5 : Sana Ako Nalang

53 27 1
                                    

SANA AKO NALANG
–@GSLA.


Laman ka ng chismisan,
Sa paaralan, sa tindahan pati sa aming tahanan.
Sino nga bang hindi mapapalingon?
Kung sa kagandahang taglay, pati kapwa babae'y napipikon.

Sa unang pagkikita,
Alam kong ako'y nabighani bigla.
Hindi makapaniwala sa kagandahang nakikita,
Ikaw ang larawan ng dalagang ninanais ng bawat binata.

Ngunit ano nga ba ang meron sa iyo?
Bakit sa iyong tingin, tila ako'y nahihipnotismo?
Isa ka ba sa mga diwatang laman ng mga kuwento?
Kung ganoon, maaari mo nang kunin ako.

Mula noon, araw-araw na kitang tinatanaw.
Alam kong masyadong mababaw,
Pero sa iyong presensiya, ako'y napapasaya;
Napapangiti kapag nasusulyapan ka.

Nais ko sanang ika'y lubusang makilala ko,
Ngunit walang mangyayari kapag ako'y nanatiling tahimik.
Kaya maglalakas-loob ako't susubukang mapalapit sa'yo,
Gaya sa mga kaibigan kong gimik.

Ika'y nakaupo lamang sa gilid at mukhang seryoso,
Tahimik na nagmamasid sa malayo.
Sinundan ko naman ang iyong tingin,
At lihim na napabuntong-hininga sa hangin.

Lalaking nasa 'di kalayua'y nakatungo,
Ang iyong nagniningning na mata'y doon nakapako.
Kung ganoon, sa kanya pala nakatuon ang iyong atensyon,
“Ang swerte naman ng lalaking iyon.”

Gusto ko lang naman na ako'y iyong pansinin,
Pero sa simpling ngiti mo, parang ayaw ko na tuloy umamin.
Gusto sana kitang mayakap at mahagkan,
Ngunit kinakabahan naman sa tuwing ika'y nasa malapitan.

Siguro hanggang tingin na lamang ako sa iyo,
Nakakaselos pero bagay din naman kayo.
May ngiti pa nga siya habang kausap ka,
Isang palatandaan na nagugustuhan ka na rin niya.

Aaminin kong hindi ko gustong nakikita kayong magkasama,
Oo, mahapdi sa mata,
Nakakawala ng pag-asa,
Ngunit pipilitin ko pading ngumiti dahil ikaw sa kanya ay maligaya.

Gusto kitang hilain palapit sa akin at ipagdamot sa iba,
Pero tatanggapin ko na lamang na hanggang pantasya na lamang kita.
Siguro ititigil ko na ang pag-iisip sa'yo,
Wala din naman akong mapapala kapag nagpatuloy pa ako.

Sa mga nagdaang buwan,
Pinili ko munang lumayo sa aking mga kaibigan.
Mas maayos na din siguro ito,
Kung sa pagtakas sa'yo, doon ako matatauhan.

Napakahirap isipin,
Kung iba ang nasa aking katayuan, hindi din nila kakayanin.
Ngunit ang aking pasya ay kinakailangan ko nang mapanindigan,
Sa puso't-isipan ko ikaw ngayo'y akin ng pinapalisan.

Naging kayo naman sa mabilis na panahon,
At sa mga panahong iyon, sa ibang bagay ko na lamang itinuon ang aking atensyon.
Hindi na dapat ako mag-alala pa,
Mukhang masaya ka naman sa kanya.

Isang araw ay tahimik akong napadaan sa isang pasilyo,
At ang nagpakuha sa atensyon ko ay ang narinig na hikbi sa isang kwarto.
Nagdadalawang-isip ngunit nagpatuloy pa rin ako,
At nakita sa loob ang pamilyar na bulto.

Nang mapagtantong ikaw pala ito,
Nilapitan kita kaagad at hindi na nag-aksaya ng segundo.
Madaming katanungan na tumatakbo sa aking isipan,
Hindi ko matiis tignan ang iyong matang mayroong kalungkutan.

“Binibini, anong nangyari sa'yo?
Anong naging sanhi ng pagluha mo?”
Ngunit patuloy ka pa din sa pag-iyak habang nakayuko,
Kaya inilahad ko na sa'yong harap ang aking panyo.

“Magiging maayos din ako,” sagot mo at ngumiti sa akin.
Ngunit ang luhang tumulo sa iyong pisngi'y hindi nakatakas sa aking paningin.
Pugto rin ang iyong talukap,
Kaya hindi mo na kailangan pang magpanggap.

“Ano ang sanhi ng iyong pagiging iyakin?”
Tanong ko at wala na akong pakialam kung mag-iba ang pananaw mo sa akin.
Ang gusto ko lang marinig ngayon ay ang iyong pag-amin.

Tumulong muli ang iyong luha at nag-iwas sa'kin ng tingin.
Sa labis na hinanakit, nagawa mong sambitin,
Ang mga katagang hindi ko sa'yo ninanais hilingin.
“Nagawa niya akong lokohin.”

Nanigas bigla ang aking kamao,
Nangangating pagbuntungan ng galit ang walang muwang na pinto.
Sa panloloko niya sa'yo, para na din siyang nawalan ng ginto.
“Hindi siya nararapat sa pagmamahal mo.”

Hindi mo kailangang ipagpilitan ang sarili sa kanya,
Hindi mo kailangang magmukmok dahil lang sa panloloko niya.
Andito ako na mas minamahal ka,
Ako nalang sana ang pinili mo noong una pa.

Tinitigan mo ako, diretso sa mga mata.
Luha mo'y nagbabadya, patuloy paring inaaksaya.
“Tawagin mo akong tanga,
Pero siya pa rin ang gusto kong makasama.”

Dahil doon, tila may kutsilyong tumarak sa aking sikmura,
Tumatak sa aking isipan ang bawat salita.
Napapikit nalang ako sa'king mga mata,
Alam kong tumutulo na rin ang aking luha.

Bakit siya pa din kahit hindi niya nakikita ang iyong halaga?
Bakit ang lalaking iyon pa din kahit pinakawalan ka na?
Bakit ka pa nagpapakatanga?
Kung alam mo namang nasasaktan kana sa kanya.

Pasakit ng pasakit ang aking nararamdaman,
Ang salitang tayo ay tila ayaw mong pagbigyan.
Kaya sa bawat papalayong hakbang,
Hinihiling kong sana,
“Sana ako nalang.”

GSLA's OneshotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon