CHAPTER EIGHT
RCBC Plaza, Makati. August 2007
'
ISA si Ayen sa tatlong lead characters sa stage play na RED WINE, ANYONE? Comedy at satire iyun tungkol sa mga asawa ng mga pulitiko. Ang Congressional Spouses of the Philippines ang nag-sponsor sa naturang stage play, bilang fundraising nila para sa mga projects nila.
Katatapos lang ng kanilang palabas at nagbibihis na sa dressing room si Ayen nang bigla siyang tawagin ng kanilang assistant director. Excited ito at natataranta habang hinihila siya palabas.
“Bakit, anong nangyayari?” Ni hindi pa natatanggal ni Ayen ang make-up niya. Naka-jeans lang siya at Tshirt.
“May naghahanap sayo, kilala ka raw,” kahit medyo hinihingal pa si Bombette pero hindi ito nagpaawat. Halos kaladkarin na siya nito.
“Sino daw?” Nagtaka ang dalaga dahil wala naman siyang kilala sa mga Congressman at mga asawa ng mga ito.
“Ewan! Basta alam ko, guwapo ang naghahanap at hindi dapat palampasin!”
Paglabas nila sa dressing room ay dumiretso sila sa cocktail area kung saan naroroon ang mga organizers, bisita at members ng media. Naroroon na rin ang ilang kasama ni Ayen sa stage play.
“Hi Ayen.”
Napatingin ang dalaga sa bumati sa kanya. Matangkad, maganda ang katawan at nakangiti ito sa kanya. Pamilyar ang mukha. Agad na kumabog ang dibdib niya. Hindi siya puwedeng magkamali.
“Drei?” Lalong lumapad ang ngiti ng lalake. At sa gitna ng maraming tao ay napatili ang dalaga at biglang yumakap sa kaibigan.
Malakas na tawa ang pinakawalan ni Drei at binuhat pa siya nito at inikot. Nang mga oras na iyun ay walang pakialam si Ayen kung nakatingin man sa kanila ang buong mundo. Ang alam niya ay nagkita na rin sila ni Drei. Eto ang matagal niyang pinagdadasal. Sa wakas ay natupad na ang hiling niya.
“SO kumusta ka na? Mukhang sumisikat ka na ah?” Nakatingin si Drei sa kanya habang umiinom ito ng Green Tea Frapuccino sa Starbucks. Niyaya siya ng lalake na doon na sila mag-usap dahil maraming tao sa cocktail area.
“Eto, okay lang ako. Anong sumisikat, ikaw nga diyan e, others ka na.” Hindi pa rin makapaniwala si Ayen habang nakatingin sa kaibigan.
Malaki ang ipinagbago ni Drei. Lalo itong tumangkad at gumanda ang katawan. Makinis ang mukha at parang artista. Oo nga at dati na itong guwapo noon kaya nga nakuha sa TV commercial, pero sa tingin ni Ayen ay lalo pang lumakas ang appeal ng kaibigan. Naisip niya tuloy na iba pala ang nagagawa ng London sa isang tao. Para pa ngang hindi duktor si Drei sa itsura nito.
“Paano naman ako naging others?”
“Ni hindi ka sumulat man lang o tumawag. Akala ko nga nakalimutan mo na ako.”