Kaluluwa

7 0 0
                                    

may mga lugar talaga na masasabi nating may kaluluwa.

may kaluluwa hindi dahil sa may masalimuot na kasaysayan at may multong nagbabantay.

ibang kaluluwa —

mga kaluluwa ng mga kuwentong minsang nabuhay sa bawat sulok ng mga lugar na 'yon;
mga kaluluwa ng mga alaalang minsang isinilang doon;
mga kaluluwa na mumultuhin ka sa tuwing madaraanan mo ang partikular na lugar na 'yon;
at mga kaluluwa, na patunay na minsang nagkaroon doon ng buhay.

ipaaalala sa atin ng mga lugar na 'yon kung ano ba talaga ang kahulugan ng mga buhay natin noon.

dahil minsang naging piping saksi ang mga lugar na ito sa mga hinaing, pighati, takot, tuwa, ligaya, at marami pang kuwento na naging bahagi na ng ating pagkatao.

ganiyan sa nakaraan,
at nagbago na sa kasalukuyan.

ang mga lugar na 'yon — convenience store, fishball-an, gilid ng court, lugawan, mga kainan, o kahit ano pa mang tambayan 'yan — ay maaaring naging libingan na ngayon ng mga pumanaw na nobela ng nakaraan.

ngunit ang mahalaga'y sa tuwing nadaraan tayo sa mga lugar na 'yon, nararamdaman pa rin natin ang init ng buhay ng mga alaala ng kahapon.

sadya talagang may mga lugar na masasabi nating may kaluluwa —

may kaluluwa sapagkat buhay na buhay sa mga alaala.

5.20.20

Tularawan: Mga Tula't Sanaysay na Hinabi sa mga Luha't LarawanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon