"gusto ko nang tumanda."
tandang-tanda ko pa kung gaano ko kagustong tumanda noong bata pa ako.
akala ko kasi noon kapag matanda ka na, makukuha mo na ang lahat ng gusto mo; magiging malaya ka sa mga bagay na nais mo; at magiging madali na lang ang buhay para sa iyo.
hindi tulad noong mga bata pa tayo, na hindi natin mabili-bili 'yung laruang nagustuhan natin nang minsan tayong mapadaan sa bangketa o kaya sa mall.
o 'yung mahigpit na panahong hinahabol pa tayo ng tsinelas na pamalo ni mama tuwing tanghali upang matulog sa halip na makapaglaro nang malaya sa labas.
at 'yung mga panahong hirap na hirap tayong mag-multiplication at division sa math noong nasa elementarya tayo.
pero habang lumalaki,
maraming bagay ang napagtanto't isinampal sa akin ng buhay.
na kapag tumanda pala tayo, magiging mas mahirap at puno ng pagsubok ang mundo.
hindi pa rin agad natin makukuha ang mga bagay na ninanais natin. hindi pala kasing-mura ng laruang nakita natin noon sa bangketa't mall ang tunay na halaga ng mga inaasam ng puso natin.
hindi rin pala ibig sabihin na kapag matanda na tayo ay malaya na tayo. may mga panahong mararamdaman pa rin natin ang mga rehas sa ating pagkatao mula sa masasalimuot nating nakaraan. isang nakaraang mahirap takasan di gaya ng kung paano natin kadaling natatakasan ang mga pagtulog sa tanghali noon.
at higit sa lahat, hindi madali ang buhay-matanda. ibabagsak sa atin ng mundo ang lahat ng uri ng pasakit, pagdarahop, at pagsubok. mas pipiliin mo na lang na mag-solve ng math problem kaysa makipagbuno sa mga totoo mong problema bilang tumatandang myembro ng malupit at nakakapagod nating mundo.
mali ang inakala ko noon. hindi pala madali maging matanda.
kaya ngayon —
"gusto ko na lang ulit maging bata."
7.18.20
BINABASA MO ANG
Tularawan: Mga Tula't Sanaysay na Hinabi sa mga Luha't Larawan
PoetryPinagsama-sama ko sa kumakapal pa lamang na librong ito ang mga larawan at tula na naging katas ng aking mga personal na karanasan-- mula sa lungkot, saya, pait, tamis, hikbi, at luha. Naniniwala akong may kalakip na kuwento ang bawat litrato. At s...