Iniwasan ko si Nanay pagdating ko sa bahay. Nakatira kami sa mansyon kung saan nagtatrabaho bilang katulong ang Nanay ko. Magkasama kami sa isang maliit na kwarto sa dulong bahagi ng bahay malapit sa basement. Kapag wala akong ginagawa ay tumutulong ako sa mga gawaing bahay. May party sa mansion kaya kailangan kong lumusot sa alambreng bakod para maiwasan kong dumaan sa harap na lawn at makita ng mga bisita. Ayaw ni Mrs. Velez na may makakita sa aking bisita baka daw matakot sa akin at kung ano pa ang mangyari. Pabor naman iyon sa akin dahil hindi niya ako nauutusan kapag may ibang tao sa loob ng bahay. Didiretso na lamang ako sa kwarto at magkukumot para hindi na makita ni Nanay ang mga pasa ko. Alam kong hanggang sa oras na ito ay abala pa rin siya sa pag-aasikaso ng mga bisita ng amo niya. Bukas maaga akong gigising at papasok sa school para hindi na magkaroon ng pagkakataon si Nanay na makita ang mga pasa ko sa mukha at katawan.
Kaya nga lamang pagpasok ko sa kwarto ay naroon siya. Minamasahe niya ang sumasakit na tuhod dahil sa rayuma. Nag-angat siya ng tingin sa akin, "Nak, bakit ngayon ka lang? Kumain ka na ba? Ipaghahanda kita---" Natigilan siya nang makita ang itsura ko. "Anong nangyari d'yan? Anong nangyari sa mukha mo anak ko? Napaaway ka na naman ba? Sinong may gawa nito sa'yo?"
Hindi ako sumagot. Wala naman din siyang magagawa kahit na sabihin ko kung ano ang nangyari eh. Magagalit lang siya sa sarili niya dahil wala siyang magawa at mag-aalala lang sa akin ng husto sa tuwing papasok ako.
"Lucia! Sumagot ka saan mo nakuha ang mga ito? Diyos ko..." nanginginig ang kamay ng Nanay ko at maluha-luha habang nakatitig sa mukha ko. Ito ang ayoko kapag nangyayari ang ganito, mas masakit kapag nakikita kong nadudurog ang puso ni Nanay. Alam ko ang lahat ng mga hirap at sakripisyo niya sa akin simula't sapol. Siya lang ang kakampi ko sa lahat ng bagay, siya lang ang walang sawang nagmamahal sa akin sa kabila ng anyo kong ito. Maraming beses siyang nasaktan nang dahil sa pagtatanggol sa akin pero ni minsan hindi siya nagreklamo sa Diyos kung bakit ganitong klaseng anak ang binigay Nito sa kanya.
"Nay, huwag kang OA d'yan, may PE kami kanina, alam mo naman uncoordinated ako at lampa di ba? Ilang beses akong tinamaan ng bola kaya nagkaganyan, walang nang-away sa akin."
"Sigurado ka ba? Gusto mo bang pumunta tayo ng hospital ngayon para ipatingin 'yan?"
Tinawanan ko siya. "Si Nanay nagjo-joke, anong hospital? Wala tayong pambayad 'noh. Mayayaman lang ang nagpapahospital dahil sa simpleng galos."
"Anak hindi naman simpleng galos ang mga ito. Nangingitim ang panga mo oh."
"Isang yakap lang sa pinakamabait at pinakamaganda kong Nanay sa buong mundo, okay na ako."
"Ay sus, nambola pa 'tong anak ko na ito. Halika nga dito, kailangan ko din ng yakap dahil sumasakit na naman 'tong lintik na mga rayuma ako. Wala pa nga akong singkwenta, pinaparusahan na ako ng katawan ko."
"Abusado ka kasi Nanay. Pahinga din pag may time." sabay yakap sa Nanay ko ng mahigpit. Ganoon lang, tapos na problema ko. Maluwag na ang dibdib ko, handa na ulit ako sa panibagong hamon nila sa school bukas. Hangga't kaya kong maglakad at magsulat, papasok ako. Pinaghihirapan ng Nanay ko ang bawat sentimong ginagasto ko sa paaralang iyon, may pangarap siya sa akin at ginagawa niya lahat para matupad iyon. Kung ano ang pangarap niya yun na din ang pangarap ko. Kailangan kong makagraduate para makawala kami sa kulungang ito. Balang araw, maibibigay ko sa Nanay ko ang lahat ng gusto niya.
"Sandali lang at magpupuslit lang ako ng pagkain doon sa kusina para dito ka na sa kwarto kumain. Magagalit si Mrs. Velez kapag nakita ka niya sa labas kaya hintayin mo nalang ako dito." hinalikan niya ako sa noo.
"Sige po Nay."
Ngumiti siya nang mapait habang nakatitig sa mukha ko. "Kukuhanan din kita ng gamot."
Tumango lang ako at ngumiti ng matamis sa kanya.
Kinaumagahan. "Nay, nandiyan ka pa ba? Pakikuha naman ng tuwalya, nakalimutan kong dalhin dito sa CR. Nay. Nay?" Umalis na ba siya? Ang aga pa ah. Kahit na basa ang buhok at katawan ko ay lumabas ako ng CR para abutin ang tuwalya. Hindi ko inaasahan na naroon pa ang Nanay ko, nakaupo sa kama at may kausap sa telepono. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang katawan ko na punong-puno ng pasa at namumoong dugo sa ilang bahagi. Nakahubad ako mula sa CR kaya kitang-kita niya ang pangingitim ng halos buo kong katawan. Nabitawan niya ang cellphone niya sa sobrang pagkabahala sa akin.
"Anak! Ano 'yan? Saan mo nakuha ang mga 'yan? Magsabi ka ng totoo! Binogbog ka na naman ba nila?" tumutulo na ang luha sa pisngi ng Nanay ko. Kaagad kong inabot ang tuwalya at binalot ang katawan ko para hindi na niya iyon makita.
"Okay lang ako Nay. Wala 'to. Sabi ko sayo nasobrahan lang ako sa PE."
"Huwag kang magsinungaling sa akin Lucia! Tumawag ang Professor mo sinabing napagbintangan kang nagnakaw ng ballpen sa school mo. Nakita nila sa CCTV na hindi naman ikaw ang kumuha. Para ballpen lang ginawa nila 'yan sa'yo??"
"Nay." tsk. Pakialamerang Mrs. Castro oh!
"Halika. Samahan mo ako. Pupuntahan nating 'yang Miles na 'yan. Kailangang mag-sorry siya sa ginawa niya sa'yo at hindi na niya dapat na ulitin pa ang pagpapahamak sa iyo. Sumosobra na siya, hindi porket katulong lang nila tayo dito ay pwede na niya tayong paglaruan ng ganito. Kibata-bata pa ang sama na ng ugali. Kailangang turuan ng leksyon ang batang iyan!"
"Nay, huwag na. Kilala niyo si Miles, masamang demonyo ang babaeng iyon baka ikaw pa ang mapahamak. Hindi natin sila kaya, Nay. Kaunting tiis nalang ito, makakaalis din tayo dito. Maiiwanan din natin ang impiernong bahay na ito pati na ang demonyong mga tao. Magagawa din nating lumaban. Pero Nay hindi pa ngayon ang panahon."
"Hindi! Kailangang maturuan ng leksyon ang batang iyan, tingnan mo nangyari sa'yo, abay ginawa ka nilang punching bag sa school dahil sa kanya ah!" nanggagalaiti sa galit si Nanay kahit na anong hila at pigil ko sa kanya hindi ko siya maawat. Naghihilahan pa kami nang marating ang kwarto ni Miles. Ang nag-iisang anak ng amo namin.
"Miles! Miles! Lumabas ka d'yan mag-usap tayong bata ka! Miles!" halos kalampagin ni Nanay ang pinto. Ilang minuto pa ang lumipas nang magbukas ng pinto si Miles. Nakataas ang noo at kilay, nakahalukipkip na parang walang kwentang nagbukas siya ng pinto para lamang sa aming mag-ina.
"What do you need huh?" pagalit niyang singhal.
"Bakit mo ginawa iyon sa anak ko? Bakit kailangan mo siyang saktan ng ganoon ha?"
"As if ako ang nanakit sa pangit na 'yan! Magnanakaw! Kung hindi ka nagnakaw hindi ka sana mabobogbog! Paka-loser ng mga 'to susugod-sugod pa talaga dito! Iniistorbo niyo ko. Lalong-lalo ka nang pangit ka!" dinuro-duro ako ni Miles sa noo kaya naman hindi napigilan ng Nanay ko ang sarili. Itinulak niya si Miles at nadapa ito sa sahig.
"How dare you! Pinapalamon na kayo ng Mommy ko,ganyan pa kayo umasta mga walang utang na loob! Palibhasa mga busabos! Pumapangit ang bahay namin dahil sa mga pangit na kagaya ninyo. Umalis kayo dito! Umalis kayo!" Nang makabangon si Miles, inabot niya ang buhok ng Nanay ko at hinila iyon.
Nagdilim ang paningin ko, lahat kaya kong tanggapin pero hindi ang pananakit ng ibang tao sa Nanay ko. Inabot ko ang buhok ni Miles at hinila siyang palayo sa Nanay ko. Hindi ko inaasahan ang pagkuha ni Miles ng vase at pagpokpok sa ulo ko. Dinaluhan ako ni Nanay dahil nagsimulang tumulo ang dugo sa ulo ko at nahilo na ako. Itinulak niyang muli palayo si Miles.
"Napakawalang-hiya mo talagang bata ka!" inangat ni Nanay ang kamay upang sampalin si Miles. Ganoon na lamang ang panginginig ko nang senyasan ni Miles ang alaga niyang malaking aso at padambahan ang Nanay ko. Sa nagdidilim kong paningin, nakita ko kung paano lapain ng asong iyon ang Nanay ko habang nakatawa lang si Miles at patuloy pang sinesenyasan ang aso na huwag tumigil.
"Nanay...nanay ko..." hindi ako makagalaw. Hilong-hilo na ako. Kulay dugo na ang paningin ko. Gusto kong bumangon para iligtas ang Nanay ko pero hindi na gumalaw pa ang katawan ko at tuluyan na akong nawalan ng malay.