8 | Arabella

189 10 6
                                    

Arabella’s POV
NAPASAPO AKO SA aking noo pagtingin ko sa aming orasan. Susmaryosep naman! Sa pagkakaalam ko ay maaga naman akong natulog kagabi kaya bakit…bakit…linggo nga pala kahapon!

Naglinis ng bakuran, naglampaso ng sahig, nagluto ng pananghalian at naglaba—ganito natatapos ang Linggo ko. Simula kasi nang umalis si Tita Mira, ako na lang mag-isa ang gumagawa ng mga ito. Minalas pa dahil tuluyan nang bumigay ang washing machine namin. Manu-mano ko tuloy pinagkukusot ang mga damit namin ni Raya.

Pero…sus ginoo! Wala pa kaming almusal at pang-baon!

Mabilisan kong inayos ang pagkakahiga ni Raya at saka ko isinara ang aming kwarto. Kaunting wisik sa aking mukha, hugot ng isang matinong t-shirt at isang hagod ng suklay—kumaripas na ako ng takbo papuntang palengke. 

Para akong hinahabol ng kabayo sa bilis ng aking kilos. May nabunggo pa nga akong ale na tinulungan kong makatayo. Mabuti na lamang at hindi ito nagalit.

Engot ka talaga, Ara! Nandamay ka pa tuloy ng iba.

“Nay Yoning!” bati ko. “Isang kilong baboy nga po. ‘Yung pang-adobo po.”

Napangiti siya pagkakita sa akin. “Ikaw pala ‘yan, hija. Sige at dagdagan ko ang iyo.”

Matapos kong makuha ang baboy ay sumakay na ulit ako ng jeep pauwi. Wala na akong oras magluto ng ma-rekadong ulam kaya adobo na lang muna. Sa pagod ko kasi kahapon ay nakaligtaan ko na ang pamamalengke.

Habang pinapakuluan ang baboy ay ginising ko na ang kapatid na si Raya. Ayaw pa nga nitong bumangon kaya winisikan ko pa ng tubig sa mukha.

“Ate naman, eh!”

Tinawanan ko ang lukot nitong mukha. Sabay pinisil ko ang kaniyang matangos na ilong. “Kyut kyut mo talaga, Rayaaaa.”

Sanay na itong maligo mag-isa kaya hinayaan ko na. Bumalik ako sa kusina at pinatay na ang kalan sa tapat ng kanin. Luto na kasi ito. Isa-isa ko namang hiniwa ang bawang at sibuyas—pino at maliliit dahil ayaw kainin ni Raya kapag malalaki.

Bawang. Sibuyas. Baboy.

Tapos ay hinayaan ko muna itong saglit. Nang bahagyang kumulo ay saka ko pinaibabawan ng suka at toyo noong bandang huli. Matapos tuloy magluto ay amoy adobo na ako.

Sinilip ko ang orasan sa aming dingding—male-late na talaga ako!

At tama nga, sampung minuto na akong huli sa klase. Hinatid ko pa kasi si Raya sa kaniyang school, ayoko siyang pabayaang mag-isa. Siguro kapag grade four na siya, baka pwede na.

Pero ayoko pa rin. Masaya akong hinahatid si Raya.

Hindi ko na nagawang batiin si manong guard sa aking pagmamadali. Medyo malayo-layo rin kasi ang building namin mula sa entrance ng Veles High.

“Psst!”

Diyosko! Nakalimutan ko yatang lagyan ng kutsara’y tinidor ang baon ni Raya. Maaga pa naman silang nanananghalian. ‘Di bale, tatawagan ko na lang ang teacher niya.

“Psst! Pa-famous naman, ayaw lumingon!”

Tahimik akong naglalakad—este tumatakbo na rin—nang makaramdam ako ng bigat sa aking mga balikat. Paglingon ko sa aking kaliwa ay isang bangungot ang sumalubong sa akin.

Sino pa ba? Wala namang ibang tumatawag sa akin n—

“Aba, himala! Late ka ngayon ah, Lola?”

Pinigilan ko ang pag-akyat ng inis sa akin at piniling ngumiti. ‘Yun nga lang, mukhang pilit na pilit ang lumabas sa aking mga labi. “Paki mo ba?”

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon