I(s/k)aw

12 1 0
                                    

kabisado ko na ang mga liko ng bituka mo.

kabisado ko na ang pagkurba ng mga labi mo tuwing makikita ako. kabisado ko na ang mga tawa mo na musika sa pandinig ko. kabisado ko na ang malulungkot na himig sa tuwing tumatangis ka sa tabi ko. kabisado ko na ang pagningning ng iyong mga mata kapag nagkukuwento ka sa tuwina.

kabisado na kita, maniwala ka.

kabisado ko na ang mga liko, pasikot-sikot, at kanto ng  kuwento ng buhay mo.

magulo ang kuwento mo,
kasing-gulo ng mga bitukang paliko-liko.

ngunit kabisado na kita,
mula sa taas at baba ng buhay mo — at ayaw ko nang malimutan pa ang mga ito.

kaya hayaan mong manatili sa gunita ko ang bawat liko ng bituka mo —

ng pagkatao mo.

5.14.20

Tularawan: Mga Tula't Sanaysay na Hinabi sa mga Luha't LarawanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon