CHAPTER ELEVEN
“I HAD a strange dream,” ani Drei habang nakatunghay kay Ayen. “Pinuntahan mo daw ako sa kama at ginigising. Sinabihan daw kitang matulog sa kuwarto ko and you did.”
“Hindi panaginip yun, sira!” natatawang bumangon ang dalaga pero pinigilan siya ng lalake.
“Akala ko nga nananaginip lang ako, kaya paggising ko tiningnan ko agad ang kuwarto ko. Andito ka nga.”
“Sabi mo kasi dito muna ako matulog eh.” Inirapan ni Ayen si Drei. “Saka bakit ba hindi ka nagpapakita sa daddy mo ng ilang araw? Hindi ka rin pumupunta sa Batasan.”
“Na-miss mo ako?”
“Seryoso yung tanong ko,” itinulak ng dalaga ang lalake saka bumangon. Ni hindi niya alam kung anong oras na. “Tinatanong na tuloy ako ng daddy mo kung may problema ka.”
Nanatiling nakahiga sa kama si Drei pero na-notice ng dalaga na nakaligo na ito at nakabihis. Naka-Tshirt ito at naka-board shorts.
“Anong sinabi mo?”
“Sabi ko tatanungin kita. Kaya pinuntahan kita dito.”
“Buti naman pumunta ka. May problema talaga ako.”
Nasa may pinto na ng banyo si Ayen dahil naiihi siya, pero bigla siyang natigilan sa sinabi ni Drei. Nilingon niya ang kaibigan.
“Meron nga?” Tumango ang lalake. “Teka, sandali, ihi lang ako! Huwag ka munang magkuwento, hintayin mo ako.”
Paglabas niya ay nakadapa na si Drei at nakapikit. Nilapitan niya ang lalake at niyugyog.
“Hoy, huwag mo akong tutulugan! Ano ba kasi ang problema mo?” Nilakasan niya ang pagyugyog. “Anak ng tokwa, ano…”
Nabigla si Ayen dahil biglang pumihit si Drei at hinila siya pahiga sa kama. Sa isang iglap ay nasa ibabaw na niya ang lalake at siya ay nasa ilalim nito!
“Hoy, tarantado ka Drei! Wala akong oras para makipag-wrestling, ano ba!” Hawak ng lalake ang dalawang kamay niya kaya hindi siya makagalaw.
“Alam mo bang ikaw ang problema ko?” Seryosong pahayag ni Drei.
“Ako? Bakit ako?”
“Ginulo mo na naman ang mundo ko.”
Shocked si Ayen. Kelan siya nanggulo? Wala siyang maalalang kasalanan sa kaibigan kaya takang-taka siya sa sinasabi nito. Galit ba ito na pumunta siya sa condo nito? Magtatanong pa sana ang dalaga pero bigla siyang hinalikan ni Drei. Matagal. Mabagal. Bawat himaymay sa katawan ni Ayen ay biglang nagising at unti-unting nalalasing.