CHAPTER SIX
“TUMAYO ka na diyan, ihahatid ka na namin.” Napatingin si Ayen kay Drei- nakatayo na ito at nakaakbay kay Kyla.
Nasa isang restaurant silang tatlo. As usual ay nagyaya na naman si Drei kanina matapos ang kanilang klase at kahit tumanggi siya ay halos buhatin na siya nito patungong parking lot. Napilitan tuloy siyang sumama kahit third wheel na naman.
“Tama na kasi ang kaka-daydreaming mo, inday!” natatawang wika ni Drei na naglakad na.
“Tse!” sumimangot siya pero sumunod na rin siya sa dalawa nang lumabas ang mga ito.
Pero ma-traffic papuntang Commonwealth Avenue. Mabagal ang daloy ng mga sasakyan kaya natagalan ang biyahe nina Ayen. Eksaktong pagdating nila sa tapat ng tinutuluyan ng dalaga ay bumababa rin sina Fernan at Azun mula sa stainless jeep nito.
Agad na naispatan ni Ayen ang tiyahin na nakasalubong ang kilay habang nakatingin sa kanya nang bumaba siya sa kotse. Makintab na Land Cruiser ang dala ni Drei nang gabing iyun. Ang back-up car ng mga bodyguards nito ay isang itim na Honda.
“Ginabi ka yata?” ani Tiyo Fernan niya pero nakatingin ito sa Land Cruiser at tipong sinisipat kung sino ang laman.
“Kumain po kami sa labas.” Kinabahan si Ayen. Alam niyang mapagsasabihan na naman siya.
“Sino yang mga kasama mo? Nakikipagbarkada ka?” sumingit talaga ang Tiya Azun niya.
Pero bago pa nakasagot si Ayen ay bumaba na si Drei at nagpakilala.
“Taga saan ka?” tanong ni Fernan na hindi man lang ngumiti.
“Taga-La Union po kami pero diyan po ako umuuwi sa La Vista Village.” Magalang ang tono ni Drei at nakangiti ito. Bahagyang tumaas ang kilay ni Ayen dahil hindi siya sanay na makitang nagbabait-baitan ang lalake.
“La Vista, yung lugar ng mga mayayaman!” Dinig na dinig ni Ayen ang pagbulong na iyun ng Tiya Azun niya sa Tiyo Fernan niya. “Ano kamong apelyido niya?”
“Ano uli ang apelyido mo, hijo?” ang Tiyo Fernan niya.
“Sullivan po.”
“Di ba yan ang apelyido ng Governor sa probinsya niyo?” tanong ng tiyuhin niya. Naalala ni Ayen na mahilig nga pala sa news and public affairs ang kanyang Tiyo Fernan kaya pamilyar ito sa mga pulitiko sa bansa.
“Father ko po ang governor,” ani Drei.
Kitang-kita ni Ayen na nanlaki ang mga mata ng Tiya Azun niya nang marinig na anak ng governor ang kaklase.
“Pumasok muna kayo!” Biglang nag-aliwalas ang mukha ni Tiya Azun at hanggang tenga ang ngiti nito, daig pa ang sasali sa beauty contest!
“Huwag na po, uuwi na rin po kami.” Lihim na nagpasalamat si Ayen nang marinig na magalang na tumanggi si Drei sa patibong ng tiyahin. “Salamat na lang po and nice meeting you.”