CHAPTER ONE

954 28 2
                                    

CHAPTER ONE

UP Diliman. 1999.

“PROBINSYANA?”

Napaangat ng tingin si Ayen. Istorbo, naisip niya.

“Bagong salta ka no?” Nakangisi ang lalake, na alam niyang estudyante din base sa porma nito- blue tshirt na Voltes 5, maong pants at Converse na sapatos. Pero maangas, mukhang liliparin siya sa lakas ng hanging dala nito.

“E ano naman?” Kahit laking probinsya siya, hindi siya basta-bastang nasisindak. Para que pang naging student leader siya sa kanila kung wala siyang boses. “May problema?”

“Halata sa get-up. Pero Freshman na astig... hmmm.. gusto ko yan!” Lalong lumapad ang ngiti ng lalake. Napatingin si Ayen sa hawak na cellphone nito. Makintab at mamahalin, kaya naisip niyang mayaman siguro ito.

Samantalang siya, hanggang pangarap na lang yatang magkaroon ng cellphone. At kung magka-himala man at makabili nga siya kahit second-hand na cellphone, saan naman siya kukuha ng load? Napasimangot ang 17-years old na dalaga.

“Sino ka ba?” Kinuha niya ang mga librong kanina lang ay inilapag niya sa may bench. Akala niya ay makakapag-scan siya sa mga dapat niyang basahin pero dumating nga itong si Mr. Presko kaya mas mabuti pang lumipat na muna siya ng puwesto. “May pa-bagong salta ka pang nalalaman diyan!”

“Aba, masungit! May attitude!” Sinundan iyun ng lalake ng malutong na tawa.

Bakla yata ito, naisip ni Ayen.

“Pasensya na ha, nag-magandang loob lang po. Kaya ko nasabing bagong salta ka ay dahil naka-upo ka sa tambayan ng mga atheist at hindi naman kita dating nakikita dito. Pero kung trip mong sumali sa grupo nila, feel free. After all, this is UP!” Kumindat pa ang lalake bago tuluyang umalis.

Pagtingin nga ng dalaga ay may isang karatula sa isang sulok na nagsasabing ang naturang area ay tambayan ng isang grupo. Dali-dali siyang tumayo at binitbit ang maliit na backpack. Eksaktong paalis na siya nang makita niyang padating ang limang estudyanteng pawang naka-itim. Ang dalawang lalake ay naka-eyeliner pa kahit obvious na hindi mga bading. Puro tattoo ang mga iyun at tila galit sa mundo.

Diyos Ko Panginoon! Nasindak si Ayen at mabilis na lumayo sa lugar.

TUBONG Argao, Cebu si Ayen. Sa probinsya siya ipinanganak at lumaki. Hindi sila mayaman pero hindi naman hikahos sa buhay. Tama lang sa kanilang pangangailangan ang kinikita ng kanyang mga magulang sa kanilang sari-sari store. Mayroon din silang tricycle na bumibiyahe kaya may boundary silang nakukuha araw-araw.

Pero ayun nga sa tatay niya, kahit may regular silang kita ay hindi pa rin sapat ang kanilang pera para makapag-aral siya sa Maynila. Pinakukuha na lang siya ng vocational course, at least matipid na, hindi pa siya mapapalayo. Pero sinalungat iyun ng kanyang ina. Sayang daw ang kanyang talino kung mananatili siya sa probinsya. Lalo pang tumibay ang desisyon ng kanyang ina nang makapasa siya sa UPCAT, kaya eto, nasa premyadong unibersidad siya ngayon naka-enroll.

This Love Of MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon