Chapter 5 - The Rose

1.2K 36 0
                                        

THE ROSE

♫   I say love, it is a flower

      And you, it's only seed   ♫

                              (Westlife)

Maaga ako sa bahay ng mga Arenas kinabukasan. Ayokong makasabay ang ibang bisita nila. Ang balak ko, babatiin ko lang si Jenna saka ibibigay ko ang regalo ko sa kanya. Pagkatapos ay aalis agad ako.

"Good morning, Mike," masayang bati sa akin ni Yaya Nelia nang pagbuksan niya ako ng gate. "Ang aga mo a."

Napangiti lang ako sa kanya. "Oo nga e. Nandiyan ba si Jenna?"

Nginisihan niya ako. "Ah, yung may birthday lang ang sadya mo? Si Jules, hindi?"

Natawa na lang ako sa panunukso niya. "Pareho sila. Pero syempre, si Jenna muna. Birthday niya kasi ngayon."

Tumango lang siya, todo-ngiti pa rin. "Sige, tuloy ka. Nandoon sila sa sala. Deretso ka na doon."

"Salamat, Yaya," sagot ko.

Naglakad ako mula sa gate papunta sa bahay. Nadaanan ko ang garden ni Mommy Ann na punung-puno ng mga bulaklak. Napansin ko agad ang isang malagong halamang rose doon. Matingkad na matingkad ang kulay ng mga bulaklak noon.

Napangiti ako. May naalala ako.

"Mahirap magpalaki ng rose," sabi ni Mommy Ann habang itinatanim ang isang maliit na binhi ng halamang rose. "Diligan mo siya, lagyan ng fertilizer, tamang liwanag ng araw. Kapag natampo siya, mamamatay na lang. Minsan, wala ring ipinagkaiba sa pagpapalaki ng anak. Ibigay mo ang lahat ng gusto niya, alagaan mo siya nang mabuti, kapag nagrebelde siya, wala kang magagawa."

PInakikinggan ko lang siya noon, iniisip ang halaga ng sinasabi niya.

"Pero ang rose, habang lumalago na ang mga ugat, hindi na nagiging matampuhin. Basta sige lang ang pagdidilig mo sa kanya. Kapag lumaki na ang halamang rose, bibigyan ka niya ng magagandang bulaklak. Maiisip mo, sulit lahat ng pinagpaguran mo sa pagdidilig sa kanya. Gaya ng sabi ko, walang ipinagkaiba sa pagpapalaki ng anak."

"Ano naman po ang ginagamit na pandilig sa pagpapalaki ng anak?" tanong ko.

Nginitian niya ako nang ubod tamis. "Pag-ibig," sagot niya.

Naisip ko, napakaganda ang sinabi ni Mommy Ann. Ang nakakatuwa, ang maliit na binhi noon ng halamang rose na itinanim niya, naging malagong halaman na at hitik na hitik sa magagandang bulaklak.

Pag-ibig? tanong ko sa sarili ko.

Narating ko ang pinto ng bahay at kumatok ako doon.

Ilang sandali lang ay bumukas iyon at bumungad sa akin ang masayang mukha ni Jules. "Bespren!" bati niya agad. "Ang aga mo a!"

Ngumiti ako sa kanya. "Gusto ko lang mauna," sagot ko.

Pabiro siyang sumimangot. "Baka naman maya-maya lang, aalis ka na?"

Ngumiti lang ako at umiling. Pero sa loob-loob ko, nahulaan niya agad?

"Pasok ka, Bespren," sabay haltak niya sa akin papasok sa loob.

Inabutan namin si Jenna na nasa sala. Nakaupo siya sa sofa at nanonood ng cartoons sa T.V.

"Jenna," tawag ni Jules sa bata. "Tito Mike is here!"

Simple HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon