22: The Monster's Misery

40 26 0
                                    

THE MONSTER'S MISERY
—@GSLA.
-
Chapter Theme Song: Enchanted // Taylor Swift
-

       Isang mapayapa na gabi kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, unti-unting nagbalik ang mga ala-alang matagal ko ng binaon sa lupa at kinalimutan.

       Ang mga dahon sa puno ay tila walang kulay, maputla at nangmumukhang matamlay, kagaya na lamang ng pagmamahal mo sa akin na matagal ng patay.

      Yakap-yakap ang sarili dahil sa lamig na dulot ng ulan, pinagmasdan ko ang isang lumang aklat, isang lumang talaarawan na pinangako kong kailanman ay hindi ko na muling ibubuklat.

       Nagtatalo ang isip at puso kung ito pa din ba'y bubuksan, sa pagka't alam kong bawat pahina nito'y sugat lamang ng nakaraan ang maidudulot sa aking isipan.

       Malalim na buntong-hininga ang kumawala sa akin at kinain rin ang sariling pangako't binitawang salita nang mapagdesisyonang buksan muli ang aking sariling akda.

       Isinalaysay ko ang lahat ng nakatala roon, magmula sa simula hanggang sa pinakahuling nakaukit na parirala, at hindi ko na namalayan pang pumapatak na pala ang mga 'di mapigilang luha.

       Ang saya-saya ko sa ating unang pagkikita, mga ngiti sa tuwing tayo ay magkasama na pilit kong hindi pinapahalata.

       Tayo ay nagmahalan at lumaban ngunit nanaig pa rin ang katotohanang ang mortal ay hindi para sa kagaya kong halimaw ng kadiliman.

       Ngunit tinanggap mo pa din kung sino ako at pinaglaban kung anoman ang dating meroon tayo.

       Kahit labis na mapanghusga ang daigdig ay hawak-kamay tayong tumayo at hindi nagpadaig.

       Ngunit sabi nga nila, lahat daw ng bagay ay mayroon ding hangganan. Maaaring tama sila. Kinailangan kong dalhin sa katapusan kung anoman ang meroon tayo dahil katumbas ng ating pag-iibigan sa akin ay kamatayan.

       Sa pagka't nakasaad na't nakaukit sa lahat ng nilalang na ANG MORTAL AY TANGING PARA LAMANG SA MORTAL.

       Kung ipagpapatuloy natin ang bawal na pagmamahalan, maaari ka ding malagay sa kapahamakan. Kaya isa lang naisip kong paraan, iyon ay ang ipagtulakan ka't ibaon sa ala-ala ng nakaraan.

       Sa mahabang panahon, muli tayong nagkita. Sa wakas, natupad na rin ang mga hiniling ko sa tala.

       Masaya akong makitang may malapad kang ngiti, kay tagal ko rin iyang hindi nasilayan sa iyong labi.

       Diretso ang tingin mo habang nakatayo ng tuwid, at kusa na lamang tumulo ang mga luha ko't tinigil ang pagmamasid.

       Ang tanging nagawa ko na lamang ay yumuko at lumingon sa ibang direksyon, dahil sa isang magandang binibini pala nakatuon ang iyong atensyon.

       Kung kailan malaya na ako sa aking sumpa, doon ka pa nakahanap ng iba at pagsinta saki'y nawala.

       Tumingala ako sa langit at pinahid ang mga luha. Ang mga peklat ng nakaraan ay tila naging sariwa, para bang may kutsilyong nakatarak ngayon sa'king sikmura pero masaya pa rin ako kahit hindi tayo ang itinadhana.

       Masasaktan man ako pero kung siya talaga ang ikakaligaya mo, tatakpan ko na lamang ang sakit at ngingiti ng taas-noo.

       “Masaya ako para sa'yo, ginoo.”

GSLA's OneshotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon