[Chapter 2]
Lulan ng isang pangkaraniwang kalisa'y narating namin ang simbahan. Ang mga makukulay na palawit ay sumasayaw sa ihip ng hangin. Magiliw na pag-awit ng mga ibon at iba't ibang kulay ng rosas na nagsilbing palamuti sa simbahan. Mayroon ding nagtitinda ng samo't saring kakanin sa labas ng simbahan at mga turistang abala sa pagkuha ng mga litrato. Dinarayo ang aming bayan sa tuwing kapistahan ng Sto. Niño.
Bahagi na ng tradisyon at kaugalian na tuwing sasapit ang ikatlong linggo ng malamig na Enero ay ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko ang kapistahan ng Sto.Niño o Divine Child- ang itinuturing at kinikilalang Patron Saint ng mga bata. At ngayong ikatlong linggo ng Enero sa lahat ng mga simbahan at iniibig nating Pilipinas ay tampok na bahagi ng pagdiriwang ang mga misa na susundan ng prusisyon. Makikita sa prusisyon ang mga imahen ng Sto. Niño na may iba't ibang kasuotan. Hawak ng mga bata, matatanda at iba pang may panata at debosyon sa Sto. Niño.
Ang Sto. Niño ay isang kristiyanong imahe ng banal na sanggol na si Hesukristo. Ito ay naging pangunahing santo patron ng lalawigan ng Cebu. Ang imahe ng Sto.Niño ay hindi lamang sinasamba bagkus ay pinahahalagahan ng marami dahil sa mga sinasabing himala nito. Ito'y pinaniwalaang tumutupad ng mga kahilingan at nagpapagaling ng anumang karamdaman.
Maging si Ama at Ina ay naniniwala na mapaghimala si Sto.Niño kung kaya't walang pag-aalinlangang ako'y pinapayagang lumabas at makisalamuha sa karamihan sa tuwing sasapit ang kapistahan ng Sto.Niño.
Taong 1521 dumating sa Cebu si Ferdinand Magellan at Rajah Humabon kasama ang maybahay nito na si Amihan. Kabilang rin ang 800 katutubo na nagnanais na mabinyagan bilang isang Katoliko. Ibinigay ni Magellan ang imahen ni Sto.Niño sa maybahay ni Rajah Humabon at pinangalanang Juana. Ang pangyayaring ito ay hindi lamang nagpakilala kay Sto.Niño sa mga mamamayan ng Cebu kundi ito rin ay naging isang napakahalagang karanasan: ang representasyon ni Reyna Juana, hawak ang imahen ni Sto.Niño na binabasbasan ang kanilang mga tauhan upang mailayo sa sakit at masasamang espiritu.
Noong dumating si Miguel Lopez de Legazpi at ang kaniyang mga tauhan sa Cebu noong 1565, isa sa mga sundalo ang nakatuklas ng isang kahon na may lamang imahen ni Sto.Niño. Ito ay napapaligiran ng mga bulaklak at pigurin ng mga anito.
Ang pagsasayaw ng Sinulog at pagbubunyi kay Sto.Niño ay naganap sa loob ng 44 na taon sa pagitan ng pagdating ni Magellan at Legazpi. Idineklara ng Augustinian order na ang naturang imahen ay milagroso at itinatag nila ang simbahan kung saan ito nadiskubre. Ipinangalan ito sa simbahan ng San Augustin at di naglaon ay pinalitan ito ng Basilica Minore del Santo Niño. Ang debosyon sa Sto.Niño ay tumagal at sumulong sa kultura ng Pilipinas. Lumipas ang mga siglo at mas lalong kinilala ang Sto. Niño sa rehiyon ng Visayas.
Sa unang hakbang ng aking mga paa sa loob ng simbaha'y dinama ko ang halimuyak ng mga imahen na sa aki'y nagbibigay ng magaan na pakiramdam. Muli kong nasilayan ang simbahang lubos kong hinahangaan.
Ang mga antigo nitong disenyo at mga muwebles na nagmula pa sa Europa at iba't ibang panig ng bansa.
Marami na rin ang nandito sa loob ng simbahan at handa ng manalangin nang taimtim at makinig sa homilya ni Padre Manuel.Umupo kami nina Ama at Ina sa gitnang linya ng mga upuan. Lumipas lamang ang ilang sandali ay tumunog na ang kampana na siyang hudyat na magsisimula na ang misa.
Nasa gitna ng sermon tungkol sa Ebanghelyo si Padre Manuel at abala lamang ako sa pagmamasid ng buong paligid. May iilang kagamitang bago dito sa simbahan. Tulad na lamang ng mga santo't santang matiyagang iniukit sa kahoy at ipinintang larawan ni Birheng Maria. Nakita ko rin ang mga imahen ni Sto.Niño na mayroong iba't ibang kasuotan na siyang gagamitin mamaya sa prusisyon.
Habang nagmamasid ay naagaw ang aking pansin ng isang ginoong nakaupo sa tapat ng pyano. Siya'y nakasuot ng isang puting kasuotan na hanggang siko ang manggas. Ang kaniyang buhok ay kulay olandes at maingat na sinuklay.
BINABASA MO ANG
Isang daang Estrelya [COMPLETED]
Short StoryDalawang linya'y pagtatagpuin, damdami'y susubukin. Lapis ay kakampay, pupunuin ng buhay at kulay. Pag-iibigan ng buwan at bitui'y iguguhit at magniningning sa madilim na langit. Ngunit hanggang saan ang kayang iguhit ng pasmadong kapalaran? Mapupun...