Buwan

17 0 0
                                    

Maaliwalas ang kalangitan sa parke at maingay ang paligid dahil sa mga taong naririto. Malaya na ulit ang mga bata na makapaglaro. Bukas ang fountain at masiglang naglalaro ng basketbol ang mga kalalakihan.

Gayunpaman, hindi ang pag-obserba sa mga tao ang ipinunta ko rito. Dahil naririto ako para muling iguhit ang pinakamamahal kong buwan.

Tanaw ko mula sa aking kinauupuan ang pinakapaborito ko sa lahat. Nakangiti s'ya ngayon. Agad kong binuklat ang aking kwaderno at dinukot ang lapis sa aking bulsa, ngunit sa halip na lapis ang aking natagpuan ay narito ang aking quarantine pass.

"Panahon na para ikaw ay punitin." Banggit ko rito. Pinunit ko ito sa tatlo at itinapon na lang kung saan. Nakita ko naman ang aking bagong tasang lapis sa isa kong bulsa kaya naman ay sinimulan ko na ang gumuhit.

Tinitigan ko ang pinakamamahal kong buwan. Nasa malayo s'ya at sumasayaw sa hanay ng mga bituin. Hindi ko alam kung s'ya ba ang umaawit o ang mga ibon. Nariyan lang naman s'ya na makaagaw pansin dahil sa kanyang liwanag. Mukhang tunay na masaya siya ngayon.

Sinimulan ko na ang pagguhit. Inumpisahan ko ito sa kanyang hugis patungo sa kaniyang singkit na mata at matangos na ilong. At s'yempre, detalyado kong iginuhit ang kanyang kumikinang na ngiti.

"Sino ba namang hindi mahuhumaling sa iyo? Napakaperpekto mo."

Tinigil ko ang pagguhit at tumunghay upang sulyapan ka ulit. Ngunit laking gulat ko nang ikaw ay nasa harap ko na at isang metro lang ang ating pagitan.

Mukhang iniibig ko na ata ang buwan.

Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon