Arabella’s POV
NAGSIMULA ANG CHEMOTHERAPHY sessions ni Raya dalawang araw matapos naming malaman ang kaniyang sakit. Inirekomenda ni Dr. Rivera na panatilihin muna siya sa ospital dahil bata pa siya at upang maobserbahang maigi ang kaniyang lagay.
“A-ate…” nanghihinang tawag sa ‘kin ni Raya. “Nasusuka po ako.”
Kaagad akong dumalo sa kaniya at binuhat siya patungo sa banyo sa kaniyang kwarto. Hinawi ko ang kaniyang buhok habang ang kaniyang bibig ay nakatapat sa inidoro. Para akong tinutusok sa dibdib habang pinakikinggan ko ang hirap na hirap niyang pagsuka.
Nakaka-isang chemotherapy pa lamang siya pero malaki na ang naging epekto nito sa kaniyang katawan. Hindi ko akalaing darating ang araw na ng mapupula niyang labi ay unti-unting mamumuti, at ang hita’t binti niyang hilig ang tumakbo ay manghihina.
Ang sabi sa akin ni Tita Mira ay isa sa naging sanhi ng lung cancer ni Raya ay ang family history. Malaki raw ang posibilidad na namana niya ito sa Lola naming si Nana Ida na ikinamatay rin ang kaparehas na sakit. Wala naman kasing naninigarilyo sa aming pamilya at hindi naman malala ang polusyon sa Veles…kaya laking pagtataka ko kung paano niya nga ba nakuha ang sakit na ito.
“Tapos na po ako Ate Ara.”
Ngumiti ako sa kaniya at pinunasan ang gilid ng kaniyang labi. Pagkatapos ay kinarga ko ulit siya pabalik ng kaniyang kama.
Araw ng Sabado ngayon kaya wala akong pasok. Pinauwi ko muna si Tita Mira sa bahay upang makapagpahinga siya, babalik na lamang siya mamayang gabi.
Pagdating ng Linggo ay sumigla-sigla na nang kaunti si Raya. Nagdala si Tita ng mga cartoons na maaari niyang panoorin upang hindi mainip. Habang nanonood si Raya, ako nama’y gumagawa ng assignment sa Math sa may gilid at si Tita Mira ay nagbabalat ng mansanas.
“Ara, sa bahay ka na matulog mamaya para hindi mahuli sa klase mo bukas.”
Nag-angat ako ng tingin mula sa pagso-solve ng math problem. “Tita, ayos na ako sa tabi ni Raya. Kasya naman po kami sa kama niya, ‘di ba, Raya?”
Tumango-tango ang kapatid ko. “Opo! Tsaka gusto ko po katabi si Ate.”
“Hay, kayo talagang dalawa,” naiiling na sabi ni Tita. “Sige na nga, bibili na muna ako ng pananghalian natin. Patayin mo ‘yung TV pagkatapos niyan, masama ang sobrang panonood kay Raya, okay?”
Hindi ko alam kung gaano katagal ang ipinaalam ni Tita Mira sa kaniyang trabaho. Basta ang sabi niya sa akin ay hindi siya babalik sa Maynila hangga’t ‘di maayos ang kapatid ko. Wala na rin kasi kaming ibang kamag-anak dito sa Veles dahil nasa ibang probinsya ang mga kapatid ni Lola Ida.
‘Yung sa side naman ng Tatay ko ay hindi ko na nakilala. Kuwento ni Tita Mira, itinanan lang daw kasi ni Tatay si Nanay. Hindi raw gusto ng pamilya ng Tatay ko na magpakasal sila kaya inunahan na nila bago pa man sila paglayuin.
Parang teleserye kung titignan mo. Sinubukan ko rin noon na tanungin si Tatay kung nasaan ang mga magulang niya, pero lagi lang siyang ngingiti at iibahin ang usapan.
Hanggang sa namatay na lamang silang dalawa ni Nanay ay hindi ko na nakilala pa ang pamilya niya.
PAGKATAPOS KONG I-ANUNSYO na absent si Ma’am Dela Cruz, awtomatikong nagkaingay na naman ang Archimedes. Napailing na lamang ako at itinuloy ang pagsusulat sa blackboard ng iniwang activity sa Science.
“Erald, basketball!”
“O, ano? Early lunch na tayo mga ‘tol!”
“Huwag na ‘yan, pakopya na lang mamaya.”
BINABASA MO ANG
Contrasting Colors (Veles High Series #2)
Teen FictionDark and bright. That's how people describe Alessandria and Arabella when they are together. It's like a fusion of two of the world's greatest opposite, a pessimist and an optimist. Magkasalungat sila sa lahat ng bagay, ultimo sa kanilang papel sa k...