CHAPTER FIVE
“ANO ba ang trabaho ng parents mo, bakit ang yaman niyo?” tanong niya one time sa lalake. Tuwing nakikita kasi siya nito sa cafeteria ay sinasabayan siya nito sa pagkain.
“Nasa politics ang father ko.”
“Pulitiko?”
“Ooppss, huwag mo akong tingnan ng ganyan! Hindi galing sa kaban ng bayan ang kayamanan namin ha!” agad na depensa ni Drei nang makita nitong nakatingin siya. “May pera na kami bago pa pumasok sa pulitika si Daddy. Pareho silang chemist ng mommy ko.”
“Chemist?” Overwhelmed siya sa ikinukuwento ng lalake pero mukha namang totoo. Ang high-profile naman ng pamilya niya, sa loob-loob niya.
“Oo. Vice-president na si Daddy ng isang malaking pharmaceutical company nang pumasok sa pulitika. Si Mommy naman, head ng research department ng malaking French company na naglalabas ng mga sikat na perfume and make-up line. Nasa Hong Kong ang research department nila kaya laging nandun si Mommy.”
“Big time pala kayo,” nasabi ni Ayen habang nakikinig. “Ano bang course mo?”
“Molecular Biology,” kaswal na sagot nito.
“Ano? Sigurado ka?” hindi makapaniwala ang dalaga. “Wala sa itsura mo.”
“Bakit, kelangan ko bang ipaskel sa noo ko kung ano ang course ko?” Natawa si Ayen sa sinabi ni Drei. “Saka, sa Philippine Science Highschool ako galing no, kaya huwag ka nang magulat sa course ko.”
Bilib na si Ayen sa lalake. May karapatan naman pala itong magyabang. Pero hindi siya nagpahalata.
“Magdu-doktor ka ba?” Tumango si Drei. “Anong year ka na ba? Bakit may Humanities subject ka pa?”
“Graduating na ako next year. Naiwan ko lang yang Humanities kasi inuna ko na lahat ng mahihirap kong subjects.”
“Parang ang bata mo pa pero ga-graduate ka na next year?”
“Accelerated ako nung elementary e. Anong magagawa ko, likas na henyo?” kumindat ito sa kanya kaya natawa si Ayen.
Parang nalungkot siyang bigla na ga-graduate na pala ang lalake next year. Ibig sabihin wala nang mangungulit sa kanya. Akala pa naman niya matagal niyang makakasama si Drei sa campus. Dahil in fairness, ito lang ang kaibigan niya sa mga kaklase niya.
“Saan ka kukuha ng Med proper?”
“Baka sa London. Yun ang sabi ni Mommy. Pero bahala na.”
Magsasalita pa sana si Ayen nang may biglang dumating at yumakap kay Drei.
“Baby! Kailan ka pa dumating?” gulat na tanong ng lalake sa babae na sa tingin ni Ayen ay parang artista sa ganda. Bakas sa mukha ni Drei ang sobrang tuwa.