Bato

12 0 0
                                    

"Hoy! Ilabas n'yo na ang cellphone ko."

"Parang tanga, e. Akala mo naman nakikipagbirauan."

"Hoy, ilabas n'yo na nga kasi."

"Hahaha! Ilabas n'yo na nga. Kawawa naman, iiyak na."

"Putang-ina! Sino ang naglagay ng flower base sa bag ko?"

"Parang gago."

"Buti nga sa'yo flower base lang, sa'kin bato."

Nagising si Jowel sa ingay ng kaniyang mga kaklase. Tiningnan niya ang kanyang relos para malaman kung anong oras na.

"Alas-syete na!" Dahil na rin sa wala silang guro sa harapan, walang pag-aalinlangang isinigaw ng binata ang oras sa panahong iyon.

"Uwian na."

Agad n'yang isinukbit ang bag at umalis sa klasrum. Nakipagsiksikan siya sa daan-daang estudyante na papauwi na rin sa mga oras na iyon. Nasasabik na kasing umuwi ang binata. Nais nitong ipakita sa ina ang resulta ng kaniyang pagsusulit sa asignaturang Filipino.

Sumisipol pa ang binata habang tinatahak ang daan pauwi sa kanilang bahay. Batid ni Jowel ang kakaibang pakiramdam sa panahong iyon. Bukod sa ninenerbyos siya at mahamog na ang paligid kahit alas-syete pa lamang ng gabi, pansin niya rin ang pananakit ng kaniyang balikat.

Wala naman siyang dalang libro pero bakit mabigat ang bag niya?

"Teka."

Huminto ang binata at binuksan ang bag. Sumasakit na kasi ang balikat niya dahil sa bigat ng kaniyang bag.

"Sabi ko na nga ba, kainis."

Natagpuan niya ang isang malaking bato sa loob nito. Kaya pala sumasakit ang balikat niya. Tinaniman siya ng bato ng kaniyang mga kaklase.

Kinuha ng binata ang bato at akmang itatapon ito sa gilid ng kalsada subalit nagulat siya nang may lumapit sa kaniyang lalaking armado na nakauniporme. Tinutukan siya nito ng baril at kinalabit ito.

Bumagsak ang malaking bato kasabay ng pagbagsak ng binata sa semento. Huli na ang lahat. Hindi na niya maipapakita sa ina ang resulta ng kaniyang pagsusulit. 

Pinulot ng lalaking armado na nakauniporme ang batong pasan ng balikat ni Jowel. Pinalitan niya ito ng mas maliit na bato. Mas magaan para sa binata.

Isang pakete ng bato at isang karatula ang ipinalit niya.

"Huwag tularan! Drug pusher ako."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 05, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon