BELIEVE
What if I believed? ♫
What if I prayed?
If I did would it make all this go away?
Where did I go wrong?
♫ What didn't I do right?
(Forthangel)
Papunta ako noon sa opisina nang abutan ko ang isang babae na nakatayo sa harap ng pintuan. Magulo ang ayos ng buhok niya, malungkot ang mukha, namumugto ang mga mata sa pag-iyak, pero hindi ako maaaring magkamali kung sino siya.
"Diana..."
Nakayuko siya at parang tulala nang makita ko siya. Pero nang tawagin ko siya, napalingon siya sa akin at bahagyang lumiwanag ang mukha.
"Sir Mike..."
Paglapit ko sa kanya ay bigla siyang lumuhod. Tumulo ang mga luha niya at sa ganoong ayos siya napahagulgol.
Kulang-kulang anim na taon na ang nakakaraan mula nang una ko siyang makilala. Nag-apply siya sa akin bilang accountant, noong nagsisimula pa lang ang Laroza Holdings. Sa loob ng anim na buwan, naging accountant ko siya, naging kaibigan, at dahil kahawig niya si Jules, nahulog ang loob ko sa kanya.
Pag-ibig man o hindi ang naramdaman ko, nagtapat ako ng pag-ibig sa kanya. Pero tinanggihan niya ako, sa dahilang may nagmamay-ari na raw sa puso niya. Sa pagsisiyasat ko, natuklasan kong hindi pala siya dalaga gaya ng sinabi niya. May-asawa na siya at anak, at ang asawa niya, na labis kong ikinagulat, ay si Andrew Dela Paz.
Marami-rami rin siyang nakuhang pera mula sa akin, mga halagang kusa kong ibinigay sa kanya bilang tulong sa mga problemang sinabi niya, na lahat pala ay kasinungalingan. At noong huli, sa dikta ng asawa niya, ninakawan niya ng sampung milyon ang kumpanya.
Balak nila noong mag-abroad para hindi ako makapaghabol. Pero nasukol ko sila, sa tulong ni Greg, ang police officer na kinakapatid ko.
Mismo sa mga oras na iyon, nakiusap si Andrew sa akin. Nangako siyang lalayo at sa Cebu na titira. Hindi na raw siya babalik sa Maynila. Tahasang sinabi pa niya na sa akin na raw si Diana.
Pinagbigyan ko naman siya. Ipinahatid ko pa siya sa Cebu. Pero ilang taon ang nakalipas, binalikan niya ako. Pinagtangkaan niya akong patayin. Tinambangan nila ako sa highway habang nagda-drive ako. Mabuti na lang at may dala ako noong baril. Minalas siya at siya ang napatay ko.
Si Diana naman, ipinalagay ko sa blacklist at tinanggalan ng lisensya bilang C.P.A. Matapos ang ilang buwan, humarap siya sa akin para makiusap na ibalik sa normal ang status niya. Lumuhod pa siya sa akin.
Napabuntung-hininga ako habang pinagmamasdan ko siya. Malaki na ang ipinagbago ng itsura niya mula noong huli ko siyang makita. Nagkaroon na ng edad ang mukha niya. Medyo lumapad na rin ang katawan niya. Pero naisip ko, single parent nga pala siya. Medyo mahirap, lalo na kung hindi maganda ang takbo ng career niya bilang accountant. Kaya siguro mabilis ang naging pagtanda ng katawan niya.
Ano kaya ang problema niya ngayon?
Lumuhod ako at hinawakan ko siya sa magkabilang balikat. Tinulungan ko siyang tumayo. "Anong problema, Diana?" tanong ko.
Yumuko siya, hindi tumitingin sa akin. "Sorry, Sir Mike," sabi niya, umiiyak pa rin. "Pero wala na akong maisip para hingan ng tulong maliban sa yo."

BINABASA MO ANG
Simple Heart
RomanceWith his fiancee dead and his heart grieving, a long lost love from the past returns to help Mike heal his wounded heart. Is there still a place in his heart to rekindle their love?