Mabilis na lumipas ang aking mga nagdaang araw. Pakiramdam ko wala ng espesyal sa mga iyon. Patuloy parin akong binubugbog ng aking itay ng walang dahilan. Kaninang umaga, halos mamaluktot ako sa sakit ng aking sikmura dulot ng suntok na natamo ko sakanya kagabi. Kinakailangan ko ring magsuot ng jacket upang maitago ang mga pasang hindi parin humihilom.
Humarap ako sa salamin at nakita ang aking repleksyon. Hirap, pagdurusa at kawalan ng pag-asa iyon lamang ang nakita ko sa aking sarili. Kailan ko pa ba titiisin ang pagmamaltrato ng itay? Huminga ako ng malalim. Lumabas ako upang kitain si Mildred sa pampang. Mabuti na lamang at kahit papaano nandito siya upang pawiin ang aking kalungkutan at patatagin ang aking kalooban.
Mag-iilang minuto na kaming nakaupo sa buhangin subalit napakatahimik ni Mildred. Hindi siya ganito kapag nagkikita kami. Madalas siya ang unang nagkukwento tungkol sa kabataan namin subalit pakiramdam ko may dinaramdam siya.
"Naaalala mo pa b--" saad ko subalit winaglit niya ito at nagsalita."Aalis na ako." Agad akong napalingon sa kanya. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig.
"At saan ka naman pupunta?" Tanong ko sa kanya. Pinilit kong itago ang nangingilid kong mga luha.
"Sa Japan." Maikli at walang emosyon niyang sagot. Bahagya akong natahimik. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Masyado itong mabigat para sa akin.
"Sa gabi ng ating graduation ako aalis." Mabilis akong napayuko sa sinabi niya. Bakit kailangan niyang umalis? Bakit kailangan niya rin akong iwan? Isa pa, tatlong araw na lamang at gagraduate na kami. Masyadong itong mabilis, pwede bang pabagalin? Hindi ko pa kayang maiwan ulit.
"Si inay kasi eh. Hindi ko alam na pinagawan pala niya ako ng pasaporte at mga papeles. Wala akong ideya na yung mga pinapapirmahan pala niya sakin ay doon niya gagamitin. Kaya pala madalas niya akong isama kung saan-saan at pakuhanan ng litrato. Mabilis siyang nasilaw sa kwento ni Karen sa kanya tungkol sa bansang Japan. Kesyo mayaman raw lahat ng tao roon, mabilis raw kumita ng pera, hindi ka mamumulubi kapag nakaapak ka na sa lugar na iyon, marami raw oportunidad...." Bahagya siyang huminto. Ramdaman ko ang pangangarag ng kanyang boses habang sinasabi niya iyon. Nasisiguro ko na ayaw niya ring umalis at napipilitan lamang dahil sa kanyang ina.
"A-ayoko talagang umalis, Marinella. Hindi ko gustong pumunta roon. Ayokong iwan ka... ayokong lisanin ang mga ala-alang pinagsamahan nating magkakaibigan sa lugar na ito. Ayoko... Ayokong umalis para lang sa pera. Pero wala akong magawa. Hindi ko gustong madismaya ang aking ina lalo pa't ako na lamang ang inaasahan niya. Alam kong masasaktan ka kapag iniwan pa kita pero patawad... patawad kung iiwan kita." Halos madurog ang aking puso nang humagulgol siya. Alam ko na masakit rin ito para sa kanya. Mabilis ko siyang niyakap at inalo ang likod.
"Huwag kang mag-alala. Magiging maayos ako dito." Naalala ko ang katagang iyon kay Tiano at hindi ko na napigilan ang umiiyak dahil nakikita ko na ang sarili ko. Mag-isa, malulumbay, takot, at mangungulila sa mga kaibigan ko.
"K-kung inaalala mo ako dahil masasaktan ako sa pag-alis mo edi kakayanin ko. Kakayanin ko, Red. Wag kang mag-alala sakin." Saad ko habang nakayakap parin sa kanya.
"Patawad..." ang kanyang tanging sambit.
Nagtagal pa kami sa pagkakayakap.
"Tama na ang drama. Sulitin na lang natin ang nalalabing araw mo rito. Gusto kong magbaon ka ng marami pang ala-ala sa iyong pag-alis." Saad ko. Humiwalay siya sa pagkakayakap at pinilit na ngumiti sa akin.Di rin nagtagal ay naghiwalay na rin kami at umuwi sa kani-kanilang bahay. Naabutan ko ang itay sa harap ng pintuan. May hawak siyang piraso ng palapa habang magkasalubong ang kilay. Nilagpasan ko siya, akmang tutungo sana ako sa aking silid subalit nagsalita siya.
"Wala ka ba talagang kahihiyan?" Hinarap ko siya. Ramdam ko na galit na naman siya sakin. Tinitigan niya ako ng malalim hanggang sa hindi ko na lang namalayan ang palapang hinampas niya sa akin. Tumama ito sa braso ko ng isa, dalawa, tatlo?... hindi ko na alam kung ilang beses niya akong hinagupit ng palapa. Hanggang sa itapon niya ito sa may gilid, gutay-gutay na ito dahil sa pagpalo sa akin. Sinubukan kong magsalita subalit walang lumalabas sa aking bibig. Tanging malamig na luha ko na lamang ang nararamdaman ko sa aking pisngi. Maya-maya ay naramdaman ko ang palad niya sa leeg ko. Hindi ako makahinga. May sinasabi siya tungkol kay Tiano pero hindi ko ito maintindihan.
"Nakakahiya ka!" Nang sabihin niya iyon ay itinulak niya ako ng malakas. Tumama ang likod ko sa dulo ng lamesa dahilan ng pamimilipit ko sa sakit.
"Pareho lang kayo ng ina mo!!!" Pagkasabi niya nun ay sinampal niya ako. Nandidilim at umiikot na ang paningin ko dahil sa paulit-ulit niyang sampal sa akin.
Tulong! Tulungan niyo po ako.
Hanggang sa tuluyan na lamang dumilim ang paligid.Nagising ako sa sikat ng araw na tumatama sa mga mata ko. Nakasandal ako sa lamesa at iniinda ang sakit sa aking katawan. Sinubukan kong tumayo subalit walang lakas ang aking mga binti. Gumapang ako papunta sa aking kwarto. Mabilis kong nahagilap ang aking sarili sa salamin. Halos hindi ko na makilala ang muka ko. Napahagulgol na lamang ako dahil sa dinadanas ko sa buhay. Kailan pa ito matatapos?
"Marinella!? Tarang manimot ng... Jusko... A-anong nangyari..?"
"M..Mildred." Tawag ko sa kanya. Naramdaman ko pa ang pagyakap niya sa akin. Narinig ko rin ang paulit-ulit niyang tanong anong nangyari sayo, Marinella?.
"T..tulungan mo a..ko." Hanggang sa nagdilim ulit ang paningin ko.
BINABASA MO ANG
Daluyong
RastgeleKwentong Probinsya - Marinella Saguan - Tiano Raymundo - Elixeo Lourde