Kingdom 4: Iskar and Isara

119 41 36
                                    

Chapter 4:

Naalimpungatan ako nang maramdamang gumagalaw ang paligid ko. Napahawak pa ako sa sintido nang kumirot ito.

Iminulat ko ang aking mga mata saka agad na bumangon.

Inilibot ko ang aking paningin. Pero agad ring kumunot ang noo ko nang mapansing nasa isang kuwarto ako at nakahiga sa katre na puro gawa sa kawayan. Katabi ko ngayon si Briana na walang malay.

Agad akong tumayo saka lumabas sa isang pintuan. Doon ko napagtanto na nasa isang kubo ako base sa hitsura ng bahay. Pero napahinto ako nang mapansin ang suot kong damit. Nakasuot lang naman ako ng kulay brown at mahabang saya. Iyong tipong nasa kapanahunan ni Jesus Christ.

Kinabahan ako bigla saka tiningnan ang panloob na damit. Nakahinga lang ako nang maayos nang makitang suot ko pa rin ang short at crop top ko pati na ang sling bag.

"Gising ka na pala..." Napalingon ako sa nagsalita. Pero agad ring kumunot ang noo ko nang makita ang isang lalaki. Naghahasa siya ng kutsilyo.

Pinagmasdan ko siya. Kakaiba ang suot niya. Nakasuot siya ng kulay puting damit na may long sleeve. Umaabot ito hanggang tuhod at may kulay pula na tela ang nakapulupot sa beywang. Marumi ito na akala mo isang buwan na hindi nalalabhan. Kulay brown naman ang slocks niya at may nakatali pang pula na tela sa noo niya, nakapusod naman ang itim at tila mahabang buhok, akala mo manggagamot.

Sa tindig at porma niya ay halatang minor de edad pa lang siya. Mga around 14 or 16 yata.

"S-Sino ka? Nasaan tayo?" kinakabahan at takang tanong ko. Bigla naman siyang napatingin sa akin at saka ngumisi.

"Ako si Iskar. At nandito ka ngayon sa aming tahanan, sa bayan ng Visel."

Biglang kumunot ang noo ko. "Bayan?"

"Tama ka, binibini." Tinigil niya ang kanyang ginagawa saka lumapit sa akin. "Maayos na ba ang iyong pakiramdam?"

"Wait... Saang bahagi ba tayo ng pilipinas?" takang tanong ko at hindi pinansin ang tanong niya.

"Pilipinas? Ngayon ko lamang narinig ang salitang iyan."

Tinalikuran niya ako saka inilapag sa maliit na mesa na gawa sa kawayan ang kutsilyo na hawak.

Lalong kumunot ang noo ko at muling binalikan ang mga hindi kapani-paniwalang kaganapan kanina. Sa totoong buhay, walang higanteng ahas na lagpas sa puno ang taas. Wala ring higanteng Bulate o uod na kasing laki ng normal na ahas! At mas lalong walang puno na nakakagalaw sa pwesto! Hindi iyon nag-e-exist sa Pilipinas!

Kung gano'n nga, nasaang bahagi ng Earth kami?!

"Binibini, may ilang katanungan ako." Muli akong napatingin sa lalaki nang sumulyap na naman siya.

"A-Ano?"

"Maaari ko bang malaman ang iyong pinagmulan? Kakaiba ang iyong kasuotan. Hindi iyan katanggap-tanggap sa aming lipunan maliban na lamang kung ikaw ay isang bayarang babae."

Umangat bigla ang kilay ko sa sinabi niya. "Hindi ako bayarang babae!"

Bigla siyang tumawa.

Siraulo itong bata na ito, ah! Nag-short at crop top lang, bayaran agad?

"Pasensya na. Sinisiguro ko lang na hindi bayarang babae ang tinulungan ko," dahilan niya na humagikhik. "Isa pa, may nakalimutan ka yatang sabihin sa akin."

"At ano naman iyon, aber?"

"Nakalimutan mong magpasalamat sa akin."

"At bakit ko naman sasabihin iyon? Ano ka, gold?!"

JOURNEY TO THE VISEL KINGDOM (#JHP_WRITER)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon