KABANATA 5

32 34 0
                                    

[Chapter 5]

Iminulat ko ang aking mga mata at tanging puting kisame ang nakita. Bagaman nagnanais pang ipikit ang mga mata't muling matulog ay pinilit ang sariling lisanin na lamang ang malambot na kama.

Malabo ang mga matang hinawi ang kurtinang sa bintana'y tumatabing. Pinagmasdan ang mga ibong malayang nakalilipad at nakangiting pinakinggan ang mga huni nitong nagmistulang orasan na sa lahat ay pupukaw.

Mataas na ang sikat ng araw at nararapat na simulan ko ang araw na ito ng mayroong ngiti sa mga labi. Ang araw na aking pinakahihintay ay tuluyan na ngang ipinagkaloob ni Sto.Niño.

Inihakbang ang paang walang sapin sa paliguan at pinuno ng maligamgam na tubig ang dutsa. Humihimig hanggang sa tuluyan nang niyakap ng maligamgam na tubig ang aking katawan, hatid nito'y kaginhawaan sa aking pakiramdam.

* * *

Paikot-ikot at humihimig habang itinatali ko ang pulang laso sa aking likuran. Suot ko'y isang pulang bestido na abot hanggang tuhod at binigyang kurba ang maliit kong katawan.

Kinuha ang suklay at dahan-dahang itinilintas ang mahabang itim na buhok. Naglagay ng pulbos sa mukha't ipinaligo ang amoy presang pabango.

Bago nilisan ang salamin ay pinagmasdan ko muna ang aking sarili't nag-iwan ng isang pagkatamis-tamis na mga ngiti.

Binibilang ang mga hakbang habang pababa ng hagdanan. Sinulyapan ang salas na mayroong bagong disenyo ng mga kurtinang kulay pilak na kapag nasikatan ng araw ay tila dyamanteng kumikinang. Nangingibabaw din ang halimuyak ng mga pulang rosas na ginawang palumpon at sa plorera'y pinagsama-sama.

"Magandang umaga sa iyo Binibining Estrelya" nakangiting pagbati ni Nanay Lumeng habang dala-dala ang isang supot na naglalaman ng bagong inihurmong tinapay.

"Magandang umaga din po sa inyo Nanay Lumeng!" Magiliw kong wika sabay sukbit ng aking mga kamay sa balikat ni Nanay Lumeng at tila isang batang naglalambing.

"Halika na't mag-agahan. May inihanda ako sa iyong regalo para sa iyong espesyal na araw" wika ni Nanay Lumeng at ako'y sinamahan patungong kusina.

Mainit na gatas, tinapay, keso, iba't ibang uri ng prutas ang nadatnan ko sa hapag. Napansin ko rin ang iilan naming mga kasambahay na abala sa pagluluto. Mayroong hinihiwang mga gulay, karne at kawaleng sa kala'y nakasalin.

"Nanay Lumeng, ano po ba ang dahilan ng labis na pagkaabala ng ilang kasambahay?" Nagtatakang tanong ko kay Nanay Lumeng.

"Ang iyong ama ay naghanda ng pagtitipon para sa iyong kaarawan" wika ni Nanay Lumeng sabay hila ng isang upuan upang ang agahan ay akin ng simulan.

Itinikom ko na lamang ang aking bibig at sinimulan na ang aking agahan. Ako'y nasasabik sa regalong ibibigay ni Nanay Lumeng.

Alas otso na ng umaga't narito lamang ako sa hardin habang hinihintay ang pagdating ni Nanay Lumeng. Kaniyang sinabing may gagawin lamang siya't kami'y magtutungo na sa isang lugar kung saan naroon ang regalong sa aki'y inihanda.

"Estrelya! Tayo'y humayo na habang maaga" kumakaway na wika ni Nanay  Lumeng.

"Saan po ba tayo magtutungo Nay Lumeng?" Hindi mapigilang pagtanong kay Nanay Lumeng habang pinagmamasdan ang kalesang sa ami'y naghihintay.

"Tayo'y magtutungo sa bayan. Nais kong makasalamuha mo ang iba't ibang tao kahit panandalian lamang" tugon ni Nanay Lumeng.

"Ngunit mahigpit na ipinagbabawal ni ama ang pag-alis ko sa aming tahanan. Ika'y maaaring maparusahan ni ama dahilan sa pagbali ng kaniyang patakaran. Ako'y nangangamba Nay Lumeng" kinakabahan kong wika.

"Huwag kang mag-alala Estrelya, kaya ko ang aking sarili. Ang makita kang maligaya'y kaligayahan ko na rin" may luha ng kaligayahang wika ni Nay Lumeng sabay talukbong sa akin ng isang kulay-pilak na balabal.

Nakapatong sa binti ang pinagsaklop na dalawang kamay habang ang kabang nararamdama'y hindi mapigil. Hindi ko inaasahang darating ang araw na ang mundong ilang taon kong ninais na masumpungan ay tuluyan nang yayakapin. Ang mga iginuhit kong larawan ay unti-unti ng mabibigyan ng kulay.

~serenadety

Isang daang Estrelya [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon