HEY, IT'S ME
Hey, it's me ♫
The one who's always cared for you
Oh yes, it's me
The one who's always loved you
♫ I just hope you still remember...
(Jamie Rivera)
"Mike?" narining kong tawag sa pangalan ko. Pamilyar ang boses. Pamilyar na pamilyar.
Agad kong pinunasan ang mga mata ko. Paglingon ko, tumambad sa akin ang babaeng akala ko ay hindi ko na makikita kahit kailan.
"Jules?"
Agad siyang lumapit sa akin. Nakangiti siya pero matipid. Sa mga mata niya, parang nababasa ko na gusto niya akong damayan sa kalungkutan ko.
Alam niya kaya? tanong ko sa sarili ko.
Pero hindi naman ako magtataka kung alam niya ang tungkol sa pagkamatay ni Mayreen. Alam iyon ng ilang kaibigan ko. At siyempre, kung alam ni Robert, malalaman ni Randy, malalaman din ni Sharon, at makakarating sa kanya.
"Na-miss kita, Bespren," sabi niya, kasabay ang isang masuyong yakap.
Parang nalulusaw noon ang puso ko dahil sa yakap niya. Pakiramdam ko noon, gustong humulagpos ang lahat ng nararamdaman kong emosyon. Sa loob-loob ko, nandito ang nag-iisang tao na kilalang-kilala ako at nakakaalam kung papano ako nasasaktan. Sa lahat ng mga taong malapit sa akin, siya lang ang nakakakilala sa bawat tibok ng puso ko.
Gusto ko noong buksan ang puso ko sa kanya. Gusto kong ikwento sa kanya ang lahat ng mga nangyari. Gusto kong umiyak sa mga balikat niya at humugot ng lakas kagaya noong dati, kagaya noong mga dalaga at binata pa kami.
Pero hindi dapat. Sa laki ng pagkukulang ko sa kanya, wala na akong karapatan na bigyan siya ng problema. Masyado ko na siyang nasaktan.
Wala akong choice, Bespren. Wala akong magawa. Sana mapatawad mo ako...
Napailing na lang ako sa ala-alang iyon. Iyon ang araw na nagpaalam ako sa kanya, ang araw na naghiwalay kami matapos ang apat na taon ng napakatamis na pagmamahalan. Naghiwalay kami dahil sa katangahan ko. Nakabuntis ako ng ibang babae, at napilitan akong pakasalan ang babaeng iyon.
Matapos ang sampung taon, may kanya-kanya na kaming buhay. Isa na siyang doktor, may asawa, at may sarili ng pamilya.
Tagumpay siya.
At ako? Hiwalay na ako sa asawa ko. Inilayo nila sa akin ang anak ko. Namatay ang ama ko nang hindi kami nagkakaayos. At ang babaeng nagmahal sa akin nang lubos at pakakasalan ko sana ay dalawang buwan nang nakalibing.
Bigo ako.
"Mommy, who is he?" narinig ko mula sa likod ni Jules. Boses ng isang bata.
Nagbitiw kami ni Jules at kapwa napatingin sa kanya.
Nakatayo sa tabi ni Jules ang isang napakagandang batang babae. Nakahawak ito sa laylayan ng blouse niya, nakangiti, at palipat-lipat ang tingin sa amin ni Jules. Sa tantiya ko ay apat o limang taong gulang pa lang ang bata, kamukhang-kamukha ni Jules, maputi, matamis ang ngiti, at mahaba ang buhok.
Agad lumuhod si Jules. Niyakap niya ang bata at kinarga. Pagkatapos ay humarap sila sa akin. "Jenna, this is my bestfriend. He's a very good man. Call him Tito Mike."
BINABASA MO ANG
Simple Heart
RomanceWith his fiancee dead and his heart grieving, a long lost love from the past returns to help Mike heal his wounded heart. Is there still a place in his heart to rekindle their love?
