CHAPTER THREE
ISANG malakas na tawa ang pinakawalan ni Drei nang makita ang expression niya.
“Anong nakakatawa?” tanong ni Ayen.
“Yung itsura mo! Grabe, that was priceless!” ani Drei na natatawa pa rin. “Akala mo talaga gugustuhin kitang maging girlfriend? Tinitingnan ko lang ang reaction mo no!”
Sa inis ay nahampas ni Ayen ng magazine na nasa side table ng sofa nila ang lalake. Hindi man lang ito naapektuhan.
“Sige, I have to go. See you in school!” Nagpa-cute pa si Drei bago tuluyang umalis.
“ANONG nangyari sa’yo?” tanong ng tiyuhin niya kinagabihan. Nakita kasi nitong may benda siya sa paa.
“Natalisod po ako habang papunta sa building namin,” ani Ayen kahit nahihiya. Baka isipin ng asawa ng tiyuhin niya na tatanga-tanga siya. Sa loob pa nga lang ng UP campus e natatalisod na siya, lalo pa kaya kapag nasa kalye na siya ng Maynila?
“E ano itong narinig ko sa mga kapitbahay na inihatid ka daw dito ng dalawang sasakyan?” tanong ng tiyahin niya. Ni hindi ito nakangiti.
“Nagmagandang-loob lang po yung kaklase ko na ihatid ako kasi nga may benda ang paa ko.”
“Lalake daw ang naghatid sa kanya. At binuhat pa siya sabi ni Puring!” May malisya ang pagsumbong na iyun ng kanyang Tiya Azun.
“Sino yung kaklase mo?” tanong ng Tiyo Fernan niya. Nakatingin ito sa kanya at naghihintay ng sagot.
“Si Andrei po.” Naisip niyang kapag sinabi niya na ang palayaw ng kaklase ay Drei, baka lalong magduda ang tiyuhin niya. Para kasing hindi mapagkakatiwalaan ang lalake, sa pangalan pa lang.
“E bakit dala-dalawa ang kotseng naghatid sayo? Baka naman nakikipagbarkada ka na? Kabago-bago mo dito sa Maynila, barkada agad ang inaatupag mo.” Bahagya pang umismid ang tiyahin niya.
“H-hindi ko po alam kung bakit may isa pang sasakyang nakasunod kay Andrei. Bago ko pa lang po kasi siyang kakilala.”
“Pero nagpahatid ka na agad? Ni hindi mo pa nga kilala yung tao, sumasama ka na?” Lumalabas na ang pagiging maldita ng tiyahin niya pero nagtimpi si Ayen. Kasi nga, nakikitira lang siya.
“Siya naman po ang nagpresinta na ihatid ako. Sabi ko nga po sa sakayan na lang ng jeep.”
“May punto ang Tiya Azun mo,” wika ng tiyuhin niya. “Hindi mo kabisado ang mga tao dito sa Maynila, Ayen. Hindi ka dapat basta-bastang nagtitiwala.”
“Mukha naman pong hindi masamang tao si Andrei. Disente naman po siya at mabait.” Naisip ng dalaga kung gaano ka-alaskador ang kaklase. May pagkamayabang si Drei, oo. Pero deep in her heart, alam niyang hindi masamang tao ang lalake. “Saka kaklase ko po siya sa UP.”