10 | Arabella

158 11 12
                                    

Arabella’s POV

HINDI AKO PINATULOG ng mga katagang binitawan ni Alessa. Ramdam ko ang pagkalutang ko kinabukasan dahil huli ko nang napagtanto…na mali ang nailagay kong lunch box sa bag ni Raya.

Nang buksan ko ang aking bag ay Disney princess ang design ng lunch box ko. Siguro napunta kay Raya iyong clear lang at walang design. Hay. Ang engot ko naman.

Naiiling na inilabas ko ‘yung lunch box at saka ako lumingon sa aking katabi. Ikinubli ko ang pagkabahala sa isang malapad na ngiti. “Alessa, may baon akong tanghalian ngayon. Pero sasabayan kitang kumain sa canteen…tara na?”    

“No need.” At bigla na lamang siyang tumayo sabay labas sa pintuan ng aming classroom.

Nanlaki naman ang mga mata ko nang mapagtanto kong iniwan niya na ako. Dali-dali tuloy akong tumakbo palabas upang mahabol siya. Mabuti’t nasa hallway pa siya. “Alessa! Sandali!”

Parang nananadya siya dahil pagkarinig ng aking boses ay mas binilisan pa nito ang lakad. Hindi naman ako nagpatalo at humabol ako sa kaniya. Kahit na mas mahaba ang kaniyang mga binti kaysa sa akin ay kayang-kaya ko ‘to.

Maliit man sa paningin ninyo, mabagsik pa rin!

Hingal na hingal ako nang maabutan ko siya sa loob na mismo ng canteen. Siksikan na naman kaya habang pumipila si Alessa sa stall ni Nanay Fe ay naghanap na ako nang mauupuan.

Saktong kaaalis lamang ng dalawang estudyante sa isang table kaya nakipag-agawan ako sa mga nag-aabang ng vacant seats. Ha! Akala niyo ha, mas matitinik ang maliliit.

Ngingisi-ngisi ako sa mga dismayadong mukha nila. Pasensya na, gutom lang at nangangailangan nang mauupuan. Hindi talaga sapat ang mga pasilidad dito sa Veles High sa dami ng populasyon ng mga estudyante.

Madalas ganito…agawan at unahan.

“Ate, pwede pong kuhanin ‘yung monobloc chair?”

Agad akong umiling at ngumiti nang alanganin. “Naku, pasensya ka na. May kasama kasi ako…” Tumingin ako sa direksyon ng stall ni Nanay Fe at saktong nakabili na si Alessa, na ngayon ay lumilibot ang mga mata—siguro’y naghahanap ng mauupuan. “…ayun siya oh! Alessa, dito!”

Umalis na ang lalaking nagtanong pagkakita sa itinuro ko. Dumapo sa akin ang mga mata ni Alessa at umirap lang ito sa ere. Alam kong nakita niya naman ako pero parang…ayaw niya yatang makiupo sa akin.

Patuloy siya sa paghahanap ng mauupuan pero talagang walang bakante. Hay, ito talagang babaeng ito…gusto pang pinipilit. Mabuti na lang talaga at mabait ako kaya tinawag ko siya ulit.

“Alessa! May upuan pa rito!”

Muli siyang lumingon sa akin at umirap na naman. Akala ko ay hindi na naman nito papansinin ang pagtawag ko kaya laking gulat ko nang mag-umpisa siyang maglakad papunta sa lamesa ko.

Sus, pakipot ka pa talaga, Alessa.

Agad siyang naupo sa kaharap na upuan at nagsimulang kumain. Nakaka-tatlong subo pa lamang ito ay bigla siyang tumigil. Tinaasan niya na naman ako ng kilay. “Why are you smiling at me? It’s creepy!”

Bahagya naman akong natawa. “Ikaw kasi eh, kunwari ka pang ayaw sumabay sa akin kumain. Dito rin pala ang bagsak mo.”

“Who says I want to?” inis nitong tanong. “It’s the school’s fault for not providing enough seats.”

Tumango na lang ako at pinigilan ang pagtawa. Asus, ayaw niya pang umamin. Kung talagang ayaw niya akong kasabay, pwede naman siyang kumain sa classroom. O kaya sa garden—ay banned pala siya roon! Sinipa niya kasi ‘yung mga halaman. 

Contrasting Colors (Veles High Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon