Prologo

6.9K 151 6
                                    







Sa isang malaking kaharian sa hilagang bahagi ng sinaunang Pilipinas bago pa man dumating ang mga mananakop ay may namumunong isang makapangyarihang Raja. Siya si Raja Lontok mula sa mataas na angkan ng mga Maharlika, may dugong bughaw at direktang salinlahi ng makapangyarihang si Bathala. Si Raja Lontok ay kinatatakutan hindi lang ng kanyang mga nasasakupan kundi pati na rin ng mga pinuno ng karatig na mga isla. Sinasabing ang kapangyarihan niya ay nanggaling sa dugo ni Bathala na siyang nananalaytay sa kanyang ugat. Kapangyarihang siya lamang ang nagtataglay sa hanay ng mga hari sa buong sangkatauhan.

Siya ang pinakamayamang Raja sa lahat, lahat ng mga pinunong Datu at Lakan ay naghahandog sa kanya ng alay dalawang beses sa pagitan ng bawat pagbilog ng buwan. Ang mga alay na iyon kadalasan ay masasarap na prutas, buhay na baboy ramo, perlas, ginto at mamahaling mga tela na galing pa sa mangangalakal na mga tsino. Bukod sa materyal na bagay, may isa pang kinahihiligang kolektahin ang Raja, iyon ay ang magagandang mga 'binukot' sa mga karatig isla. Ang mga binibining ito ay birhen, bata at siyang pinakamagagandang maharlika ng kanilang lugar. Lahat ng matipuhan ng Raja ay nilalatag sa kanyang paanan. Sinuman ang tumaliwas sa utos ay may kaparusahang kamatayan, sampu ng kanyang buong lahi.

Walang ginawa si Raja Lontok kundi magpakasaya at magpakasasa sa kapangyarihan niyang taglay. Walang katapusan ang piging sa loob ng kanyang malaking palasyo. Bumubuhos ang masasarap na inumin at pagkain. Iba't-ibang sayaw at kanta naman ang inaalay ng kanyang mga babaeng taga-aliw sa buong maghapon at magdamag.

Hanggang sa isang hindi inaasahang pangyayari ang bumulabog sa kasiyahan ng Raja. Ang kanyang nag-iisang anak na lalaki ay dinapuan ng isang malubhang karamdaman. Isang makapangyarihang espirito ang lumukob sa katawang-lupa ng kawawang prinsipe at hindi na pinakawalan pa. Ginamit ni Raja Lontok ang kanyang mga agimat at kapangyarihan upang buksan ang dimensyon ng espiritong lumukob sa anak at makipagkasundo dito. Anumang kagustuhan ng espirito ay kanyang ibibigay pakawalan lamang ang nag-iisang tagapagmana ng kanyang trono at ng kanyang lahi. Ngunit bigo ang makapangyarihang Raja. Taliwas sa inaakala niya, hindi pangkaraniwan ang espiritong lumukob sa prinsipe, hindi ito kagaya ng mga mabababang uri ng espiritong naninirahan sa kanyang lupain. Mataas ang uri nito. Malakas at makapangyarihan. Halos ikamatay ni Raja Lontok nang tangkain niyang buksan ang pintuan patungo sa espiritong iyon.

Matagal na panahong naging balisa ang Raja, itinigil niya ang mga selebrasyon sa loob ng palasyo at pinagbawalan ang sinuman na pumasok maliban na lamang sa kanyang pinagkakatiwalaang mga tauhan at alipin. Hindi maaaring lumabas sa palasyo ang balitang may isang espiritong mas malakas pa sa Raja ang nagawang tumawid sa dimensyon ng mga mortal. Hindi niya gustong mawalan ng kapangyarihan sa mata ng kanyang mga taga-sunod. Sa paniniwala ng mga ito siya ay mortal na may kapangyarihang kasing-lakas ni Bathala. Hindi siya makakapayag na mabago ang paniniwalang iyon. Kaya naman lihim siyang nagpadala ng mga sugo sa lahat ng karatig at malayong kaharian upang maghanap ng isang 'Babaylan' na may kapangyarihang buksan ang pinto patungo sa espiritong sumakop sa kanyang anak at himukin itong pakawalan ang prinsipe kapalit ng kahit na anong kahilingan.

Maraming kabilugan ng buwan ang lumipas ngunit ni isa sa mga sugo ay walang nagbalik na may mabuting balita. Lahat sila ay bigo na humanap ng Babaylang may ganap at lubos na kapangyarihan. Patuloy na dumaan ang mga takip-silim, nagsimulang manlumo at mawalan ng pag-asa si Raja Lontok. Humina ang kanyang kapangyarihan, nawalan ng balanse ang liwanag at dilim sa kanyang kaharian. Naging pugad ng mga ligaw na espirito at kakaibang nilalang ang buong lupain. Kaya naman natuon ang atensyon ng mga Diwatang tagapagbantay dito, upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng masamang hangin pinalibutan nila ng harang ang buong lugar. Isang harang na magsasalba sa mga taga labas ng kaharian ngunit magbibigay ng ibang uri at mapanganib na pamumuhay sa mga mortal na maiiwan sa loob niyon. Mananatili ang harang na iyon magpakailanman at hindi na muling magbubukas pa.

Ang buong kaharian ni Raja Lontok ay napalibutan ng malalago at sanga-sangang tinik na imposible na sa sinuman ang lumabas o pumasok sa lugar, elemento man o mortal. Sinabi ng ilang nangahas na maghimagsik na marahil ay nagalit ang Bathala sa pag-abuso ni Raja Lontok sa kanyang kapangyarihan. Sabi naman ng ilan, tuluyan nang nabaliw ang Raja at siya ang mga gawa ng bakod na tinik sa paligid, siya rin ang nagpakawala ng maraming espirito sa kaharian. Anuman ang totoong dahilan, walang alam ang sinuman.

Samantala, nanatili sa loob ng kanyang mahiwagang silid-dasalan ang Raja, matiyaga siyang naghintay ng isang sugo ang magpapakita ng senyales na natagpuan na ang Babaylang kailangan niya. Ngunit hindi naging madali ang paghihintay, napakaraming araw, buwan at taon na ang lumipas walang sugong nagbalik. Napako ang Raja sa kanyang templo, tumigil ang pag-ikot ng oras para sa kanya. Hanggang sa isang lihim ang di sinasadyang naungkat na lubos na nagpalukso ng poot ng makapangyarihang pinuno.

Love EternalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon