kung sakali mang nasa dalampasigan ka —
maglaan ka ng kahit limang minuto lang para umupo. masdan mo ang mga batang nagtatakbuhan sa saliw ng galak at ligaya. panuorin mo ang mga ibong naglalaro sa himpapawid sa gitna ng maalinsangang panahon. pumikit ka, at damhin ang mga nasa paligid mo.
pakinggan mo ang musikang likha ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan. pakiramdaman mo ang galas ng mga butil ng buhangin sa iyong balat. kung nais mong maglakad-lakad, lumusong ka sa mababaw na bahagi ng dagat.
iyapak mo ang iyong dalawang paa sa malalamig na yakap ng tubig-alat. tanawin mo ang pinakamalayong matatanaw ng iyong mga mata. dinggin mo ang ingay ng mga motor ng bangka na bumabaybay sa karagatan. hayaan mong umipit sa mga daliri ng iyong paa ang mga buhangin. hayaan mo.
hayaan mong kuhanin ng dalampasigan at karagatan ang gulo sa iyong isipan. hayaan mong dalhin ka ng mga alon nito sa ninanais mong kapayapaan. hayaan mong palayain ka ng takipsilim na tanaw sa dulo ng dagat — hayaan mong sumabay sa paglubog ng araw ang paglubog ng mga tangan mong bigat.
kung sakali mang mapadpad ka sa dalampasigan, ipaanod mo na sa alon ang mga salita't alaalang nagpapabigat lang sa iyong kalooban.
12.25.19
BINABASA MO ANG
Tularawan: Mga Tula't Sanaysay na Hinabi sa mga Luha't Larawan
PoetryPinagsama-sama ko sa kumakapal pa lamang na librong ito ang mga larawan at tula na naging katas ng aking mga personal na karanasan-- mula sa lungkot, saya, pait, tamis, hikbi, at luha. Naniniwala akong may kalakip na kuwento ang bawat litrato. At s...