Epilogue Part 2 | Arabella

738 19 37
                                    

Arabella’s POV

HALOS KASABAY NG pagtilaok ng mga manok ay siya ring pagmulat ng aking mga mata dahil sa tinig ni Tita Mira. Napatakip ako sa aking bibig habang nakatingin sa bitbit niyang birthday cake na mayroong kandila na ang nakalagay ay number 17.

“Happy birthday, Ara…happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!”

Dahan-dahan kong hinipan ang apoy sa may kandila at pumikit upang sarilinin ang aking hiling ngayong kaarawan ko. Pagkatapos ay isang malapad na ngiti ang ibinigay ko kay Tita.

“Salamat po, Tita! Mabuti’t ang aga ninyong nagising?”

“Nagpa-alarm talaga ako dahil alam kong mauunahan mo ako,” sabi niya. “Mabuti nga at hindi nilanggam itong cake, hindi ko kasi mailagay sa ref dahil baka makita mo.”

Napailing-iling ako. “Tita talaga, ayos lang naman kahit walang cake.”

“Asus, ikaw Ara, minsan lang sa isang taon kaya sulitin mo na. Hindi ba talaga ako puwedeng sumama sa celebration ninyo ni Alessa?”

“Tita, ikaw nga sinasama namin kaso may date ka ‘di ba?”

Biglang namula ang kaniyang pisngi. “Pinaalala mo pa! Lalo tuloy akong kinakabahan.”

“Huwag kang kabahan, ‘Ta. Sino ba namang hindi magkakagusto sa ‘yo eh ang ganda mo tapos masipag tapos mabait pa!”

Umiling-iling siya. “Huwag mo nga akong binobola, bata ka, may ipapabili ka na naman ‘no?”

Ngumisi ako. “May nakita po kasi akong pastel dress sa online shop.”

Sabay kaming nag-agahan ni Tita. Umaga pa lang pero nakaluto na siya ng spaghetti kahit hindi naman talaga ako maghahanda. Inaya ko kasi si Alessa na mag-celebrate din sa Kaliraya Beach, katulad ng ginawa namin noong birthday niya. Matagal-tagal na rin kasi noong huli naming punta roon dahil naging abala kami sa eskuwelahan.

“O, eto dahil birthday mo hahayaan kitang magkape ngayon.”

Napangiti ako nang ilapag ni Tita ang isang bagong tasa sa aking harapan. May design ‘yon na sunflower kaya naman mas lalo akong natuwa. “Eto na ba ang regalo mo sa ‘kin, Ta?”

Ngumiti siya. “Oo pero may isa pa. Nasa cabinet mo, summer dress ‘yun kaya puwede mong suotin ngayon.”

Hindi ko na napigilan ang labis na pagkagalak at tumayo ako, sabay yakap ko nang mahigpit kay Tita Mira. “I love you, Tita! The best ka talaga!”

Natatawa naman siya pero niyakap niya rin ako pabalik. “Hala, sige, maligo ka na roon. Aasikasuhin ko naman ang mga pagkain na dadalhin mo para sa outing ninyo ni Alessa. Susunduin ka raw ba niya?”

“Hindi, Ta. Sabi niya kasi sira daw ‘yung kotse nila kaya mamamasahe lang siya papunta.”

Dumiretso na ako sa aming banyo upang maligo. Pakanta-kanta pa ako habang naliligo, tuwing April 11 talaga ay parang dumodoble ang saya ko.

Hindi matigil ang aking labi sa pagngiti lalo na nang isuot ko na ang dress na regalo sa akin ni Tita. Pastel green ang kulay niyon ay may disenyong maliliit na dahon, ruffles ang strap pati na rin ang laylayan na lagpas ng isang pulgada sa aking tuhod. Pinaresan ko naman ito ng flip flops na kulay puti.

Nakakatuwa. Parang pakiramdam ko…ang ganda ko ngayon.

Sigurado matutuwa si Alessa kapag nakita niya ako. Hindi niya na ako masasabihan na wala akong fashion sense. Fashionista kasi ang isang ‘yon.

Tinulungan ko saglit si Tita sa pagluluto ng menudo at shanghai. Pagkatapos ay isa-isa na naming inilagay ang mga ‘yon sa Tupperware at saka ipinasok sa cloth bag na dadalhin ko. Sigurado mamahaling pagkain na naman ang dala ni Alessa kahit na sinabihan ko siyang huwag na, dahil birthday ko kaya libre ko na.

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon