Hinalikan ko ang pisngi ni lola pagkarating sa bahay at pumanhik na sa itaas. Hindi ko muna itinanong sa kanya ang bumabagabag sakin. Naligo ako at pagkatapos ay tumambay sa terrace. Niyakap ko ang aking sarili nang maramdaman ang lamig na dulot ng hangin ngayong gabi. Tumitig ako sa buwan. Napakurap ako ng biglang may imahe akong nakita. Kahit medyo malabo ay kilala ko ang imaheng dumaan sa aking mga mata. Ang babaeng naliligo sa talon sa panaginip ko. Ang babaeng tinawag na Leonora, at kamukha ko. Tumayo ako at naglakad papasok sa aking kwarto. Kinuha ko ang litrato sa box at tinitigan.
Lola Leonora.
Napansin ko ang mahaba at kulot nitong buhok at naalala ang napanaginipan ko dati.
Bigla akong napunta sa isang lugar. Isang pamilyar na lugar. Naririnig ko ang bagsak ng tubig mula sa talon. Naglakad ako hanggang sa makalapit doon. Naroon ang babaeng kamukha ko, kasama pa rin ang isang lalaki.
Nakaupo sa isang banig ang babae at nasa kanyang kandungan naman ang lalaki. Tila natutulog.
"Mahal na mahal kita." Sambit ng babae. Kinintalan niya ng halik ang lalaki.
Naglakad ako papunta sa kanilang harapan para tingnan ang mukha ng lalaki. Pero malabo ito, kinusot kusot ko pa ang aking mga mata para luminaw ang paningin ko pero wala pa rin, malabo pa rin ang mukha ng lalaki. Pero pamilyar siya sakin. Hindi ko lang mapangalanan kung sino.
Nailipat ko ang aking paningin sa babae ng mag-angat ito ng tingin sa akin. Na tila ba ay nakikita niya ako. Napaupo ako nang magtama ang paningin namin. Para akong nakatitig sa salamin, nakikita ko ang mukha ko.
Seryoso naman siyang nakatingin sakin, walang mababasang emosyon dito.
" Gagawin mo rin ang ginawa ko. Diba, Leonora?" Nakangisi siya nang sabihin yun na nagdulot ng takot sa buong sistema ko.
Sumigaw ako ng malakas hanggang sa unti-unting nawala ang tunog ng pagbagsak ng tubig. Nawala ang mga kahoy sa paligid. Pati na rin ang dalawang tao sa harapan ko.
Napamulat ako bigla. Nakahiga ako sa sahig ng aking kwarto hawak-hawak pa rin ang litrato ni Leonora na agad ko namang nabitawan dahil sa takot.
Ano yun? Panaginip ba yun? Bakit, bakit parang totoo?
Dinampot ko ang cellphone na nasa aking kama at tiningnan ang oras. Alas kuwatro na ng madaling araw. Anong nangyari, nakatulog ako sa sahig? Bakit?
Bumaba ako para uminom ng malamig na tubig para mahimasmasan. Hindi ko na yata kayang matulog. Natatakot ako sa mapapanaginipan ko. Yung ngisi na ibinigay sa akin ng babae. Nakakakilabot. At ano yung sinabi niya na gagawin ko rin, masyado akong naguguluhan.
Ginawa ko na lang ang mga designs na ilalagay mamaya sa aming booth. Nagulat pa si nana Ester ng maabutan ako sa sala.
"Ang aga mo naman nagising Clara"
"Good morning po. Gagamitin po kasi namin 'to mamaya" Ipinakita ko ang mga nagawa. Tinanguan niya lang ako at dumiretso na sa kusina. Sinundan ko ng tingin si nana Ester at napagpasyahang puntahan ito.
Naghahanda na siya ng mga gagamitin sa pagluluto. Lumapit ako sa lamesa at umupo sa upuan na walang sandalan. Inabot ko ang mansanas na nasa lamesa at kinain ito.
"Gutom ka na ba hija?"
"Hindi pa naman po"
"Mabilis lang 'to."
Tiningnan ko ang mga ginagawa ni nana Ester. Seryoso siya sa mga ginagawa habang ako ay patuloy lang sa pagkagat ng mansanas.
"Kilala niyo po si lola Eva?"
"Eva?" Nag-isip si nana Ester at maya-maya ay tumango. Tinanong niya rin kung bakit ako nagtatanong tungkol dito.
"Siya po yung tinutukoy ko nung Sunday. Yung tumawag sakin ng Leonora."
Tumitig sakin si nana Ester at tipid na ngumiti.
"May pagkakahawig ka kasi sakanya."
Hindi na ako nagulat dahil yun nga ang napansin ko nang makita ang picture niya sa lumang album. Hindi naman ganun kalaki ang pagkakahawig namin, siguro sa mata at mga labi lang.
"Bakit ganun na lang ang galit niya kay Leonora nana? At nabanggit rin ni lola Basing. Na may kailangan daw na sabihin sakin si lola."
"Nasabi niya yun?" Pagpapatungkol ni nana Ester kay lola Basing. Tumango ako. Bumuntong hininga naman si nana.
"Maraming kwento patungkol kay Leonora na hindi maganda."
Nagulat ako at napatitig kay nana Ester. "A-ano po ang mga yun? Totoo po ba?" Nag-aalangan kong tanong.
"Oo. Hindi maganda ang nangyari sa relasyon nila ng lolo Theodore mo. May mga ginawa siya, na hindi tama."
Naputol ang titigan namin ni nana Ester nang kumulo ang kanyang sinasaing. Agad niya itong nilapitan at hininaan ang apoy.
"Wag mo na masyadong isipin iyon hija."
Pero hindi pa rin ako makuntento. Hindi na ko nagtanong at bumalik sa sala at niligpit ang mga ginawa ko kanina. Inilagay ko ang mga ito sa paperbag para dalhin mamaya sa school. Tahimik kaming nag-aagahan ni lola. Paminsan-minsan akong tumitingin sa kanya. Gusto kong magtanong about kay lola Leonora. Pero pinigilan ko ang sarili. Sa susunod na lang.
8:30am nang makarating ako sa school. Nandun na ang mga kaibigan at iba kong mga kaklase at may kaniya-kaniyang ginagawa.
![](https://img.wattpad.com/cover/198696619-288-k20881.jpg)