Ghen's Fortune

288 10 1
                                    

                “Maganda ang kapalarang naghihintay sa iyo ngayon, hija!”

                Kulang ang sabihing abot hanggang tenga ang ngiti ni Ghen nang marinig ang sinabi ng manghuhula. Marami pa itong sinabi kanina pero doon lamang siya napangiti ng todo. “Talaga po?” Tinignan niya ang sariling palad na hawak nito, “mabuti naman! Paano po ang love life ko? May pag-asa na rin bang lumago?”

                “Hmm,” muli nitong pinasadahan ng tingin ang palad niya, “aha! Se-swertehin ka rin ngayong taong ito, hija, pero mag-ingat lang dahil maraming magiging sagabal bago mo makilala ang iyong tunay na pakamamahalin at---“ hindi na nito natapos ang sasabihin nang biglang tumunog ang bell.

                “At?” hinintay niyang ituloy nito ang sasabihin.

                “Patawad ngunit natapos na ang oras mo. Five hundred pesos lahat-lahat. Kung gusto mong malaman ang karugtong ng kapalaran mo, kailangan mong pumila ulit at magbayad ng karagdagang session fee. Kung itutuloy mo pa rin ito, may 35 perccent off ka na.”

                Nanghahaba ang ngusong dinukot niya mula sa maliit na wallet na dala niya ang halagang hinihingi nito. Pitong daang piso lamang ang pera niya ngayon. Ibinigay niya sa nakabukang palad nito ang limandaan. Kung magpapahula pa siya, kukulangin na siya ng pera at wala na siyang pamasahe pauwi. “Sige po, salamat na lang po. Sa susunod ko na lamang po ipagpapatuloy kapag nagkapera na ako,” aniya bago lumabas doon.

                Naglakad siya patungong bus stop. Hindi na niya namalayan ang oras dahil pinagkaabalahan niya ang pakikipila sa nasabing manghuhula. Narinig kasi niya sa mga nakasabayan niyang naglalakad kanina na magaling na manghuhula daw ang bagong tayong stall sa harapan ng pinagta-trabahuan niya. Mahilig pa naman siyang magpahula at naniniwala din siya doon kaya hindi na niya pinalagpas pa ang pagkakataong magpahula kahit na wala na siyang kapera-pera.

                Inilabas niya ang cellphone niyang de-taktak. ‘De-taktak’ dahil hindi na iyon gagana kung hindi itataktak sa palad. Madali lang iyong ma-lowbat pero isang taktak lang at siguradong magfu-full charge na ulit iyon. Wala pa siyang balak palitan iyon dahil gumagana pa naman. Nagpatay-sindi ang ilaw niyon at kahit na anong gawin niyang pagtaktak ay hindi iyon tumitino. Hindi tuloy niya makita kung anong oras na. Baka nag-aalala na ang Tiya Ofelia niya sa bahay nila. Wala pa naman itong kasama dahil mula nang ipinanganak siya’y ito na ang nabungaran niyang pamilya.

                “Pare, takbo!”

                Nanlaki ang mga mata niya nang sa isang iglap ay wala na sa mga kamay niya ang cellphone niya at itinatakbo na ng dalawang lalake. Hindi na niya nakita pa ang mukha ng mga ito. “Hoy!” sigaw niya. Tinignan niya ang mga kasamahan niya sa bus stop pero parang walang nakita ang mga ito. “Aisht!” inilagay niya sa pagitan ng bra niya ang maliit na wallet niya saka kumaripas ng takbo para habulin ang dalawang snatcher na nakikipagpatintero na sa mga sasakyan. Kahit na ganoon na kapangit ang cellphone niya ay hindi pa rin niya iyon puwedeng isuko. Iyon ang naging regalo niya sa sarili nang hindi siya kumain ng tanghalian at hindi nag-merienda sa loob ng dalawang buwan noong nasa high school pa lamang siya.

                Wala na siyang pakialam kahit na binubulyawan na siya ng mga driver ng mga sasakyan na napapatigil kapag dumadaan siya.

                “Pare, hindi na ‘to mabebenta!” narinig niyang sigaw ng lalaking may hawak sa cellphone niya na noon lang yata napunang low-class ang napagdiskitahan nila.

                “Putcha! Itapon mo na!” sabi naman ng isa.

                Sa gulat niya’y bigla na lamang binato ng mga ito ang cellphone niya sa gitna ng daan at kumaripas na ulit ng takbo. “Mga walang modo!” ipinakita niya ang kamao niya bago marahas na inayos ang buhok at yumuko para pulutin ang cellphone niyang nabasag na ang screen.

Song-inspired Single Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon