Arabella’s POV
NAPABUNTONG-HININGA AKO PAGLABAS namin ng faculty room. Iiling-iling naman si Mara, ang Secretary ng Archimedes, na siyang kasama ko ngayon. Naupo kami sa mga benches na malapit sa faculty.
“Paano na ‘yan, Pres?”
“Kailangan lang naman nilang ipasa ang periodical exam hindi ba?” tanong ko kay Mara. “At gawin ang mga projects? Tapos kaya nang hatakin ‘yong 1st to 3rd gradings?”
Tumango siya. “Oo, Pres…kaso alam mo namang dalawang linggo nang hindi pumapasok si JM tapos si Erwin naman e lilitaw lulubog sa klase.”
Tama siya. Noon pa mang Pebrero ay napansin na namin ang dalawang kaklase na halos hindi na pumapasok. Biyernes na ngayon at sa Lunes ay magsisimula na ang huling pagsusulit namin, ngunit ayaw kong umuwi na hindi ako siguradong buong Archimedes ay magmamartsa sa entablado.
“Mara,” tawag ko. “Puwede ko bang hingin ang tulong mo? Puntahan natin sila tapos sabay-sabay tayong mag-aral para sa exams, malay mo ganahan sila. Tsaka kailangan natin silang ihabol sa mga lessons.”
“Ayos lang sa akin, Pres…pero isama natin si Erald total VP naman siya at baka mas makinig sa kan’ya ‘yung mga ‘yon, matalino din naman siya.”
Si Erald?
Teka…kakayanin ko bang iwasan siya? Ngunit para ito sa mga kaklase namin, kaya bahala na. Kakayanin ko.
Hindi ko inasahan ang mabilis na pagpayag ni Erald nang hingin ko ang tulong niya. Dahil wala naman akong kasama sa bahay at medyo maluwag ang aming bakuran, nagprisinta na akong sa bahay na lang kami mag-aral.
“Good morning, Lola!”
Napaangat ako ng tingin mula sa pagdidilig ng halaman ng marinig ang pamilyar na boses. Ngiting-ngiti ang loko habang may nakasukbit na backpack sa kaniyang likod, simpleng puting t-shirt ang suot niya at pulang pambasketball shorts.
Inilapag ko ang hawak na tabo at nagpunta sa may gate. Binuksan ko iyon upang makapasok siya at feel at home agad si Erald, kinuha ba naman ang timba at tabong hawak ko kanina. Tapos ay siya ang nagpatuloy sa pagdidilig ko.
“Usapan natin alas otso pa ah, bakit ang aga mo?” tanong ko.
“Para namang ayaw mo ‘ko dito sa inyo,” nagtatampong aniya. “Ayaw mo n’on? Umagang-umaga ay pogi agad ang makikita mo?”
Napailing-iling ako at inagaw sa kan’ya ang tabo. “Kulang ka sa tulog ‘no? Maupo ka na r’on, ako na magdidilig.”
“Lola, kahit hindi pa ako matulog ng ilang araw ay hindi mababawasan ang kakisigan ko.”
Sabi ko nga may sagot siya sa lahat. Ang akala ko nga ay magkukulos lamang siya pagdating nina Erwin ngunit ngayon ko pa lamang nakita ang ganitong side ni Erald. Tama si Alessa, para siyang nagiging ibang tao kapag nagtuturo na.
“Itong nasa gitna, ang tawag d’yan ay origin,” turo ni Erald sa point. “Tapos etong apat na nilagyan ko ng roman numerals, ang tawag naman d’yan ay quadrants. Kung mapapansin ninyo ay iba-iba ang set of signs nila sa x and y axis. Para mas mapadali ay kabisahin ninyo na lang muna dahil sa Lunes na ‘yung exam. Kung nagpapapasok sana kayo edi na-gets ninyo kung bakit.”
Parehas kami ni Mara na nakatulala lang kay Erald habang tinuturuan niya sina JM at Erwin sa Math. Nang magkatinginan kami ni Mara ay alam kong iisa lamang ang nasa isip namin.
Paanong ang lokong si Erald ay magaling pa lang magturo?
Binatukan ni Erald si JM. “Ugok ka, huwag kang tumunganga d’yan. Sagutan mo muna ‘to kung ‘yung slopes ba ay positive, negative, zero o undefined. ‘Pag mali lahat wala kang tanghalian.”
BINABASA MO ANG
Contrasting Colors (Veles High Series #2)
Teen FictionDark and bright. That's how people describe Alessandria and Arabella when they are together. It's like a fusion of two of the world's greatest opposite, a pessimist and an optimist. Magkasalungat sila sa lahat ng bagay, ultimo sa kanilang papel sa k...