iyong ama. Hindi mo ba nais?"
Napatingin ako kay ina't isang pilit na ngiti ang aking pinakawalan. 'Hindi ito ang aking nais, ang minimithi ko'y maging malaya', ang mga salitang nais kong sabihin kay ina.
"Ang gusto ko'y magpahinga ina" mahina't puno ng lumbay kong tugon.
"Labis ka bang napagod sa inyong pamamasyal? Nais mo pa bang magpahinga ng lubusan? Huwag mo sanang sayangin ang gabing ito Estrelya. Bumaba ka't bukas na bukas ay pag-uusapan natin ang iyong kahilinga't baka ikay aming mapagbigyan"
Ang mga mata'y dumapo sa seryusong tingin ni ina sabay haplos sa aking pisngi.
"Huwag mo sanang bigyang sakit ng ulo ang iyong ama. Iilan sa mga panauhi'y bahagi ng negosyong pinalalago niya."
Bagaman labag sa aking kalooba'y hinayaan ko si ina sa kaniyang kagustuhan. Ako'y kaniyang binihisan ng puting bestido kung saan malayang nakikita ang makinis kong balikat.
Ang haba nito'y abot sa aking bukung-bukong binigyang kurba ang maliit kong baywang. Mahabang buhok ay itinilintas ng paiko't nilagyan ng maliliit na bulaklak. Presang pabango'y itinilamsik sa buong matawan at isinuot ang bakyang may disenyo ng mga bulaklak.
Tinahak namin ni ina ang hagdan patungo sa hardin na siyang pinagdaraosan ng pagdiriwang. Ang presensiya namin ni ina ay nakaagaw-pansin sa lahat ng panauhin. Ang kanilang usapa'y natigil at ang mga mata'y mula ulo hanggang paa sa pagsusuri.
" Minasama (Mga binibini't ginoo), malugod kong ipinapakilala sa inyong lahat ang nag-iisa naming anak ni Edwardo Mercado, si Estrelya Mercado" pagpapakilala ni ina sa akin at kasabay nito'y palakpakan mula sa mga panauhin.
Matapos ang pagpapakilala ni ina ay may iilang binibini't ginoong sa aki'y bumati. May nag-abot ng mga regalo at nag-alok ng pakikipagkuwentuhan.
Ang pagdiriwang ng aking kaarawa'y naging payak habang ang buwan at mga bituin sa kalangita'y nagkikislapan.
"Binibining Estrelya, pinapatawag po kayo ng iyong ama" wika ng isang soltera.
Sinamahan ako ng soltera patungo sa mesang kinalalagyan ni ama. Malayo pa man ay agad ko na itong natanaw at mababakas ang kasiyahan sa kaniyang mukha. Isang hindi pamilyar na lalaki ang kausap ni ama na sa palagay ko'y ilang taon lamang ang tanda sa kaniya.
"Ama, narito na po ako" puno ng galang pagbati ko kay ama.
"Don Simon, nais kong ipakilala sa iyo ang aming unica iha. Siya si Estrelya Hale Mercado" pagpapakilala sa akin ni ama.
"Magandang gabi po Don Simon" nakayukong pagbati ko sa Don.
May iilang kasama si ama sa kaniyang negosyo na minsa'y akin nang nakita at nakilala, ngunit si Don Simon ay bago pa lamang sa aking paningin. Mababakas ang pagiging isang purong Espanyol ni Don Simon dahilan sa kaniyang tindig. Ang kaniyang buhok ay kulay-kaki, matangos na ilong, masaganang balbas at maputing kulay ng balat. Ang kaniya ring tono sa paggamit ng wikang Filipino'y hindi ganoon kaperpekto.
"Magandang gabi rin sa iyo Binibining Estrelya", pagbati nito sabay halik sa likod ng aking kamay na siyang nagpailang sa akin. Natawa na lamang si ama sa aking naging reaksyon.
"Tila isang makahiyang bulaklak ang iyong anak Don Edwardo" natatawang wika ni Don Simon.
"Ipagpaumanhin mo Don Simon. Si Estrelya'y malimit lamang kung makisalamuha sa karamihan at lumabas ng aming tahanan" pagpapaliwanag ni ama at ako'y inakbayan.
"Walang dapat ihingi ng paumanhin Don Edwardo. Ang iyong anak ay nagtataglay ng katangian ng isang tunay na binibini" Papuring tugon ni Don Simon.
"Itong aming Estrelya'y mahilig sa sining Don Simon. Kinagigiliwang libangan niya ang magpinta. Minsan nga'y hindi ko na alam kung ako pa ba ang kaniyang iginuguhit o may ibang ginoo na" pabirong wika ni ama kay Don Simon na siyang muling nagpatibok nang matulin sa puso kong nahihimbing.
Batid ba ni ama ang pagguhit ko sa ginoong iyon? Kaniya bang nakita ang aking mga iginuhit? Ngunit ito'y maingat kong itinago sa aking aparador.
"Huwag mo sanang bakuran ang iyong anak Don Edwardo. Karaniwan lamang ang ganiyang mga pangyayari. Isa ng dalaga si Binibining Estrelya't kaakit-akit ang gandang tinataglay ng iyong anak. Akin ring nasisiguro na mayroong mga ginoong nagpaparamdam ng kanilang pag-irog sa iyong unica iha" tugon ni Don Simon habang natatawa sa labis na paghigpit ni ama.
"Hindi ako makakapayag. Nararapat na dumaan muna sa akin ang mga ginoong nagnanais na masungkit ang bituin ng aming pamilya. Hindi ko pinadadapuan ng langaw o kahit anumang insekto ang aking anak, kung kaya't ang mga ginoong iniirog ang aking unica iha'y hindi basta-bastang makakadapo ng kanilang palad" seguradong wika ni ama.
Kama'y pinagdaop sa likuran dahilan sa kabang nararamdaman.
"Kung gayon, ako'y mahihirapang sungkitin si Estrelyang nagniningning" wika ng isang ginoong kulay olandes ang buhok na sa hangi'y nakikiayon.
Mga mata'y muling nagkatagpo at ang lapis ay magsisimulang kumampay upang tadhana ng dalawa'y ibigay.
~serenadety
BINABASA MO ANG
Isang daang Estrelya [COMPLETED]
Short StoryDalawang linya'y pagtatagpuin, damdami'y susubukin. Lapis ay kakampay, pupunuin ng buhay at kulay. Pag-iibigan ng buwan at bitui'y iguguhit at magniningning sa madilim na langit. Ngunit hanggang saan ang kayang iguhit ng pasmadong kapalaran? Mapupun...