III: Aya

7 6 3
                                    

Aya
@aloeverafa

" Aya! Nasaan kang bata ka?! Bakit hindi ka maglinis dito sa sala? Napaka tamad mo talaga kahit kailan! At bakit late kang dumating kagabi?! Lumandi ka, ano?! "

Mula rito sa kusina ay dinig na dinig ko ang galit na boses ni mama. Inakusahan pa niya akong lumalandi kahit na kailan ay hindi ko kayang gawin 'yon dahil pag-aaral ang inaatupag ko.

" Ma, sandali na lang po 'tong niluluto ko. Inutusan niyo po kasi akong magluto kaya hindi ko pa po nalilinis ang sala. Kagabi naman po, may ginawa pa po kaming activity at hindi po ako lumalandi," mahina ngunit may diin kong sagot pero alam kong narinig ni mama dahil naririnig ko na ang mabibigat niyang mga yabag na ikinabilis ng tibok ng puso ko sa kaba at ramdam ko rin ang pamamawis ng mga palad ko habang hawak ko pa rin 'tong sandok na pinanghalo ko sa niluluto kong adobo.

Tiyak na malalagot na naman ako kahit wala akong ginagawang masama.

Ako na naman ang mali.

" Aba't! Ang kapal ng mukha mong sumagot sa'kin! Bastos kang bata ka! Tandaan mo, nanay mo ako kaya 'wag na 'wag kang sasagot sa'kin! Bastos ka! " namumula sa galit na sigaw ni mama.

Napapikit na lang din ako nang maramdaman ko ang marahas na pagdapo ng kanyang palad sa aking kanang pisngi kaya wala sa sariling napahawak ako roon.

Inaasahan ko naman 'to dahil sanay na ako, pero tila nabingi at pumaling ang ulo ko sa lakas ng pagkakasampal sa'kin ni mama ngayon.

Para bang galit na galit siya. Pero ano ba'ng sinabi ko na ikinagalit niya? Nagpaliwanag lang ako. Kaya alin sa mga 'yon ang masama kong nasabi para ikagalit niya nang husto?

Ako? Bastos?

Dahil nagpaliwanag ako? Wala akong intensyon na bastusin ang mga kinikilala kong magulang.

Bakit gano'n? Kapag sumagot ka, bastos ka. Kapag pinili mong manahimik, bastos ka rin.

Saan ako lulugar upang maipahayag ko ang aking saloobin?

Ano 'yon? Patuloy na lang akong tatahimik para sa kapayapaan kahit na parang sasabog ang puso ko sa sama ng loob?

Oo inaamin kong may sama ng loob ako sa mga magulang ko. Pero hindi sapat na dahilan 'yon upang bastusin ko sila kaya sana,'wag niya akong akusahan ng mga bagay na hindi ko naman ginawa dahil buong buhay ko lagi lang akong sumusunod sa gusto nila.

Daig ko pa nga ang katulong kung tratuhin nila.

Bakit ang pupurol mag-isip ng iba ngayon?

" Ma, wala po akong sinabing mali--"

Naputol ang sasabihin ko nang maramdaman ko na naman ang paglapat ng kanyang palad sa kaliwa ko namang pisngi kaya napahawak din ako roon at napatungo na lang.

Pinili ko na lang na tumahimik at muling kimkimin ang aking tampo't galit kay mama. Laging ganito.

Laging nagkikimkim at madalas na tumatahimik na lang.

" Bastos ka talagang bata ka! Sana pala hindi ka na lang namin kinuha sa basurahan noon! Walang hiya ka! Sampid! Malas! Punyeta! "

Naramdaman ko pa ang pagdura niya sa'kin at ang mararahas niyang yabag papalayo sa'kin.

Dahan-dahan kong pinunasan ang mukha kong dinuraan ni mama at wala sa sariling napadausdos sa pader na sinasandalan ko.

Masakit ang pagkakasampal ni mama sa'kin, pero mas masakit ang puso ko. Walang luhang lumalabas sa mga mata ko dahil nailuha ko na lahat, pero ang mga sinabi niya ang mas ikinadurog ng puso ko at pinaka tumatak sa isip ko.

MasterpieceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon