Kakaiba talaga ang mga bulaklak na tumutubo sa lugar na ito. Kagaya ng nasa harapan ko ngayon. It's a little white flower in the shape of an angel. Totoo! Para din siyang totoong may halo na nakabalot sa ulo niya. Nauubos ang oras ko sa paglalakad-lakad sa malawak na hardin ng mansyon ni Gabriel. Paminsan-minsan ay nagpupunta din ako sa batis sa likod-bahay na abot pa ng selyong nakabalot sa lugar. Malamig at manamis namis ang tubig doon. Hindi gaanong kalaliman kaya gustong-gusto kong magtampisaw kahit sa ilalim ng init ng araw. Ang araw nga pala dito, hindi ganoon kasakit sa balat, kahit pa tanghaling tapat ay alam kong hindi nakakasunog. Sa dimensyong ito ng daigdig, hindi pa sira ang kalikasan. Nakapagtataka dahil paano nila nami-maintain iyon samantalang mas advance pa nga ang technology nila kaysa sa mundo ko. Kunsabagay, ang mga taong nakatira dito ay mga tao pa libo-libong taon na ang nakakaraan, ayon kay Gabriel, hindi sila tumatanda. Lumulubog at lumilitaw lamang ang araw sa mundong ito pero hindi lumilipas ang panahon. Nanatili silang bata, they're living and moving but still trapped, frozen in time. Sa ganoong kadahilanan din kung kaya walang bagong sanggol ang isinisilang sa lugar na ito. Walang kakayahang magbuntis ang mga babae, mapa mortal man, engkanto o espirito. Kahit na anong nilalang sa lugar na ito, walang kakayahang magkaroon ng supling. Nakakalungkot isipin.
Sa kabila ng nakabibighaning paraisong ito, ay ang pangit na katotohanang iyon. Bukod pa doon, namumuhay sa takot ang mga tao dito. Hindi sila malayang kumilos, araw-araw naroon ang pangamba na baka isang araw may masamang espiritong darating sa kanilang tahanan at lalamunin silang lahat. Ang mga kagaya ni Gabriel na may mataas na estado sa lipunan lamang ang may kaalamang gumawa ng selyo at kahit papaano ay itaboy ang mga kaaway, ngunit ang ibang simpleng mamamayan lalo na ang mga alipin. Hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Karamihan sa kanila ay naninilbihan sa mga mabubuting espiritong nagbibigay sa kanila ng proteksyon bilang kapalit.
Siya nga pala, ang sabi ni Gabriel hindi lahat ng mga may anyong tao sa lugar na ito ay tao talaga. Kung ang espirito ay malakas, kaya niyang magbalatkayo sa kahit na anong anyong gusto niya at hindi mo makikilala kapag nakita mo gamit lamang ang mga mata.
"Binibining Lucia." narinig kong may tumawag sa akin. Nang lingonin ko'y nakita ko ang batang engkanto na madalas na nakangiti sa akin ang dumating. Nimfa ang pangalan niya, alam niyang naiintindihan ko ang salita niya, hindi ko nga lang kayang bigkasin. Kagaya ngayon, sinasabi niyang pinapatawag ako ni Gabriel.
Ang alam ko'y sa makalawa pa ang dating niya. Sinabi niya dalawang araw na ang nakakaraan na may kailangan siyang puntahan sa kabilang kaharian upang siguruhin ang kaligtasan ko. Napaaga yata ang dating niya. Tumayo ako at sumamang maglakad sa batang engkanto. Atubili siyang humawak sa kamay ko, natatakot na baka magalit ako. Nginitian ko siya, sumaya ang mukha niya at ginantihan ako ng ngiti.
Pagdating sa loob ng bahay nakita ko ang ilang mga babae at lalaking may magagarbong kasuotan ang naglalakad patungo sa malaking bulwagan. Kung titingnan sila parang mga sinaunang hari at reyna. May palamuting mga bato at diamante sa katawan at mga mga babae ay parang may putong ng korona sa nakapusod nilang mga buhok. Mahahaba ang mga suot nilang roba na gawa sa mamahalin at di pangkaraaniwang uri ng tela.
"Sshhhhh." hinila ako ni Nimfa sa isang sulok upang magtago. Isa sa mga taong iyon ang tumingin sa gawi namin pero hindi na kami nakita pa.
"Bakit?" mahinang tanong ko kay Nimfa na may kasamang senyas. Nagsalita siya sa kanilang lenggwahe.
"Sila ang mga Panginoon ng ibang pang kaharian." aniya.
"Anong ginagawa nila dito?"
"Gusto ka nilang makita. Pero hanggat hindi pa nila napaguusapan kung ano ang gagawin sa'yo hindi ka nila pwedeng makita. Delikado."