38 | Arabella

142 8 15
                                    

Arabella’s POV

NAALIMPUNGATAN AKO NANG maramdaman ang pagyugyog sa aking balikat. Mga mata ni Tita Mira ang siyang unang sumalubong sa akin.

“Ara, may dumating na kaklase mo. Pinaupo ko muna sa sala dahil nga natutulog ka pa.”

Sa sinabi niyang iyon ay dali-dali akong napabangon sa aking kama. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang aking kamay. Kunot ang noo akong napatingin kay Tita. “Kaklase ko po? Sino, ‘Ta?”

“Erald daw ang pangalan,” sagot niya sabay ngumisi sa akin. “Infairness, may itsura naman. Baka mamaya manliligaw mo na ‘yon ha? ‘Di ka nagsasabi!”

Kung dati ay namumula ang aking pisngi sa tuwing tinutukso ako kay Erald, ngayon ay isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan. Hindi na puwede, Ara. Hindi puwede.

Bakit naman pumunta pa si Erald dito? Ayaw kong isipin ni Alessa na hindi ako seryoso sa mga sinabi ko sa kaniya kagabi.

Nang makaalis si Tita sa aking kuwarto ay kaagad akong nag-ayos ng sarili. Hindi na ako nag-abalang magpulbos o maglagay ng kulay sa labi, gusto ko lamang magmukhang presentable kaya simpleng suklay ang ginawa ko.

Pagkatapos magsipilyo ay dumiretso na ako sa sala. Doon ay naabutan ko si Erald na simpleng nakasuot ng asul na t-shirt at maong na pantalon. Ang kaniyang mumunting bangs ay humaharang sa kaniyang noo, isang ngiti ang kaagad niyang isinalubong sa akin.

Ayaw kong ngumiti. Kaya tumango na lamang ako at naupo sa kaniyang harap.

“Good morning, Ara,” masiglang bati niya.

“Ano bang kailangan mo?” naiiritang tanong ko. “Ke-aga aga nambubulabog ka ng tulog.”

Saglit siyang natawa. “Sungit mo na naman. Tatanong ko lang sana kung bakit ang aga mong umuwi kagabi, ni hindi man lang tayo nakapag-last dance. Sayang, edi sana prom king and queen tayo ‘di ba?”

Tama siya. Matapos naming makapag-usap ni Alessa ay hindi na ako bumalik pa sa auditorium. Nagsabi na lamang ako kila Nicole na sumama ang pakiramdam ko, pagkatapos ay umarkila na ako ng tricycle pauwi. Mabuti nga at tulog na noon si Tita Mira kaya hindi niya na ako natanong.

“Sumama nga pakiramdam ko.”

Gumuhit ang pag-aalala sa kaniyang mukha. “Bakit hindi mo sinabi sa akin? Edi sana naihatid kita pauwi.”

“Paki mo ba?”

“Malamang ako date mo, Ara. Syempre may pakialam ako.”

Tinatagan ko ang aking sarili nang magtama ang aming mga mata. Hindi ko malaman ang mararamdaman dahil kitang-kita ko ang sinseridad sa mga iyon. At alam ko rin sa sarili kong hindi naman ako pinag-trip-an ni Erald nang ayain niya akong maging prom date.

Seryoso siya. Seryoso rin ako.

Pero hindi maaaring magpatuloy ang kung anumang mayroon kami.

Kaagad akong nag-iwas ng tingin at ibinaling ang mga mata sa orasan. Pineke ko ang panlalaki ng aking mga mata. “Susmarya, oo nga pala!” kunwari’y gulat kong sabi. “Pasensya ka na, Erald. May appointment kasi si Tita ngayon sa ano…sa dentista kaya kailangan na naming umalis.”

“Ha? Pero teka lang…” naguguluhang saad niya.

Ngunit hinitak ko na siya palabas ng aming pintuan upang wala na siyang magawa pa. Nakangiti ko pa siyang kinawayan upang hindi na siya magtaka pa. Unti-unti ay lumiit ang pigura ni Erald hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa aking paningin.

Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan.

Ayos lang ‘yan, Ara. Kaya mo naman ‘di ba?

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon