CHAPTER NINE
AKALA ni Ayen ay nagbibiro lang si Drei sa offer nito. Pero nang tawagan mismo ng lalake ang ama at kausapin sa phone, at pati siya ay pinakausap, saka lang naniwala ang dalaga na seryoso ito. Kung sabagay, bakit pa nga naman siya nagduda? Walang ginusto noon si Drei na hindi nito nakuha. Hindi naman kasi nito ginagamit sa masama ang pagiging bunso at mayaman. He excelled in everything kaya naman pinagkakatiwalaan ng mga magulang.
Ang kaibigan na mismo ang naghatid sa kanya that night. Hindi na rin niya kailangang mag-isip pa tungkol sa offer nitong trabaho. Masyado na rin naman siyang matagal sa PR Firm. She needed something new- and Drei’s offer was simply irresistible. Mahigit doble ang matatanggap niya sa sinasahod niya ngayon. Kahit hindi na rin siya magtutor sa mga Koreans.
Kaya kahit nalungkot ang mga kasama sa PR Firm ay masayang nagpaalam sa kanila si Ayen. She was finally going to have a new job. Siyempre kinakabahan din siya pero nangako naman si Drei na hindi siya nito pababayaan. And she trusted him more than ever.
“BESTFRIEND ka daw ni Doc Drei?” tanong sa kanya ni Girlie, isa sa dalawang secretary sa opisina ni Congressman Sullivan.
First day ni Ayen sa opisina at nangangapa pa siya sa mga dapat gawin para sa kongresista. Si Girlie ang nag-o-orient sa kanya sa mga schedule ng bagong boss. Pero instead na ituring siyang ka-opisina ay tila ilang sa kanya ang mga kasama. At ngayon nga ay prangka siyang tinanong ni Girlie kung totoong mag-bestfriend sila ni Drei.
“Naging kaklase ko siya noon sa UP kahit magkaiba kami ng course. Naging magkaibigan.”
“Ang swerte mo naman, si Doc Drei ang bestfriend mo. Sobrang galante ‘yun e.” Tila kinikilig pa si Girlie. “Saka ang guwapo, no? Lahat ng mga staff dito sa floor na ito, crush siya.”
Natawa si Ayen. It was just like being in college again. Bakit ba maraming nagkakagusto kay Drei? Lahat na lang, crush ang lalake. Mabuti na lang at immune na siya sa appeal ng kaibigan.
“Buti hindi kayo nagka-developan?”
“Hindi no!” Mabilis na sagot ni Ayen. “Kaibigan ko ang girlfriend nun.” Naisip ng dalaga si Kyla at na-realized na wala na rin siyang balita sa babae mula nang pumunta ng London ang kaibigan.
“Naku, e paiba-iba naman ng girlfriend yang si Doc Drei. Naging playboy daw sabi ng mommy niya nung nasa London.”
Nagulat si Ayen. Bago sa pandinig niya ang sinabing iyun ni Girlie. Ang alam niya ay loyal ang kaibigan niya kay Kyla. Gusto pa sana niyang magtanong pero mas pinili ng dalaga na manahimik na lang muna. Si Drei na mismo ang tatanungin niya kapag nagkita sila.
“KELAN kayo nag-break ni Kyla?”