Chapter 4 - The 18th and The Lady in White

46 4 0
                                    

The 18th and The Lady in White.

***

Ela's POV

NAKATITIG ako sa nakaayos at nakahilerang mga libro sa bookshelf na nasa harapan ko. Pawang mga kuwentong may happy ending ang laman nito. Mga kuwentong hanggang sa pagbabasa at imahinasyon ko lang mangyayari. Mga kuwentong kahit gaano ko pa naisin ay malabong mangyari sa buhay ko.

Sinubukan kong tumayo mula sa pagkakaupo sa kama. Ngunit napaupo lang ulit ako. Kumikirot at namamaga parin ang paa ko na tumama sa malaking ugat ng puno.

Isang araw na ang lumipas magmula nang mangyari ang insidenteng iyon. Isang araw rin akong nanatili sa kama dahil sa pananakit ng aking katawan. Hindi ko alam kung paano ako nakauwi sa bahay lalo na kung paano ko nagawang lapatan ng paunang gamot ang aking mga sugat. Marami pala akong natamong mga sugat mula sa mga mababang sanga ng puno, mga matatahib na dahon, at mga bato na hindi ko na napansin noong ako ay tumatakbo. Ang naa-alala ko lang ay nawalan ako ng malay simula noong sumidhi ang sakit ng aking ulo sa panibagong alaala na pumasok sa isip ko.

Pinilit ko ulit na tumayo at tiniis ang sumusundot at sumisidhing sakit sa paa ko. Paika-ika akong naglakad papunta sa salamin na nakasabit sa dingding malapit sa aking bintana.

Tiningnan ko ang repleksyon ko. Walang kabuhay-buhay ang aking mga mata. May mga galos ang aking mukha at mas pumutla ang maputi kong kutis. Napatitig ako sa aking labi. Ngumiti ako at matamang tinitigan ang ngiting iyon pero walang nangyari.

Napatingin ako sa aking mga mata at kitang-kita ko ang marahang pag-agos ng mainit na likido mula roon pababa sa nakangiti kong labi. Tao rin naman ako ah! Bakit hindi ako tinatablan ng sumpa?

Rinig ko ang pagpatak ng mga butil ng luha sa sahig. Maging ang pag-iyak ng uwak sa di kalayuan.

*toot! Toot!*

Napalingon ako sa tunog ng orasan na nasa tabi ng kama ko. Nakasaad doon ang araw, petsa, at kasalukuyang oras.

|Sat 08.08 11:00a.m.|

Napasinghap ako sa nakita.

At wari naging manipis ang hangin dahil nahirapan akong huminga. Mabilis akong paika-ikang naglakad papunta sa pinto. Nanunuyo ang lalamunan ko.

Nang makarating sa kusina ay agad akong nagsalin ng tubig at uminom ngunit hindi ko paman nauubos ang tubig ay nabitawan ko ang baso. Umalingawngaw ang malakas na tunog ng pagkabasag nito. Nanginginig ang aking mga kamay maging ang aking tuhod na siyang naging dahilan upang mabuwal ako sa sahig. Ramdam ko ang pagtaroy ng mga maliliit na bubog sa balat ko. Napaimpit ako ng tili at mariing napakagat sa labi. Muling nag-unahan sa pag-agos ang luha sa aking mga mata. Hanggang sa nasundan ng paghagulhol. At di kalaunan ang iyak ay naging tawa. Malakas ngunit malungkot na tawa.

Ang madilim na kusina sa aking paningin ay napalitan ng isang mahabang lamesa na puno ng mga pagkain. Nasa harap ko ang malaking cake na may numero 8 na kandila. Nakangiti ang mga taong nakapalibot sa lamesa ngunit kulay puti na ang kanilang mga mata at maputla ang kanilang mga balat. Bigla ring may malakas na sumabog at lumiyab ang paligid. Naging saksi ang dalawang mata ko kung paano parang bula na nawala silang lahat sa harapan ko.

Malakas akong napailing at napasabunot sa buhok ko. Pilit iniwawaksi ang mga mapait na alaalang nagpupumilit bumalik.

"Tama na! Pagod na ako! Hindi ko naman sinasadya.. Hindi ko ito ginusto.. Bakit ako pa?... " napahagulhol akong muli. Naninikip ang aking dibdib. Umusbong ulit ang matinding konsensya at pagkamuhi sa sarili.

The Lady With A Cursed SmileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon