Chapter 13 - The Storm

1.1K 36 3
                                    

THE STORM

     If I could just see you   ♫

     Everything would be alright

     If I'd see you

♫  This darkness would turn to light

                                     (Lifehouse)

Umiikot noon ang paningin ko. Sobrang sakit ng ulo ko. Hindi ako makadilat dahil nasasaktan ang mga mata ko sa liwanag. Masakit din ang mga muscles ko. Nanginginig at mainit ang pakiramdam ng buong katawan ko.

Huli kong naaalala ay umuwi ako galing sa memorial park na basang-basa ng ulan. Sa pagkakatanda ko, nanginginig na ako bago pa ako makarating sa bahay. Alam ko noon pa lang, magkakasakit ako.

At eto na nga, daig pa ang trangkaso sa tindi ng nararamdaman ko.

Sinubukan akong pakainin nina Nanay, Rosa, at Carol. Ayaw ng sikmura ko pero pinilit ko. Ang problema, tuwing magkakalaman ang sikmura ko, isusuka ko lang lahat. Pati tubig, hindi tinatanggap ng bituka ko. Hindi tuloy ako makainom ng gamot.

Sa sumunod na gabi, halos hindi ko malaman kung gising ako o tulog. Gising man ako o nananaginip, umiikot pa rin ang paligid ko. Umaasa na lang ako na lilipas ang lagnat sa tulong ng pahinga at ng makapal na sweater na suot ko. Kinumutan din nila ako ng makapal na kumot. Alam kong bubuti ang pakiramdam ko kung papawisan ako.

Sa paggising ng diwa ko kinabukasan, inaapoy pa rin ako ng lagnat. Pero nabawasan na ang pagkahilo ko. Naramdaman ko rin, bago ako dumilat, may mga kamay na humahaplos sa pisngi ko.

Hindi iyon ginagawa nina Nanay at Carol. Lalong hindi iyon gagawin ni Rosa.

Pinilit kong dumilat kahit nasasaktan ang mga mata ko sa liwanag.

"Huwag mo nang piliting dumilat, Bespren," narinig ko. Boses ni Jules. Nandoon siya sa tabi ko. Inaalagaan niya ako.

"B-Bespren?" pagtataka ko. Hindi ko inaasahan na nandoon siya. May kalayuan din ang Bulacan mula sa bahay nila sa Paranaque.

"Mataas ang lagnat mo, Bespren," dagdag niya. "Sabi ni Carol, hindi raw humuhupa sa magdamag. Kelangan mong kumain para makainom ka ng gamot. Ipinagluto ka ni Rosa ng sopas. Kakain ka ha?"

"S-Sige," sagot ko. Naisip ko, dahil hindi na ako masyadong nahihilo, baka tumanggap na ng pagkain ang sikmura ko. Kailangan ko talagang uminom ng gamot.

Iniwan ako sandali ni Jules. Pagbalik niya ay may dala-dala siyang mangkok. Sa amoy pa lang, alam kong iyon ang sopas na niluto nila para sa akin.

Inilapag ni Jules ang mangkok sa study table ko. Pagkatapos ay tinulungan niya akong makaupo. Pinilit ko namang kayanin ang bigat ng katawan ko kahit hirap na hirap ako. Nahihiya ako sa kanya. Ayokong magmukhang mahina sa harap niya.

Maya-maya ay umupo siya sa harap ko, hawak-hawak ang mangkok. "Susubuan kita, Bespren," sabi niya, ubod ng lambing. "Dahan-dahan lang ito."

Tumango ako. Tinanggap ko ang ilang pagsubo niya sa akin ng mainit na sopas. Pero matapos ang panlimang subo, umayaw na ako. Pakiramdam ko kasi noon, isa o dalawang subo pa, susuka na naman ako. "Inom na ko ng gamot," sabi ko.

Agad naman niyang ibinaba ang mangkok ng sopas sa mesa. Naglabas siya ng gamot at ibinigay niya iyon sa akin, kasabay ang isang baso ng maligamgam na tubig. Hindi ko namukhaan kung anong gamot iyon, pero alam ko namang doktor siya at alam niya ang ginagawa niya.

Simple HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon