Ilaw

8 1 0
                                    

huwag kang mahumaling sa liwanag ko.

pilitin mong huwag mahulog
sa maamo kong mukha,
sa matamis kong boses,
sa mapupungay kong mata —

pilitin mong huwag mahulog sa magaganda kong katangian.

masarap ang pakiramdam ng minamahal,
hinahangaan,
iniisip araw-gabi,
bawat minuto.

ngunit batid kong kalakip ng tamis ng pag-ibig ang pait ng tadhana.

isang araw, alam kong papangit din ang makinis kong mukha.
mawawala rin ang magandang himig na mayroon ako.
lilitaw rin sa mga mata ko ang mga lungkot na itinatago nito —

maglalaho't maglalaho ang mga katangian na naging dahilan ng pag-ibig mo para sa isang tulad ko.

ang liwanag na kinahumalingan mo sa akin,
balang araw ay magdidilim din.

pagdating ng araw na 'yon, mamahalin mo pa rin kaya ako? hahangaan mo pa rin ba ako? iisipin mo pa rin kaya ako araw-gabi, bawat minuto?

pipilii't pipiliin mo pa rin bang mahulog kahit pundi na ang mga nagustuhan mo sa personalidad ko?

kaya sana,
huwag kang mahumaling lang sa liwanag ko —

kung iiwan mo rin ako pagdating ng dilim ko.

7.15.20

Tularawan: Mga Tula't Sanaysay na Hinabi sa mga Luha't LarawanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon