CHAPTER TWO

305 24 11
                                    

CHAPTER TWO

ALAS singko pa lang ng umaga ay gising na si Ayen. Simula noong dumating siya sa Maynila nitong summer ay siya na ang naghahanda ng almusal nila. Nagsasangag muna siya kapag may tirang kanin, o di kaya ay nagsasaing. Naglaga din siya ng limang itlog para sa pamilya ng tiyuhin niya, kasama na siya. Saka nagprito ng daing at nag-init ng tubig para sa kape. Lagi siyang full-meal sa umaga para hindi masyadong gutumin sa klase.

Bago mag-alas-siyete ay nakaalis na siya ng bahay. Eight thirty ang una niyang klase at gusto niyang magkaroon ng oras na magbasa sa library dahil hindi siya nakapagbasa ng husto kagabi. Pinapapatay kasi ng tiyahin niya ang ilaw nila sa kuwarto kapag alas-diyes na ng gabi. Ka-share niya ng kuwarto ang panganay na anak ng tiyuhin niya na si Flory. Ang bunso kasi nitong limang taong gulang ay katabi pa ng mag-asawa sa pagtulog.

Pagdating niya sa UP ay hindi muna siya dumiretso sa Palma Hall kung saan naroroon ang karamihan ng mga klase niya. Minabuti niyang magtungo sa Sunken Garden para makapagbasa muna. Umupo siya sa isa sa mga benches na malapit sa Grand Stand at doon nagbasa. Naka-ilang chapters na siya sa binabasa nang may marinig na sumisipol sa likuran niya.

“Hi Miss Sungit!” bati sa kanya ng kaklase niyang kinaiinisan.

“Ikaw na naman!” singhal niya. “Ano ba ang problema mo, ha?”

“Uy, ang aga-aga, high-blood ang babae!” ngumisi na naman ito.

“Tse! Tigilan mo nga ako!” Bakit ba laging siya ang napagtitripan nitong asarin? Adik yata ang kaklase niya.

“Eto naman, hanggang ngayon, galit! Para ka namang others, e seatmate na nga tayo!”

Hindi na kumibo si Ayen, basta na lang siya tumayo at nagsimulang maglakad papuntang Palma Hall. Nakasunod pa rin sa likod niya ang lalake. Binilisan ng dalaga ang lakad, pero mabilis ding maglakad ang hudyo kaya lalong nanggigigil si Ayen.

“Ano ba, nananadya ka ba? Bakit ka ba sunod ng sunod?”

“Teka, naglalakad ako dito ng tahimik sa likuran, bakit bigla ka na namang nagwawala diyan! Ikaw yata ang may problema! Naka-droga ka ba?”

Lalong nag-init ang ulo ni Ayen sa pang-aalaska ng lalake. Siya pa ang pinagkamalan nitong adik!

Ang kapal! Kung puwede nga lang na sapakin na niya ito. Kaso, ano naman ang laban niya? Five three lang ang height niya, samantalang five nine yata ang kaklase niya. Kaya isang matinding irap na lamang ang ibinigay niya, bago muling binilisan ang lakad.

Malapit na siya sa Main Library nang maisipang tumawid na kahit may paparating pang kotse. Pero sa sobrang pagmamadali ay natalisod siya at akmang matutumba. Mabuti na lang at may biglang sumalo sa kanya at mabilis siyang nakarga papunta sa gilid ng kalsada, hanggang sa makaupo siya sa bench sa waiting shed.

Nanginginig pa rin si Ayen kahit alam niyang safe na siya. Imagine, muntik na siyang mabundol ng kotse!

This Love Of MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon